Yassi Pressman: Ang tunay na Yassi

1025

Latest posts by Ria Montana (see all)

 

 

Sa panahong ito, kinamumuhian ng husto si Yassi Pressman sa karakter niyang Alyanna Dalisay dahil sa pakikipagrelasyon niya kay Sir Marco (J.C. Santos) sa Ang Probinsyano. Maling-mali daw na maghanap siya ng atensyon sa iba dahil lamang nagkulang sa kanya ang partner niyang si Ricardo Dalisay (Coco Martin). Kaya ang sigaw ng mga tao ngayon, patayin si Alyanna! Kahit naman kasi nasa modernong panahon na tayo ngayon, hindi pa rin tamang pagtaksilan mo ang iyong asawa lalo na’t alam mo naman na buhay na buhay pa siya.  

Sa mata ng maraming tao, lalo na iyong mga nagpapahalaga sa kasal ay ayaw kunsintihin ang ginagawa ni Alyana. Siya ang heroine ni Cardo tapos nagtataksil siya, ang sakit noon sa dibdib kaya mabuti pa talagang wakasan na ang kanyang karakter, baka kasi maging inspirasyon pa siya ng mga babaeng nangungulila lamang sa kanilang asawa.  

Kung kinamumuhian ninyo talaga si Alyanna Dalisay, siguro naman ay hahangaan ninyo si Yassi Pressman sa kanyang galing. Hindi lang naman kasi siya aktres, isa pa siyang magaling na dancer at kahit na banas na banas ka, siguradong mapapangiti ka kapag nagsimula na siyang magsayaw dahil kaakit-akit talaga ang kanyang paggiling. At kung nadala ka sa pagda-drama niya, sigurado namang mapapahagalpak ka sa katatawa kapag nag-comedy na siya.  

Kung sa tingin mo ay isa siyang masamang asawa ni Cardo Dalisay sa Ang Probinsyano, si Yassi naman ay mapagmahal na anak. Nang pumasok nga si Yassi noon sa Pinoy Big Brother Lucky Season 7 ay nakita natin kung gaano niya na-miss ang kanyang pamilya sa saglit nilang paghihiwalay. Kaya nga nag-breakdown pa siya PBB dahil wala siya nu’ng birthday ng kanyang pinakamamahal na ama. Nang oras na iyon lang daw kasi sila nagkahiwalay.  

Kaya sana naman ay huwag rin siyang husgahan base lang din sa napapanood nating karakter niya sa Ang Probinsyano. Ibig lang kasing sabihin nu’n magaling siyang aktres kaya nadadala tayo sa kanyang pag-arte.  

O, huwag na ninyo siyang husgahan dahil hindi ninyo siya kilala. Kung kilala kasi ninyo siya dapat alam ninyong May 11, 1995 ang kanyang kaarawan at kahit na maganda at seksi siya ay nabu-brokenhearted din siya. Inamin niya iyon sa isa niyang interview. Kaya, hinay-hinay sa pagsigaw ng ‘patayin si Alyanna’ dahil nasasaktan din naman si Yassi Pressman. Tandaan ninyo, umaarte at binibigkas lang niya ang kanyang mga dialogue dahil sa sinasabi ng writer at director. Sabi nga, ‘trabaho lang, walang personalan’.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here