Videoke At Iba Pang ‘Environmental Noise’ Dapat Talagang Ipagbawal

0
391

NARANASAN mo na ba iyung matutulog ka sana dahil pagud na pagod ka sa trabaho at naipit ka pa sa trapik bago nakauwi pero hindi ka naman dalawin ng antok dahil may mga kapitbahay kang bumibirit sa videoke? At kung minamalas-malas ka pa, wala na nga sa tono ang pagkanta ay makabasag-eardrum pa ang speaker.

 

Kapag naman sinita mo o kaya ay inireklamo sa barangay, posibleng mauwi sa away. Kaya ang mangyayari, titiisin mo na lang kung kailan titigil ang mga sobrang hilig sa music at ang lalakas ng loob kumanta kahit walang talent.

 

Pero mukhang malapit nang matapos ang ating kalbaryo.

 Dinidinig na ng Committee on Public Order and Safety ang House Bill 1035 na naglalayong ipagbawal ang paggamit ng videoke at iba pang itinuturing na environmental noise sa mga residential area.

Ayon sa may akda ng panukala na si Quezon Rep. Angelina Tan, madalas na nagkakaroon ng gulo at minsan ay nauuwi pa sa patayan dahil sa karaoke.

Base sa panukala, ipagbabawal ang karaoke at iba pang maiingay na gawain mula alas diyes ng gabi hanggang alas siyete ng umaga.

Ang sinumang lalabag ay pagmumultahin ng P1,000 at maaaring makulong ng hanggang anim na buwan.

Bukod daw kasi sa nakakaperhuwisyo sa mga residente, masama rin daw sa kalusugan ang malakas na ingay. Nakakapagdudulot ng paghina ng pagdinig ang anumang malakas na tunog. Nagiging dahilan din sa kakulangan sa oras ng tulog, nakaapekto rin sa mental performance at learning development sa mga bata. Nagpapataas din ito ng blood pressure, stress level at nakaapekto sa mga buntis.

Ipinanukala naman ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr.na dapat magtakda ng decibel level measurement dahil huindi naman daw pwedeng ipagbawal ang karaoke lalo kung sa loob naman ng bahay ito gagawin.

Bukas naman si Tan sa mga suhestiyon at palawakin ang sakop ng panukala at isama ang iba pang pinagmumulan ng noise pollution maliban sa karaoke.

 

Ilan pa sa mga nakapaloob na sa panukalang batas ay ang mga ingay mula sa radio, CD players, TV at mga loudspeakers.

 

Bumuo na ng technical working group ang komite para sa panukala.

 

Magandang batas ito at mapapakinabangan ng mga taong nais ng pahinga kapag nasa bahay na. posibleng magtampo ang mga mahihilig bumirit at sasabihing nagkakasayahan lang naman sila, pero mas nakararami ang may karapatan para sa paligid na tahimik at payapa.

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here