TSINELAS

0
163
Ravenson Biason

Ravenson Biason

Ravenson Biason:Writer/Novelist/ Blogger/ Artist/ Composer/Cartoonist
Ravenson Biason

Latest posts by Ravenson Biason (see all)

MAIKLING KUWENTO NI: RAVENSON BIASON

Isang sampung taong gulang na batang babae ang naglalako ng tsinelas. Bawat bahay na kanyang madaanan ay binebentahan niya ng bitbit na tsinelas. Mukhang marungis ang bata at amoy araw na dahil sa ilang oras na paglalako ng kanyang paninda na kung saan, dalawampung porsiyento sa bawat mapagbibilhan ng tsinelas ang mapupunta sa kanya at ang walampung porsiyento ay mapupunta sa may-ari na kinukuhanan niya ng paninda.

Ngunit,nakalulungkot na sa kabila ng buong sikap niyang paglalako ay wala pa ring bumibili. Tagatak ang kanyang pawis dahil sa pagkababad sa araw. Isa pa, nakararamdam na rin siya ng gutom dahil mula nang umalis siya sa dampang tinitirhan malapit sa ilog ay hindi man lang siya nakapag-almusal. Magtatanghalian na noon kung kaya nakaramdam na siya ng pagkalam ng sikmura at pagkahilo.Sa kabila ng nararamdaman ay nagbaka-sakali siyang pagbentahan ng kanyang inilalako ang nadaanang bahay. Magara iyon at mayaman ang nakatira.

Nag-door bell ang bata sa gate ng magarang bahay at lumabas naman ang isang lalaking ang edad ay nasa 30-anyos. Nakangiti siya sa batang babae.

Bi-bili na… po ka-kayo ng tsinelas,” medyo garalgal na wika ng bata sabay subsob sa harapan ng lalaki. Namumutla ito at pinagpapawisan.

Nabatid ng lalaki na pagod  at gutom na ang bata kung kaya inalalayan niya at pinaupo sa terasa na nasa bungad ng kanyang bahay. Humingi ng isang basong tubig ang batang babae dahil nauuhaw daw siya. Pagbalik ng lalaki ay dala-dala nito sa isang tray ang isang basong gatas, dalawang pirasong saging at mansanas, pitsel na may lamang malamig na tubig, baso, adobong manok, at isang pinggang kanin.

Kumain ka upang lumakas ka. Sa gayun ay di ka na magutom at mapagod ng husto sa paglalako,” nakangiting anyaya ng butihing lalaki sa bata. Hindi na nagkunwari ang batang babae at agad na kumain. Habang kumakain ang bata ay minamasdan siya ng lalaki. Bagama’t nagtitinda ng tsinelas ang bata ay luma, pudpod, at mapapatid na ang tsinelas nito.

Magkano ba ito?” ani ng lalaki sabay hawak ng  isang pares ng tsinelas  na may disenyong ribbon na pink sa harapan na nakabalot sa plastic.

Isandaan po ang goma at dalawang daan po ang balat,” sagot ng bata. Sandaling nagpaalam ng lalaki at pagbalik ay binili nito ang isang pares ng tsinelas at ibinigay sa batang babae pagkatapos bayaran.

Ang bait-bait nyo po. Maraming salamat po, kuya. Pagpalain po sana kayo ni Lord,” wika ng bata na nangingilid ang luha sabay napayakap sa butihing lalaki.

Hindi ko po alam kung papaano makagaganti sa kabutihan nyo sa akin,” wika pa ng bata.

Huwag mong isipin yun. Hindi naman ako naghahangad ng kapalit. Malay mo, ikaw naman ang makatulong sa akin, “wika ng lalaking si Jimmy.

Pagkatapos kumain ay masayang umalis ang bata. Sumigla ang diwa at pananampalataya nito sa Diyos dahil dinidinig umano ang kanyang mga panalangin. At si Jimmy ang ginagawang kasangkapan upang pagpalain siya nang araw na iyon. 

Sumigla rin  ang pakiramdam nito dahil sa kinain at sa bagong suot na tsinelas. Ang lumang tsinelas nito ay naiwan sa bahay ni Jimmy na isinabit naman ng lalaki sa alambre na nasa  gilid ng dingding. Umaasa siya na muli pa niyang makikita ang bata pero ilang araw at taon na ang nakalilipas ay hindi na niya ito nakita. Pero, malaki ang kanyang paniniwala’t pananalig na hangga’t nakasabit ang lumang pares ng tsinelas na pinaglumaan ng bata ay magkikita rin sila balang araw.

Lumipas pa ang dalawampung taon ay nagkaroon ng mabigat na karamdaman si Jimmy at matagal na naratay sa ospital dahil sa sakit sa baga. Dahil sa paghahangad ng kanyang kaanak na gumaling siya ay naubos ang naipon niya dahil sa gugol sa pagpapagamot. Hanggang sa ang dating maalwan na pamumuhay ng kanyang pamilya ay nasuong sa kagipitan. Tumutulong naman sa gugulin sa pagpapagamot ang kanyang anak na si Leslie, isang guro at si Jobert, isang resto manager, ay kulang pa rin.

Dahil sa wala pa ring pagbabago ang kondisyon ni Jimmy sa kanila ng tuluyang pagpapagamot sa pinaglagakang ospital ay ipinasya ng kanyang pamilya na ilipat siya sa ibang pagamutan. Doo’y natuka si doktora Marivic Lucas na gumabay at gumamot sa kanya. Siya rin ang kinonsulta sa rare lung disease ng lalaki dahil isa siyang espesyalista rito.

Nung una, hindi nakilala ng doktora ang nakaratay na pasyente sa isang ward. Pero nang kanyang kilatising mabuti ay nakilala niya ito ay napangiti siya. Hindi naman siya nakilala ni Jimmy dahil malaki na ang kanyang pinagbago kaysa sa noong araw na magkita sila. Hindi na kasi maitim ang kanyang balat, tuwid na ang kanyang buhok at eleganteng kumilos kahit nakasuot pa ng kanyang doctor’s gown.

Dahil sa hindi makalimutan ni Marivic ang kabutihang ginawa sa kanya ng lalaki noon ay sinikap niyang gumaling ito. Binigyan din niya ng espesyal na atensiyon at pag-aaral ang bibihirang kaso ng sakit ni Jimmy sa baga. Na kung saan, hindi matukoy kung ito’y tuberculosis o lung cancer o kumplikasyon ng pagiging hikain ng lalaki.

Pagkalipas ng ilang buwang gamutan ay unti-unting nakitaan ng pagbabago ang kondisyon ni Jimmy. Sumisigla na siya nang unti-unti nang matunaw ang kanyang pigsa sa baga dahil sa mahusay na panggagamot ni Marivic. Nang matanggap ng pamilya ni Jimmy ang bill sa mga nagugol sa ospital, sa gamutan, at sa serbisyo ay nanginginig ang kanilang kamay na inabot sa lalaki ang naturang resibo.

Kinabahan si Jimmy at nabuo ang nerbiyos nang hawak-hawak na niya ang bill. Natatakot siyang buksan iyon dahil batid niyang kahit gugulin niya ang kanyang natitirang buhay sa pagtratrabaho; ay imposibleng mabayaran niya iyon ng buo. Ganunpaman, lakas loob niyang tiningnan ang resibo at nakita niyang may nakatatak na “PAID”. Nagtaka siya at mas pumukaw ng kanyang pansin ang nakasulat na kataga sa gilid na karugtong ng salitang PAID na:

“In full with new one pair of slippers and lunch food”.

Signed, Dr. Marivic C. Lucas.

Nanginig si Jimmy sa nabasa. Nagningning ang kanyang mga mata  at lalong sumigla ang kanyang katawan. Nangilid ang luha sa kanyang mga mata at nakadama siya ng pananabik.

Siya pala. Siya pala!” wika ni Jimmy ng buong kasiglahan. Nang muling magtungo si Marivic sa pinaglalagakan niyang ward ay tinawag niya ito at pinalapit sa kanya. Pagkatapos ay hinagkan sabay na napaiyak.

“Salamat… salamat. Sabi ko sa iyo, mas malaki ang maigaganti mong kabutihan sa akin, Marivic,” ani Jimmy ng punong-puno ng galak. Umiyak na rin ang babae. Natuwa nang makilala na siya ng lalaking gumawa ng mabuti sa kanya.

Walang anuman po, kuya, Jimmy. Ako nga po ang higit na dapat magpasalamat sa inyong kabutihan. Mula nang bilhin at ibigay nyo sa akin ang pares ng tsinelas na inilalako ko noon ay sunod-sunod na pagpapala po ang dumating sa aking buhay. Pag-uwi ko po nun galing sa paglalako ng tsinelas ay nakilala ko po ang tunay ko ng ama na pumasyal po sa aming dampa pag-uwi ko. Pagkatapos po nun ay inalis niya kami ni inay sa squatters area at pinatira sa malaking bahay na si tatay Hector po ang may-ari. Mayaman po pala ang tatay ko at dinala niya kami ni inay sa Amerika. Doon ko na po ipinagpatuloy ang pag-aaral ko kung kaya di na ako nakapaglako ng tsinelas. Kaya, di nyo na rin po ako nakita. Nag-aral po ako ng Pediatric Pulmonologist, Pediatrician sa Cleveland, Ohio. At nang makapagtapos po  ay bumalik po ako rito sa ating bansa para rito  na makapanggamot,” masaya pero naluluhang wika ni Marivic.

Napatingin sa bintana si Jimmy. Bukas iyon at aninag niya ang magandang silahis ng araw na napapagitnaan ng dalawang ulap. Umusal ng panalangin sa Diyos.

Maraming salamat po sa pagbili at pagbigay ko ng isang bagong pares ng tsinelas sa bata noon. Na kung hindi dahil po doon ay hindi mahahayag ang Iyong kapangyarihan at mapagpalang kamay sa pamamagitan niya.”

WAKAS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here