TRINIDAD TECSON: INA NG BIAK-NA-BATO

25563

Si Trinidad Perez Tecson ay binansagan ni Gen. Emilio Aguinaldo na “Ina ng Biak-na-Bato”. Tinawag din siyang “Mother of the Philippine National Red Cross” dahil sa kanyang serbisyo sa mga kapwa Katipunero.

Ipinanganak si Trinidad noong Nobyembre 18, 1848 sa San Miguel de Mayumo, Bulacan. Isa siya sa labinganim na anak nina Rafael Tecson at Monica Perez. Natuto siyang bumasa at sumulat mula sa schoolmaster na si Senor Quinto. Maagang naulila sa mga magulang kaya maaga siyang nahinto sa pag-aaral at natira sila ng mga kapatid sa mga kamag-anak.

Kung ang ibang dalagita ay pananahi at pagbuburda ang hilig, si Trinidad ay eskrima ang pinagkakaabalahan noong mga panahong iyon. Para sa kanya dapat matutunan ng parehong lalaki at babae ang paggamit ng iba’t ibang uri ng sandata. Malaki kasi ang maitutulong niyon para maipagtanggol ang sarili sa oras ng panganib o kagipitan.

Bata pa lang ay kinakitaan na ng tapang si Trinidad. Mayroong nangahas na pumanhik sa kanilang tahanan isang gabi, sinugod ito ni Trinidad ng itak. Duguang umalis ng kanilang tahanan ang taong iyon at nangakong hindi na uulitin ang ginawa.

Mayroong isang alperes na nagkagusto kay Trinidad pero inayawan niya ito. Nabigo ang alperes at inutusan ang mga tauhan na puntahan ang bahay ni Trinidad at pilit siyang hinanapan ng pinuslit na tabako. Galit na galit na iwinasiwas ni Trinidad ang matalim na itak at itinaboy ang mga ito. Walang inaatrasan si Trinidad. Naniniwala siyang walang mang-aalipin kung walang magpapaalipin.

Dahil sa angking tapang at lakas ng personalidad, natatakot manligaw ang mga lalaking may gusto rito. Kaya akala ng marami ay hindi na siya makakapag-asawa pa. Pero may isang mapangahas na lalaki ang nagtagumpay sa puso ni Trinidad. Labingsiyam na taong gulang si Trinidad nang magpakasal. Biniyayaan silang mag-asawa ng dalawang anak sina Sinforoso at Desiderio. Sa kasamaang palad, namatay ang parehong bata.

Naging councilor ng Logia de Adopcion si Trinidad. Isa iyong masonic lodge na itinatag noong 1893. Noong 1895, sa edad na 47 ay sumapi si Trinidad sa Katipunan. Kahit hindi naman kailangan para sa mga kababaihan na pumirma sa dokumento ng panunumpa gamit ang sarili nilang dugo, ginawa pa rin iyon ng matapang na si Trinidad.

Tinulungan niya ang grupo sa pamamagitan ng pagpuslit ng mga armas mula sa korte sa Caloocan at San Isidro. Nagtrabaho siya sa ilalim ni Heneral Mariano Llanera nang magsimula ang rebolusyon. Sa labanan sa San Miguel, muntik na siyang mahuli habang nagde-deliver ng pagkain sa mga kasamahan pero nakatakas siya sa pamamagitan ng pagpapanggap na patay na siya. Kasama rin siya ng mga laban na pinamunuan ni Heneral Francisco Macabulos ng Nueva Ecija, Heneral Llanera, Heneral Isidro Torres at Heneral Gregorio del Pilar ng Bulacan. Si Trinidad ang gumagamot sa mga sugatang Katipunero. Sa madugong labanan sa San Miguel at Zaragosa nabaril si Trinidad sa kanang hita. Napilitan silang umatras at pumunta sa Biak-na-Bato na naging headquarters ni Heneral Emilio Aguinaldo.

Noong Philippine-American War, lumaban si Tecson sa ilalim ng pamumuno ni Heneral Gregorio del Pilar.

Pagkatapos ng giyera, namatay ang kanyang pangalawang asawa. Ipinagpatuloy niya ang pagnenegosyo sa Nueva Ecija na pagbebenta ng karne sa San Antonio at Talavera. Nagpakasal sila ng kanyang pangatlong asawa na si Doroteo Santiago. Nang pumanaw ito, pinakasalan niya si Francisco Empainado. Noong January 28, 1928, pumanaw siya sa Philippine General Hospital sa edad na 79.

 

SOURCES:

https://en.wikipedia.org/wiki/Trinidad_Tecson

http://en.wikipilipinas.org/index.php/Trinidad_Tecson

https://www.pinoyedition.com/talambuhay-ng-mga-bayani/trinidad-tecson/

SHARE
Previous articleMga taong nakatakdang magka-asawa, makikita sa palad
Next articleMGA GANAP SA PINAS (Setyembre 30, 2017)
MIA SALONGA studied professional makeup and worked as a nurse in a dermatological center. She is also a romance writer and is currently training to become a scriptwriter. She hopes to one day see her written work come alive on the small or big screen.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here