TRAIN: Buksan ang Mata

0
755
TRAIN: Buksan ang Mata

Latest posts by JEFANIE TUAZON (see all)

Ano nga ba ang TRAIN? Tax Reform for Acceleration and Inclusion ito mas kilala. Ito ang batas na nagtatakda ng mababang income tax sa mga manggagawang pilipino.

Dulot din ng batas na ito ang pagkakapantay-pantay ng buwis may pamilya man o wala. Masaya ba? Sandali lang at mas ipakikilala ko pa sa iyo ang TRAIN.

Alam mo ba ang dalawang uri ng buwis? Ito ang direkta at hindi direktang buwis. Kabilang sa direktang buwis ang income tax na direktang ibinabawas sa sweldo ng mga empleyado.Samantala, sa hindi direktang buwis naman kabilang ang excise tax at value added tax (VAT). Ito ang halagang ipinapatong sa presyo ng isang produkto bilang buwis.

Isipin mo, dahil sa mababang income tax, paano na ang gastusin ng pamahalaan? Saan kaya nila kukunin ang limpak-limpak na pondong kailangan ng gobyerno? Ang sagot, sa excise tax. Itinatakda ng TRAIN law ang pagtaas ng excise tax sa mga produktong sigarilyo, cosmetics, produktong mineral, mga sasakyan, matatamis na inumin, at gasolina.

Maganda pa rin ba sa iyong paningin? Laliman pa natin at ipapaliwanag ko ang tila ba “domino effect” nito.

Unahin natin ang pagtaas ng presyo ng matatamis na inumin. Kabilang na dito ang juices, softdrinks, at iba pa. Dito sa amin, ang dating P 8.00 na maliit na RC Cola ay P 12.00 na ngayon; ang dating P 20.00 na malaking Coke ay P 27.00 na; at ang noo’y P 13.00 na Tang juice ay P 18.00 na sa kasalukuyan.

Pangalawa, ang dagdag na singil sa kuryente . Tinatayang halos aabot ng P 13.00 ang dagdag kada kilowatt na lubos na makakaapekto sa produksyon ng mga produktong ginagamitan ng mga makinarya sa pagpoproseso. Dahil dito dagdag presyo na naman sa mga produkto bukod pa sa excise tax nito.

Pangatlo, ito marahil ang pinakamabigat na epekto ng TRAIN law, ang pagtaas ng presyo ng gasolina. Gasolina ang pangunahing kailangan ng mga sasakyan upang ito’y umandar. Pangunahing sasakyan sa bansa ang jeepney. At dahil dito, pati ang mga tsuper ay umaaray na sa laki ng pagtaas ng produktong petrolyo.Mula Hulyo, 0.25 hanggang 0.35 ang itinaas ng gasolina. Umaalma na ang mga tsuper dahil nababawasan pa lalo ang kanilang kinikita bukod pa sa kanilang boundary kaya naman kakaunti na lamang ang kanilang naiuuwi sa kani-kanilang pamilya. Kaya naman nagpoprotesta na sila upang taasan din ang pamasahe. Mula sa P 8.00 na kasalukuyang presyo nito ay gagawing P 10.00 sa regular na byahe.

At ang huli, kung sakaling maipasa ang dagdag pamasaheng ito ay malaking kalbaryo naman para sa mga commuters. Dahil may mga produktong madalas na ibinabyahe mula sa gawaan papunta sa pamilihan ay asahan na ang dagdag presyo na naman sa mga produktong ito.Asahan na ang pagtaas ng presyo ng mga produktong ibinabyahe pa tulad ng prutas, gulay, lamang-dagat, karne, at bulaklak. 

Ayon sa Law of Demand, ang pagtaas ng presyo ng isang produkto ay katumbas ng pagbaba ng bilang ng pagkonsyumo nito. Dahil sa taas ng bilihin ay marahil ay kumonti na lang din ang may kakayahang bumili nito dahilan upang bumaba ang bilang ng pagbili sa produktong ito. Dulot ng pagbaba ng pagkonsyumo sa partikular na produkto ay maaring babaan na rin ang produksyon nito. Maaapektuhan nito ang Gross Domestic Product (GDP). Ito ang bilang ng mga tapos ng produkto sa ginawa sa loob ng isang bansa. Sa pagbaba ng GDP na isa sa sukatan ng ekonomiya ng isang bansa, maaaring bumaba na rin ang palitan ng piso at dolyar sa internasyonal na pamilihan.Resulta nito ang pagbaba ng ekonomiya ng bansa.

Baka naman isipin mo na ayos lang naman ang dagdag presyong ito dahil sa kapalit na pagbaba ng income tax? Naisip mo rin ba ang mga kababayan natin na hindi naman nagbabayad nito o ang mga mahihirap? Isa ako sa mga kababayan mong kabilang dito at masasabi kong hindi ako biniyayaan ng pribilehiyong pagbaba ng income tax ngunit kailangan kong pasanin ang kalbaryo ng pagtaas ng mga produktong bumubuhay sa amin sa pang-araw-araw.

Ngayon pa lang ay buksan mo na ang iyong mga mata. Ang batas na ito ba ay para sa mga mahihirap o kalaban ng mahihirap? Nawa’y mapagtanto ng gobyerno na ang mga mamamayang dapat na kanilang pinoprotektahan at pinangangalagaan ay siya pa ngayong lalong ibinabaon sa kahirapan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here