Tips sa Pag Commute sa Manila

1056

Tapos na ang graduation season. Ibig sabihin, maraming fresh grads mula sa iba’t ibang probinsya ang pupunta ng Manila para makipagsapalaran. Totoo, marami ang trabaho sa Manila. Hindi ka mauubusan ng oportunidad dito. Pero, totoo rin ang napakahabang trapik na araw-araw binabaybay ng mga Manileno.

Para sa mga bagong salta, narito ang ilang tips para malampasan ang hirap ng pagcommute: 

1. Umalis ng maaga lalong lalo na kung rush hour. Napakalaki ng pwedeng magbago sa loob lamang ng sampung minuto. Pwedeng kapag 5:50 AM kakaonti pa lang ang nag-aabang ng bus byaheng Ayala Levereza, pero kapag tumatak ng 6:00 AM makikipagsiksikan ka na bago makaakyat. Alamin ang oras na hindi pa pahirapan ang pagsakay, at siguraduhing sundin ito.

2. Magdala ng tubig. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na mainit sa Pilipinas. Lalong lalo na ngayong tag-init, tila isang malaking oven ang bansa. Ang pagdadala ng tubig ay paraan para hindi ka madehydrate at mahimatay lalo na kung siksikan at nakatayo ka sa byahe. Makakatipid ka rin dahil mahal ang araw araw na pagbili ng mineral water sa labas.

3. Magdala ng pamaymay. O kaya naman ay yung mga maliit na electric fan na nabibili sa daan. Para magkaroon ng sirkulasyon ng hangin lalo na kung siksikan na ang iyong nasakyan.

4. Wag magheels! Para sa mga babaeng kailangan mag corporate attire, wag na subukan pang mag heels sa pag commute. Magsuot muna ng kumportableng doll shoes o magandang tsinelas, at magpalit nalang bago pumasok ng opisina. Bukod sa bawas sakit ng binti, bawas tapilok at disgrasya din ito.

5. Wag magdala ng malalaki at mabibigat na bag. Kung makikipagsiksikan ka sa sakayan, napakalaking abala ng malaking bag. Kung mabigat naman ito, mabilis kang mapapagod at magpapawis. Huwag na magdala ng mga hindi importanteng gamit. Kung kailangan mo magdala ng mahal na gamit tulad ng laptop, siguraduhin na maayos ang paglalagyan mo nito at hindi madaling mahila o maagaw saiyo (halimbawa: knapsack kumpara sa shoulder bag). 

6. Matulog ng maayos. Bawal ang puyat sa byahe. Mahirap na makatulog – bukod sa pwede ka makalampas sa babaan mo, kailangan mo magdoble ingat sa mga magnanakaw. Maging alerto at mapagmasid lalo na at mas nagiging delikado ang panahon ngayon.

7. Laging may charge at load ang cellphone. Hindi man natin hinihingi ang aksidente, pero kung sakali ay importanteng may paraan ka para makakontak sa kinauukulan o di kaya ay sa iyong pamilya. Pumili rin ng cellphone o powerbank na may kasamang flashlight para mayroon kang ilaw kung aabutin ng gabi sa labas. 

8. Maglagay ng Grab, Angkas, at Google Maps. Kapag madali ka mawala at mawalan ng pag-asang mahahanap mo ang iyong destinasyon, ito ang sasagip saiyo. 

9. Magdala ng panyo at facemask. Hindi masaya humithit ng usok ng tambutso, kaya siguradahing may panakip ka mula sa usok. Tandaan, hindi pwede gamitin ng paulit ulit ang disposable face mask. Kung gusto mo ng pangmatagalan, bumili ng reusable mula sa botika o mga cycling shop. May kamahalan ang mga ito, pero siguradong protektado ka mula sa polusyon.

10. Mag-isip ng puwedeng gawin habang trapik. Sa haba ng oras na igugugol mo sa trapik, mainam na mayroon kang pwedeng gawin at pagkaabalahan para hindi uminit ang iyong ulo.  Ang paborito ko ay makinig ng mga podcast tungkol sa pera, pero pwede ka din magbasa ng libro (maglagay ng reading apps sa cellphone, kung ayaw mong magdala ng libro), maglaro ng games, at manuod ng video kung gusto mo. Basta’t humanap ng makabuluhang paraan para hindi masayang ang iyong oras.