Tips Kung Paano Matutulungan Ang Mga Nagdadalamhati

Kahit na anong iwas pa ang gawin natin ay darating at darating sa buhay natin ang mga pagsubok. Mga hindi magandang sitwasyon, senaryo at iba’t-ibang antas ng suliranin. Walang nakakaligtas dito dahil walang perpektong buhay. At sa bawat pagsubok na ating hinaharap ay may nakakaramay tayo. Pwedeng kapamilya, kaibigan o ibang tao. May mga tao rin naman na mas pinipiling solohin ang kanilang problema, na kapag hindi nakayanan ay sumusuko na lang at binibitawan ang kanilang sariling buhay. Sa dami ng mga kaganapan ngayon sa mundo na nakapagpapagulantang sa ating lahat tulad ng lindol, pagbaha ,pagsabog ng bulkan, paglaganap ng virus, aksidente at kung anu-ano pang nagiging sanhi ng kamatayan ng mga tao, napakarami ang nagdadalamhati. Mga taong nawalan ng mahal sa buhay. Masuwerte ka kung safe ka sa iyong kinaroroonan at walang anumang inaalala tulad ng iba. Pero kung may kakilala ka o isang tao na malapit sa’yo ang kasalukuyang nagdadalamhati, ano nga ba ang dapat mong gawin para matulungan siya?

Hangga’t maaari ay huwag mo agad sabihin sa kanya na magmove on na. Sa gitna ng kanyang pagdadalamhati ay hindi pa niya ito magagawa. Hindi mo siya mapipilit. Hindi mo rin siya dapat ayain sa mga kasayahan upang agad makalimot. Sa halip ay dapat mo siyang samahan sa kanyang pag-iisa at pangungulila. Hayaan mo siyang umiyak hangga’t gusto niya. Hayaan mo siyang balikan ang mga alaala ng mahal niya sa buhay na nawala. Hayaan mo siyang magdalamhati. Ang mahalaga ay alam niya na hindi siya nag-iisa dahil nasa tabi ka niya. Malaki ang maitutulong sa kanya kung alam niya na merong nakakaunawa sa kanyang pinagdaraanan. Hindi mahalaga kung hanggang kailan niya gustong magdalamhati dahil ang bawat sugat naman ay kusang naghihilom. Mas madali nga lang itong maghilom kung nalalapatan ng gamot at ikaw ang magsisilbing gamot niya. Unti-unti ay maari mong ipakita sa kanya ang pag-asa at ang kagandahan ng buhay sa kabila ng kanyang pinagdaanan. Wala dapat masasakit na salita, sisihan at kung anu-ano pang negatibong aksyon, nang sa gayon ay mas mapadali ang proseso ng kanyang paghihilom.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here