Tinangay Ng Baha Sa Panaginip

Naranasan mo na bang bahain? Napakarami sa atin ang nakakaranas nito tuwing sasapit ang high tide at lalo na pag bagyuhan. Malaking perwisyo ang idinudulot ng baha sa atin. Hindi tayo makakapasok sa trabaho at eskwela dahil wala tayong madadaanan. Nasasalanta ang ating mga gamit,nagdudulot ng sakit at ang pinakamalaking masamang epekto nito ay ang may malunod. Marami na akong nabalitaan na nalunod sa baha at hindi naman ito nakapagtataka kung ang baha ay malaki na at malakas ang agos. Kaya ang mga tao kapag lumilipat ng bahay o nagpapatayo ng sarili nila, palagi nilang ikinokonsidera ang lugar kung ito ay hindi ba binabaha. Ang perwisyong dulot nito ay maaari rin na makaabot hanggang sa iyong panaginip. Dahil ang managinip ng baha ay may hindi magandang senyales.

Kapag ikaw ay nanaginip na tinatangay ka ng malakas na agos ng baha, ito ay nangangahulugan na nasa gitna ka ng isang hindi magandang sitwasyon. Isang sitwasyon na sa ayaw at sa gusto mo ay kakailanganin mong sumang-ayon sa kagustuhan ng iba. Ibig sabihin ay wala ka sa posisyon para bumuo ng isang desisyon dahil may mga nakakataas sa’yo na siyang kumokontrol sa lahat. Mahihirapan kang tanggapin ito pero wala kang magagawa. Kahit pa alam mo sa sarili mo na mas marami kang magagandang ideya at may kakayahan ka na paangatin ang iyong kalagayan ay mananatili ka pa ring nagpapatangay sa agos sa hindi magandang senaryo ng iyong buhay.

Kung sa panaginip mo naman ay may kasama kang tinatangay ng agos, huwag kang mag-alala dahil nangangahulugan ito na malapit nang magwakas ang paghihirap mo sa kasalukuyang sitwasyon. Ang kasama mo sa panaginip ay sumisimbolo sa pag-asa. Maaaring isang tao na may malasakit sa’yo at pwede rin namang ang simbolong ito ay kumakatawan sa isang pangyayari na magiging dahilan para ikaw ay makawala sa hindi magandang kalagayan. Lalo na kung sa panaginip mo na tinatangay ka ng baha ay bigla kang nagising nang kapitan mo siya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here