The Wasted Life Of A Young Man

0
164

Geraldine Monzon

Geraldine Monzon; Writer in komiks/pocketbooks/newspaper/indie film
My motto in life is; Be stronger than your excuses. If you can't say it, write it.

Latest posts by Geraldine Monzon (see all)

May ibabahagi ako sa inyong isang kuwento ng tunay na buhay. Buhay ng isang kabataang lalaki na nasayang dahil sa magulong pamilya at magulong lipunan na kanyang kinagisnan. Hindi ko na babanggitin ang kanyang pangalan bilang paggalang sa kanyang katauhan. Tawagin na lamang natin siyang  ‘YOUNG MAN’.

Si Young man ay nagmula sa isang mahirap na pamilya. Pero dahil laging away at bati ang kanyang mga magulang, mas gusto ni young man na magstay sa kanyang mga tiyahin. Ang kanyang mga tiyahin sa side ng kanyang ina ang siyang tumulong at nag-alaga sa kanya sa kanyang kamusmusan. Matalino si young man, ang totoo ay na-accelerate siya from grade 1 to grade 3 sa isang pampublikong paaralan. Grade 1 pa lang kasi siya ay nakakapagsalita na siya ng english at lahat ng subject ay nakuha niya ang BEST. Subalit ang nakakalungkot na parte, ang grade 3 na ang pinakamataas niyang naabot sa kanyang edukasyon dahil kinuha na siya ng kanyang mga magulang mula sa kanyang mga tiyahin na kumakalinga sa kanya at siya ay natigil sa pag-aaral sa hindi ko nalamang dahilan.

May pagkakataon din na siya ay tumira sa malayong lugar sa Laguna kasama ng aking ina. At nang mawala na siya sa poder ni nanay ay muli siyang bumalik sa Maynila. Sa kanyang pagbibinata, si young man ay nagkaroon ng mga kaibigan na may hindi magandang impluwensya . Nakadagdag pa ito sa hindi magandang samahan ng kanyang mga magulang. Sa magulong mundo ay natuliro siya at hindi malaman ang susulingan. Pabalik balik lamang siya sa poder ng kanyang mga tiyahin at sariling mga magulang. Dahil hindi na siya nabigyan ng pagkakataon na makapag-aral , ang  isip ay natuon na lamang sa kung paano malalamanan ang kanyang sikmura. Natuto siyang magnakaw na siyang turo rin ng ama. Natuto siyang lumaban sa buhay nang hindi patas dahil nag-iba ang tingin niya sa mundo. Hindi makatarungan ang buhay para sa kanya. Minsan na siyang nakiusap sa ina na tuluyan nang iwan ang malupit nilang ama pero hindi ito nakinig at sa halip, silang limang magkakapatid ay pare-pareho lamang nagkaroon ng magulong direksyon ang buhay. Magulo. Masalimuot. Puno ng kalungkutan. Nababalot ng kamalasan.

Hanggang sa siya ay maglabas masok sa bilangguan. Hindi na niya maibalik ang dating siya. Ang batang si young man na ubod ng talino at na-accelerate pa sa eskwela. Ang dating young man na mabait at masunurin sa kabila ng kakulitan bilang isang bata. Hindi na niya iyon mahanap sa kanyang sarili dahil ibang young man na ang nakikita niya sa salamin. Mapusok. May kimkim na galit. May poot sa dibdib. Siya ay hinusgahan ng mapang-alipustang lipunan na kanyang kinamulatan.

Pansamantalang nagliwanag ang kanyang mundo nang siya ay matutong umibig. Subalit sa kasawiang palad, ang pag-ibig na ito rin pala ang maghahatid sa kanya sa isa pang kabiguan sa buhay. Nakalulungkot isipin na ito na lang sana ang tanging makakapitan niya upang makita niya ang dating siya. Pero hindi na niya iyon makikita dahil siya ay tinraydor na ng kanyang malupit na tadhana. Sa kamay ng kaaway siya ay ipinaubaya at hinayaang malugmok sa lupa. Kung nakaligtas siya sa mga tusok ng ice pick, sa bala ng baril siya ay bumulagta. Ang kanyang buhay , sa edad na beinte dos ay nagwakas na lamang na walang saysay. Ang kanyang walang buhay na katawan ay basta na lamang dinampot at inilagak sa isang puneraryang walang puso sa mga tulad niyang kapos palad. Ni hindi tinanong ang kanyang mga magulang o kamag-anak man lang kung kaya ba siyang tubusin sa napakamahal na punerarya sa kanilang bayan. Na kahit pa mag-umiyak sa kanilang harapan ay wala silang pakialam basta’t ang perang pinag-usapan ay dapat na maibayad sa anumang paraan.

Ang ama niyang walang kwenta sa lahat ng mga ama ay nakuha pang mag-inarte, maglasing, manumbat, magwala at magsamantala sa mga abuloy habang ang kanyang mga labi ay nasa kanila pang tahanan at wala nang kayang gawin. Wala ng pag-asa, wala ng buhay, tanging isang kaluluwa na lang ang marahil ay nakatunghay at patuloy na namimighati sa kanyang kinasapitan. Wala na siyang aasahan sa kanyang magulang at wala rin siyang aasahan sa lipunan na kumaladkad sa kanya sa kawalan.

Ang buhay ni Young man ay natapos na. Isang buhay na nasayang dahil sa kulang na pagkalinga ng mga magulang at kulang na pang-unawa ng lipunan. Isa lang ang buhay ng tao. Kung hindi man tayo makapagbibigay ng tulong pinansiyal sa ating kapwa, mas mahalagang matanggap nila mula sa atin ang tulong na pagmamahal. Dahil hindi natin maiaahon ang mga kagaya ni young man sa putikan ng dusa kung tayo mismo ang maglulugmok sa kanila. Marami pang tulad ni young man ang patuloy na nakikipaglaban sa malupit na mundong kanilang nakagisnan. Habang may panahon pa, iahon natin sila sa impyerno sa lupa. Ipakita natin ang tamang direksyon upang wala ng buhay pa ang masayang tulad ng buhay ni young man.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here