Street Children June 26: Pagkain o pera, ano ibinibigay mo sa kanila?

0
203

Nakakadurog ng puso ang istorya sa Street Children June 26.  

Ang sakit sa dibdib kapag may nakikita tayong mga batang nakahiga sa kalsada. Ibig kasing sabihin noon ay wala siyang magandang buhay. Hindi siya tulad ng ibang bata na nakakapag-aral at nakapaglalaro na walang anumang inaalala. Ang mga street children kasing tulad ng nasa larawang ito ay parang nawawalan na ng pag-asa sa buhay. Kaya sa halip na maglaro, minabuti na lamang na matulog. Sa palagay ko’y isang paraan iyon para makalimutan niya ang kanyang gutom.

 

Hindi naman lahat ng batang kalye ay mayroon pang magulang na kasama. Kalimitan nga, ang kasama nila ay grupo rin ng kabataan. Maaaring nabubuhay lamang sila sa pamamalimos. Kung mayroon man silang magulang na kasama, hindi pa rin nangangahulugan noon na palagi silang busog. Maari kasing talagang tinitiis lamang nila ang kanilang gutom.  

Ano ang ginagawa mo kapag may bata kang nakikitang namamalimos? Anong ibinibigay mo sa kanila, pagkain ba o pera? 

Mas maigi kung ang ibibigay mo sa kanila ay pagkain. Makakasiguro ka kasi na malalamnan talaga ang kanilang sikmura. Pero, hindi naman porke batang kalye sila, kahit na anong pagkain na lamang ay ibibigay mo sa kanila. Huwag naman iyong tipong expired o panis na. Nakalulungkot isipin pero mayroong mga taong ganoon. ‘Yung tipong hindi na makain pero ibibigay pa. Kung ganoon ka, sana naman ay magbago ka na. Kailangan mong tandaan, bilog ang mundo. Ibig sabihin, kahit nasa itaas ka ngayon, maaaring bukas ay nasa ilalim ka na.  

Mas okay na siyempre iyong ikaw ang nagbibigay kaysa ikaw ang binibigyan. Kung magbibigay ka na rin lang naman, tiyakin mo na siyempre na magagawa mo iyong pakinabangan. Gayunpaman, huwag ka namang masanay na ang ibibigay mo palagi sa namamalimos ay pera. Oo nga’t ang pera ay maaari nilang ipambili ng kanilang makakain pero hindi tayo nakasisiguro na pagkain nga ang kanilang bibilhin.  

Noong minsan na magpunta ako sa mall, nakakita ako ng grupo ng kabataan na nakakumpol-kumpol at may kung anong hinihithit sa plastik. Ibig sabihin noon, sila ay nagbibisyo. Kaya naman tinatawag silang rugby boys and girls.  

Kung mayron kang anak, gugustuhin mo ba siyang nakikitang nagbibisyo sa mura niyang edad? Siyempre, ‘hindi’ ang isasagot mo. Wala naman kasing matinong magulang na gugustuhin na mapahamak ang kanilang anak. Kung ganoon, sana ay matuto ka ring mag-alala para sa iba. Kung mawawala naman kasi ang mga kabatan na magbibisyo, siguradong mas magkakaroon ng magandang buhay ang ating bansa partikular na ang mga kabataan.  

Kaya sana, mag-abot din tayo ng tulong sa mga kabataan na nasa kalye lang. Kahit hindi natin sila kaanu-ano, bigyan natin sila ng magandang buhay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here