Sports Agosto 17: Mga mag-aaral ng Pisay, kampeon sa olimpiada ng agham at matimatika

0
102
Photo by MAX FERRER

Tunghayan ang Sports Agosto 17.

IPINAGDIWANG ang Pambansang Araw ng Kabataan (National Youth Day) noong Agosto 12, na ipinasa ng Kamara bilang House Bill 7749. Nakasaad sa panukalang inakda ni Representative Sarah Jane Elago, na tungkulin ng Estado na itatak sa kabataan ang pagiging makabayan at hikayatin na lumahok sa mga gawaing pampubliko at sibiko.
Tuwing Agosto 12, ipinagdiriwang ang “International Youth Day”, bukod dito, hinuhubog ang mga kabataang Filipino, hindi lang sa larangan ng basketball, volleyball, boxing at iba pang palakasan, maging sa olimpiada ng patalinuhan sa agham at matimatika ay magagaling ang mga Pinoy.

PISAY, PATULOY SA PAGHUBOG NG MGA KABATAAN – Patuloy na humuhubog ng mga kabataan ang Pisay, kung saan ginanap kamakailan ang press conference ng Campaign for 2018 Department of Science and Technology-Philippine Science High School System (DOST-PSHS) National Competitive Examination (NCE), kasabay ang pagpapakilala nina PSHS executive director Lilia Habacon; deputy excutive director Dr. Rod Allan De Lara; supervising administrative officer Ed Briones; at Science and Technology Information Institute (DOST-STII) director Richard Burgos, sa mga natatanging mag-aaral ng Philippine Science High School System.

“Home of the Olympiad Champions” ang PSHS, na nagsimula noong 1964, bilang flagship campus. Taun-taon, ang mga mag-aaral ng Pisay ay aktibong sumasali at nananalo sa national at international competition.

Maraming karangalan na ang nakamit ng PSHS students mula sa iba’t ibang prestihiyosong olimpiada na International Mathematical Oympiad, Int’l Chemistry Oympiad, Int’l Physics Oympiad, Int’l Earth Science Oympiad, Int’l Oympiad in Informatics, at International Geography Oympiad.

MGA natatanging mag-aaral ng PISAY. (Photo by MAX FERRER)

KAMPEON SA OLIMPIADA – Madaragdagan pa ang mga kabataang magbibigay karangalan sa Pinas, dahil sa pagbubukas ng pinto ng Philippine Science High School upang maging scholar! Ang Pisay ay tumatanggap na ng aplikante para sa 2018 PSHS-NCE  hanggang Setyembre 14, 2018, at ang entrance examination ay gaganapin sa Oktubre 20, 2018.

Bukod dito, pinatunayan na ng mga mag-aaral mula sa PSHS na kayang makipagsabayan sa international competition tulad nina:  Liza Jovellanos at Samantha Nicole Gaw na nag-uwi ng gold mula sa 6th Malaysian International Young Inventors Olympiad (MIYIO) 2017.
Panalo rin ng gold at silver sina Gabriel Alteza, Emmanuel Sabado, Isabela Lomibao at Zulieka Barles sa ginanap na Singapore Int’l Mathematics Olympiad Challenge, noong Hulyo 2017.

Kumolekta ng pilak si Kyle Patrick Dulay sa 58th International Mathematics Olympiad noong July 2017 sa Rio de Janeiro, Brazil. Silver din ang nakuha ni Mikhail Angel Torio sa 2017 International Earth Science Olympiad, noong Setyembre 2017 sa Côte d’Azur, France, at sa 21st Singapore National Olympiad in Informatics noong Marso 2018.
Sa ginanap na 49th International Physics Olympiad noong July 2018 sa Lisbon, Portugal, wagi ng bronze sina Mikhail Angel Torio (PSHS-Main Campus) at Charles Jerome Bartolo (PSHS-Central Luzon). 

Samantala, sina Israel Aguba at Juluis Macling, mga mag-aaral ng PSHS-Main Campus ay nanalo ng bronze medal sa katatapos na 50th International Chemistry Olympiad, noong July 19-29, 2018 sa Slovakia & Czech Republic.

Photo by MAX FERRER
DOST Secretary Fortunato De La Peña with Hillary Diane Andales

WAGI SA 8th ASEAN+3 STUDENT CAMP – Nanguna ang mga batang Filipino scientist ng Philippine Science High School-Cordillera Administrative Region (Pisay-CAR) at nakuha ang gold medal sa 8th ASEAN + 3 Student Camp and Teacher Workshop for the Gifted in Science (ACGS) na ginanap sa Beijing NO.35 High School, Beijing, China, kamakailan.Ayon sa Department of Science and Technology (DOST), tinalo nina Caleb Joshua Abrazaldo, Grade 11, at Rei Arion Videl Buena, Grade 10, ang kanilang mga katapat mula sa 12 bansa sa robot soccer operation skills.

Sina Abrazaldo at Buena ang kumuha ng best performance sa workshop category na sinukat ang mga estudyante sa recitation, speed in disassembling and assembling a soccer robot, at poster presentation.

May temang “Dreamer, Thinker, Maker,” ang 8th ACGS na ginanap noong Enero 15 hanggang 20, 2017 na dinaluhan ng 14 na grupo ng 80 junior middle school student at 20 science teacher.

Tatlo pang estudyante sa Grade 9, sina Adrian Charles Tiu Lao at Kristine Marie C. Jardiolin at Elizabeth Rae S. Peralta, ang nakakuha ng silver at bronze medal, ayon sa pagkakasunod. Sila ay pawang nagmula sa PSHS-Ilocos Region Campus.

PANALO SA 6th ASEAN+3 JSO – Maringal na ginanap ang 6th ASEAN Plus Three Junior Science Odyssey (APT JSO), na may temang “Renewable Energy for Life” na ginanap noong Hulyo 10-15, 2017 sa  FPT University, Hoa Lac High-Tech Park, Hanoi, Vietnam.
Sa competition, panalo ang mga mag-aaral ng PSHS Ilocos Region Campus sa pangunguna nina Elizabeth Peralta, Adrian Lao at Sophia Dondo.

Pinarangalan ang mga kabataang ilokano ng 6th Placer-Performance in Poster Presentation; Performance in Physic Laboratory Skills (Silver medal); (Bronze) Performance in Chemistry Laboratory Skills; (Silver) Performance in Biology Laboratory Skills; at bronze (Elizabeth Peralta)  in Performance in Project Pitching.

GRADE 12 STUDENT NG PSHS-EVC, WAGI NG $250,000 – Nanalo ang Grade 12 student ng Philippine Science High School – Eastern Visayas Campus ng grand prize sa 3rd Breakthrough Junior Challenge noong Disyembre 3, 2017 (December 4, Manila) sa NASA Ames Research Center, Silicon Valley, California, USA.

Si Hillary Diane Andales, tubong Tacloban City ay nanalo ng $250,000 (P12,670,000 college scholarship) sa Breakthrough Junior Challenge, isang international science competition.

Sa 11,000 entries mula sa 178 bansa, ang entry ni Andales ang nagkampeon. Gumawa ng science video ang 18 anyos na si Hillary Diane bilang entry sa Breakthrough Junior Challenge.

Gustong patunayan ng estudyante mula sa PSHS-EVC na hindi totoong maraming estudyante ang nangangamote sa physics kaya ginawa niyang simple ang pagpapaliwanag sa isang konsepto ng siyensiya.

Ang $100,000 (P5,069,000) ay pambili ng mga gamit sa school laboratory na ipinangalan kay Andales. Samantalang ang $50,000 (P2,530,000) prize ay para sa science teacher ni Hillary Diane.
Kamakailan, pinarangaln si Andales bilang “Mga Bagong Rizal: Pag-Asa ng Bayan.”

Salamat sa  Sports Agosto 17.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here