“Simulan mo sa Pagtatapos”

0
106

Latest posts by JEFANIE TUAZON (see all)

Konting araw na lang at makakamtan mo na ang maliit na papel kasabay ng pag-akyat sa entablado sa harap ng maraming tao. Malapit nang dumating ang araw na pinakaaasam-asam ng bawat mag-aaral. Ang araw na hindi mo kailanman malilimutan, dahil ang araw ng pagtatapos ay araw ng pamamaalam. Ngayon pa lamang ay sulitin mo na ang mga bagay na hahanap-hanapin mo sa iyong paglisan. Mga bagay na iyong nakasanayan sa iyong pangalawang tahanan. Kaya ngayon pa lamang ay sinasabi ko sayo “simulan mo na.”

Simulan mo nang bumuo ng masasayang alaala kasama ang barkada. Lahat ng squad goals niyo gawin niyo na. Yung plano niyong magpapicture kay crush tuparin niyo na. Lahat ng mga lakad niyong drawing ay kulayan niyo na. Kulayan niyo gamit ang mga pagkakataong kasama silang tumawa, kakwentuhan, kaasaran, kadamayan, at kalungkutan. Gustuhin mo man o hindi, maniwala ka sa akin, hahanap-hanapin mo ang kakulitan at kalokohan ng mga barkada mong ‘yan.

Simulan mo nang makisalamuha sa iyong kamag-aral. Yung mga kaaway mo sa room, makipagbati ka na. Bigyan mo na rin ng Jollibee yung bida-bida para naman sumaya siya. Kuhanin mo na rin yung ballpen na pinahiram mo sa kaklase mo baka kasi hindi na pala ikaw may-ari nun hindi mo pa alam. Bayaran mo na rin lahat ng mga inutangan mo, uso mahiya at baka hindi ka pa makalimutan niyan at sa reunion ang singilan. Hayaan mo na yung mga maiingay sa ROOM niyo tutal konting tiis na lang at matatahimik na ang buhay mo. Bigay mo na lahat ng one whole, one half at one fourth na meron ka, isipin mo nalang nagbibigay ka sa kapos palad. At syempre, subukan mo namang maglinis ng inyong silid dahil halos isang taon din ‘yang naging pangalawang tahanan mo.

 Simulan mo nang batiin at magpaalam sa iyong mga guro. Yung guro niyong laging wala sa klase pakiusapan niyong pumasok, buti pa kamo yung multo nagpaparamdam. Tawanan niyo na rin yung guro niyong corny magjoke. Tiisin mo na lang para regalo mo na rin sa kanya. Pati yung guro na maraming pinapagawang proyekto at takdang-aralin, gawin mo na din. Malapit nang matapos ang maliligayang araw niya. Batiin mo na lahat ng iyong naging guro mula grade 7. Pasalamatan mo sila sa lahat ng kanilang naging ambag sa karunungan at kaalamang taglay mo ngayon. Pati yung mga terror pasalamatan mo na rin. Bakit? Dahil tinuruan ka nilang maging disiplinado at ipaunawa sa iyong hindi sa lahat ng oras ay masusunod ang gusto mo. Magpaalam ka rin kina manong guard. Sila yung lagi mong nakikita pag papasok at pag uwian na. Nasasaway ka man nila dahil hindi ka nakauniform, wala kang I.D. o huli ka na naman sa flag ceremony, pasalamatan mo pa rin sila sa kanilang pagiging parte ng iyong buhay- estudyante.

Simulan mo nang magsipag. Sa madaling salita, tumulong ka naman sa thesis niyo. Huwag mong hahayaang makapagtapos ka nang wala lang. Masarap makamit ang isang bagay lalo na’t alam mo ang naging paghihirap mo bago ito makamit. Gawin na ang mga dapat gawin. Yung nga takdang-aralin at proyekto na nakatambak ay gawin mo na. Mahalin mo kasi para bigyan mo ng effort at para iwan ka na. Isang buwan na lang ang pasok, kaya naman pagsikapan mong pumasok nang maaga. Mahiya ka naman sa guro mo at matatapos na ang high school pero nahuhuli ka pa rin sa klase niya. At ang pinakamahalaga, aral-aral din po. Para makapagtapos nang marangal at hindi asa sa kopya lang.

At ang huli, simulan mo nang magbaon ng alaala. Pahintuin mo ang oras sa pamamagitan ng litrato. Umpisahan mo sa mga kaklase mo, sa mga guro, at tauhan ng paaralan. Pati na rin ang mga naging silid mo simula grade 7, bisitahin mo at kuhanan ng litrato ang silid na naging saksi ng buhay high school mo. Isama mo na rin ang kainan na minsan walang pagkain at sobra magpatong ng presyo, hahanap-hanapin mo ang mga pagkain diyan. At ang huli, ang palikuran niyo na minsan ay barado, walang tubig, at mapanghe, tutal ilang beses mo ring nagamit ‘yan. Pero kahit ganyan, balang araw ay maalala mo lahat ng ‘yan at ipapanalangin na muling maibalik ang mga oras noong ika’y nag-aaral pa.

Masaya man o hindi, ang mga alaalang ito ang babalik-balikan mo sa iyong pagtanda. Kaya ngayong malapit na ang pagtatapos sa Abril. Kasabay ng pamamaalam mo sa lahat ng tao, bagay, at lugar na nabuo sa iyong pangalawang tahanan, simulan mo na. Simulan mo sa pagtatapos

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here