Ang kaawa-awang sinapit ng mga pasaway

“IKULONG na lang ninyo ako. Huwag na ninyo akong patayin. Maliliit pa ang mga anak ko,,,,”  Ayon sa kapitbahay kong si Ghing ito raw ang pakiusap ng biktimang si Jay-Ar ‘kulot’ Dayto, 41. Sabi ng mga pulis, nanlaban daw ito kaya kinailangang barilin. Kasama ring nasawi sa buy bust operation na iyon si Vincent Corales, 41, at kapwa silang taga-#1697 LRC Compound Sta. Cruz, Manila.

Nang mga oras na iyon ay kasalukuyan akong kumakain sa kanyang karinderya pero napahinto ako dahil sa usapan ng kambal na sina Ghing at Jhen. Dati raw kasi nilang kapitbahay ang mga biktima sa Recto. Malapit lang ito sa sa Isetann at FEU kaya pamilyar sa akin ang lugar. Mas nagkainteres pa ako sa kanilang pinag-uusapan nang makita ko ang mga larawan ng kanilang pinag-uusapan. Ang tinatawag na ‘Kulot’ ay dilat na dilat ang mga mata, nakabuka ang bibig. Parang ikinabigla ang pangyayari habang ang isa naman ay naka-side view pa na para bang magagawa niyang maiwasan ang balang pinawalan para sa kanya.

Kung totoo nga ang sinasabi ng mga kapitbahay na nakikiusap pa ang biktima sa mga pulis na ikulong na lang siya at huwag na patayin, imposible talaga na may hawak siya ng baril ng mga oras na iyon. Kung may tangan siyang baril, siguradong hindi niya masasabi ang mga salitang iyon. Saka, makakahawak pa ba siya ng baril kung may mga pulis na?

“Mahihirap lang ang mga tao na ‘yan. Wala silang kakayahang bumili ng baril saka may mga anak siya. Mixer nga ang trabaho niyang si Kulot,” sabi pa ni Ghing. Kilala raw kasi niya ang mga biktima kaya apektado siya at kinilabutan sa pangyayaring iyon.

Nagkaroon daw kasi ng buy bust operation ang Manila Police District (MPD) dakong alas-otso ng gabi ng akinse ng Agosto. Sa report ng pulisya, bumunot ng baril si Kulot kaya kinailangan daw itong barilin.

“Kalokohan ang sinasabi nila. Dinig na dinig namin ang pagmamakaawa ng dalawa. Di na nga raw sila lalaban. Huwag daw silang patayin, ikulong na lang pero pinatay pa rin sila,” kuwento ng mga kapit-bahay.

Nitong mga nakalipas na buwan ang sinasabi ng mga pulis, nanlaban daw ang mga binabaril nila ngunit, bakit naman napakarami ang lumalaban pa sa kanila gayung na-corner na nila ito?

Kahit naman sinabi rin ng mga kapit bahay na gumagamit din naman ng droga ang mga pinatay, hindi nangangahulugan na talagang masamang tao na sila, sabi ng ilan. Maaari naman kasing gumagamit lang sila ng drugs dahil sa palagay niya ay iyon ang makakatulong sa kanya para matakasan niya ang kamiserablehan na kanilang nararamdaman.

Kaya nga lang dahil nagdeklara ng War on Drugs ang ating Pangulong Duterte, lahat ng gumagamit ng droga ay masama na rin. Dahil nga naman kasi sa droga ay nag-iiba ang asal ng gumagamit nito. Tama naman iyon , kaya nga may nare-rape at pinapatay, eh, kaya nga lang may mga tao naman na kahit gumagamit ng drugs ay kaya niyang kontrolin ang kanyang sarili. Hindi nga ba, ang halamang ito ay ginagamit ding gamot. Kaya nga lang kung sobrang lakas noon ay talaga ngang makakasama sa’yong katawan.

Ngunit, sapat na dahilan ba iyon para sila ay pagpapatayin na lang? Maaari, kung nanganib talaga ang buhay mo ay dapat lang na ipagtanggol mo ang iyong sarili. Kaya nga lang, kung wala  namang ginagawa ang tao na iyon, bakit kailangan mo siyang barilin gayung wala naman siyang kalaban-laban. Hindi ba iyon ay malinawanag na pag-abuso lang sa kapangyarihan nila?

Kayo mga kababayan, ano’ng sey ninyo?