SI OYENG AT ANG MGA ENGKANTO

Ravenson Biason

Ravenson Biason:Writer/Novelist/ Blogger/ Artist/ Composer/Cartoonist
Ravenson Biason

“Anak ng bakang duling, papaano niya nagawa yun?” bulalas ni Mang Estong, 47-anyos nang makitang tumawid sa baha ang kanyang kapatid na si Oyeng, 8-taong gulang.

Ang nakagugulat hindi man lamang ito nabasa sa kabila na lumusong ito sa tubig. Para lamang siya dumaan sa karaniwang kalsada gayung ang lakas ng agos ng baha. Hinimatay naman ang kapatid nilang si Aleng Kepat, 50-anyos nang makita ang kakatwang pangyayari. Bumalik na kasi si Oyeng sa kanila pagkatapos ng magdamag na pamamalagi sa puno ng balete. Hindi nila ito masundo dahil bukod sa hanggang dibdib ay madilim pa. Nangyari iyon noong kasagsagan ng buhos ng ulan na ngayo’y tumila na.

Sabi-sabi sa Barangay Lugnok na nababaliw na si Oyeng. Marahil ay dahil sa mga ikinukuwento nito tungkol sa kanyang mga kaibigan na nakatira umano sa puno ng balete. Aniya, iyon ang pinaka-kastilyo o kaharian ng mga kaibigan niyang mapuputi ang balat o mga albino. Inanyayahan umano siya sa isang piging ng mga kaibigan niya kasama ang kumpareng si Merto na isang buwan nang naililibing.

“Di… di patay si Merto! Nakita ko nga siya dun ‘e. Pero di ko siya nalapitan. Tinawag ko nga siya pero di niya ako narinig. Marami din akong nakitang taga-rito sa atin na nawala. Pero, nandun pala. Ang kakatwa, di nila ako nakikilala,” pahayag ni Oyeng nang makipagkuwentuhan ito sa kanyang mga kapatid at kaibigan.

Ikinuwento pa ng bata— na sa isinagawang piging ay katulad ng sa handaan ng mga tao. May handang lechong baboy, manok at iba’t-ibang masasarap na pagkain. Iba’t-iba ang kulay ng kanin doon. May puti, dilaw, pula, asul, berde, lila, at dalandan. Sinabi sa kanya ng kaibigan niyang albino na puting kanin na karaniwang kinakain ng tao ang kainin niya. Sa gayun, makababalik pa siya sa kanyang pamilya. Dahil kung hindi, kabaliktaran ang mangayayari.

Nang dahil sa kakatwang ikinikilos at pinagsasabi ng bata ay nilalayuan siya ng mga taong hindi nakauunawa ng katotohanan. Pero, para sa mga matatanda sa Barangay Lugnok, kinaibigan umano ng mga engkanto si Oyeng. Tahimik, maamo ang mukha, maputi, at mabait na bata si Oyeng. Hanggang sa magbinata, wala itong bisyo gaya ng pag-inom ng alak at paninigarilyo. Marami ang nagkakagusto sa lalaki. Pero, nang mag-iba ang timpla ng pagkatao nito ay na-turn-off na ang mga kadalagahan sa kanya.

May saltik na raw sa ulo ang guwapong binata. Bunso si Oyeng sa walong magkakapatid na anak ng sastre at magsasaka. Tatlong lalaki at limang babae. Dahil sa wala pang asawa ay nakatira ang binata sa bahay ni Mang Estong. Kung minsan ay nasa bahay siya ni Aleng Kepat. Ang iba nilang kapatid ay may pamilya na. Kuwento ng binata, kung gaano raw karami ang mga tao sa isang bayan ay gayun din karami ang mga engkanto. At ang iba ay nakasasalamuha na ng mga tao nang hindi namamalayan.

Naniniwala si Mang Pio na kinaibigan ng mga engkanto ang binata dahil mabait ito. Malaki ang naitulong ng kaalaman ni Oyeng sa masaganang ani ng palay niya. Sa palayan o sa pilapil, may bahagi na di puwedeng taniman o hasikan ng palay dahil daanan daw iyon ng mga kaibigan ng binata. At sa tuwing kabilugan ng buwan na ang sinag ay gaya ng sa araw at napapalibutan ng bahagharing tila singsing, pumupunta si Oyeng sa libis at umaakyat sa pinakamalaki at pinakamatayog na  puno ng balete sa Barangay Lugnok. Kakatwang umuulan kapag siya ay nagtungo sa nasabing puno.

Maraming punong balete sa nasabing barangay. Pero, ang pinakamalaki doon ang di maputol-putol kahit na balak nang pagtayuan ng may-ari ng lote ang kinatatayuan nito. Naniniwala rin kasi si Senyor Rafael sa mga engkanto. Nang balak ipaputol noon ng kanyang asawa ang puno, umulan ng malakas at bumaha sa barangay at nagkasakit ang kanilang 19-anyos na dalaga na nagsaboy ng gasolina sa puno para sunugin. Nagkaroon ng malalang karamdaman si Lilet na babaeng sinisinta ni Oyeng. Naratay ito sa higaan at mistulang patay na buhay. Parang sinasapian ng masamang espiritu at laging wala sa sarili. Lagi ring nagsusuka at inaatake ng epilepsi. Wala nagawa ang medisina sa kondisyon ng dalaga.

Pagkalipas ng dalawang buwan, na-comatose si Lilet. Sinabi ni Oyeng na nakita niya si Lilet sa kaharian ng kanyang kaibigan. Pero di siya pinaniwalaan ng pamilya ng dalaga maliban kay Senyor Rafael.

“ Naniniwala ka sa sinto-sintong yun? Papaanong nasa puno ng balete si Lilet ‘e gayung mahimbing itong nakahimlay sa higaan!” bulalas ni Senyora Amanda nang sabihin ng senyor ang tungkol sa nalaman ni Oyeng.

“ Oyeng, kung totoong nasa kaharian ng mga kaibigan mo si Lilet, ibalik mo siya rito kapag muli kang nagtungo sa palasyo nila. Kapag nagawa mo iyan, mapapasaiyo ang loteng ito at malawak na palayang iyan,” ani senyor Rafael nang makausap si Oyeng habang nakaupo sa lilim ng puno ng balete.

Dahil sa malapit lamang sa pilapil at may tanim na kamote sa kinaroroonan nila ay naghukay si Oyeng para makakain ng kamote kahit hilaw. Nang naghuhukay na siya ay nanggilas siya sa kanyang nahukay.

“ May ginto… may ginto rito!” bulalas ng binata.

“ Saan? ‘e bato lang yan, Oyeng!” ani ng senyor.

Ang ginawa ni Oyeng ay dumakot ng dumi ng kalabaw at itinapal at kinulapol sa nakitang mga bato sa kanyang nahukay. Lumayo naman ang senyor dahil di masikmura ang ginagawa ng binata. Parang gusto nang maniwala ng senyor na wala na sa katinuan si Oyeng. At ang matindi, dumumi ang binata sa damuhan na kinatatayuan ng puno ng makopa. Dinampot nito ang kanyang dumi at kinulapol sa mga itim na bato na pipitong piraso na kasinlaki ng buto ng atis. Pagkatapos ay naghugas sa balon.

“ Nadidiri ho ba kayo, senyor? Pero yun ang nararapat. Pag-aari ng itim na engkanto ang mga gintong ito. Para hindi nila muling makuha ay ginawa ko ang itinuro sa akin ng aking mga kaibigan. Ayaw ng mga engkanto sa mabaho,” si Oyeng sabay tabon muli ng sa mga bato sa kanyang pinaghukayan.

“ Mamayang hatinggabi, balikan natin ito at malalaman mong katotohanan ang sinasabi ko sa inyo,” dagdag ng binata. Yun nga ang kanilang ginawa at laking gulat na lamang ng senyor na totoo ang sinasabi ng binata. Ibinigay pa nga sa kanya ni Oyeng ang mga butil ng ginto.

“ Sa inyo po ang mga ito, senyor dahil sa lupain ninyo natuklasan ang mga ginto!”

“ Sa iyo na iyan, Oyeng. Ang mahalaga sa akin ay gumaling si Lilet. Naniniwala na ako sa iyo. Kapag inanyayahan kang muli ng mga kaibigan mong mga engkanto, isama mo na si Lilet,” ani ng senyor.

“ Sinabi ko na po yan sa aking kaibigan. Sinabi ko po na hindi nyo pinapaputol ang punong tinitirhan nila. Isa pa, ayaw nila ng maingay. Nagbabala sila sa pamamagitan ko na kapag di nyo po inalis ang KTV Bar na pag-aari nyo  malapit sa tahanan nila, parurusahan nila ang mga taong naglalagi doon. Nagtitimpi lang sila. Nasasalaula raw ang kanilang pamamahinga at dinaraanan. Kapag lasing na ang mga parokyano ay kung saan-saan na lang umiihi at nagsusuka nang walang pasintabi,” ani Oyeng.

“ O-oo. Pangako!” ani ng senyor. Tinupad nga ni Senyor Rafael ang kanyang pangako. Inilipat niya ang KTV Bar sa kapitolyo na malayo sa tahimik na Barangay Lugnok.

“ Natuwa po sa inyo ang aking mga kaibigan, senyor. Kaya, ibabalik na nila si Lilet sa susunod na piging. Maisasama ko na siya pauwi. Ang tunay po na Lilet ay nasa kaharian nila at ang Lilet na nasa bahay nyo na nakaratay ay isang replika. Sa oras na makabalik na si Lilet, babalik sa dating anyo ang replika. Kaya lamang gayun  ang nangyari ay upang di masiraan ng bait ang inyong asawa at mga anak. Kinondisyon ng aking mga kaibigan na  nasa daigdig ng mga tao si Lilet. Mahirap kasing maniwala ang ilan sa mga bagay na mahiwaga,” ani Oyeng.

Nang sumunod na kabilugan ng buwan, muling inanyayahan si Oyeng ng kanyang mga kaibigan. Pawang nakasuot ng puti . Sa piging ay tumugtog pa nga siya ng tambol at gitara sa harapan ng hari at reyna ng mga engkanto. Nakita niya roon si Lilet at inilapit ng isa niyang kaibigang babaeng engkanto sa kanya. Kilala siya pero parang wala lang sa sarili ang magandang dalaga. Pagkatapos ng piging ay isinama na niya pababa si Lilet sa puno ng balete nang magbubukang-liwayway na. Puro gasgas ang mga kamay at tuhod nila pero walang anumang nararamdamang kirot si Oyeng.

Nang dalhin na niya sa bahay ang dalaga ay nagulat ang lahat. Hinimatay si senyora Amanda nang makita ang anak na wala pa sa sarili. Nagkataong nakatalukbong ng kumot ang replika nito na nang maalis ay gumulantang sa kanila ang isang puno ng saging. Doon lang bumalik sa kamalayan si Lilet na nakakakilala na ng mga tao. Ipinatapon naman nina senyor Rafael at Oyeng ang puno ng saging.

Nang sumunod na araw, binalaan ng isang engkanto si Oyeng na ikukulong ng prinsipe ng mga engkanto dahil sa itinakas niya ang babae. Natitipuhan kasi ito ng prinsipe. Lahat ng may kinalaman sa pagpapatakas ay pinalayas sa kaharian. Lumipat na ang ka nyang mga kaibigan sa isang puno ng balete. Sinabihan siya na magsuot ng kulay pulang damit kapag kabilugan ng buwan gayun din ang gawin umano ni Lilet.

Sinunod ni Oyeng ang bilin ng kanyang mga kaibigan. Pinaniniwalaan na rin siya ng karamihan dahil sa kababalaghang ginawa niya kay Lilet.

Pagkalipas ng 10 taon, di na gaanong nakikitaan ng kakatwang kilos at pananalita ang binata. Nakapag-asawa si Oyeng sa katauhan ni Loisa at nagkaroon siya rito ng dalawang anak. Hindi sila nagkatuluyan ni Lilet. Kahit mahal niya ito ay tanggap na niya ang katotohanang di maaaring magpang-abot ang langit at lupa. Sa kiabila ng kanyang ginawa sa dalaga ay tutol sina senyor Rafael at senyora Amanda na siya ang mapapangasawa ng dalawa.

Gayunpaman, napasakay Oyeng ang lote na kinatitirikan ng ilang puno ng balete kabilang ang pinakamalaki ayon sa pangako sa kanya ni senyor Rafael. Naging maayos ang buhay nina Oyeng dahil sa ginto. Pero, nagsasaka pa rin siya.

Si Lilet naman ay nakapag-asawa ng Kano.Nang magsagawa ito ng isang excursion kasama ang 8 kaibigan sa Bundok Makiling ay bumalik na kakatwa ang ikinikilos. Sabi ng mga kaibigan niya’t asawa ay nakakain daw ito ng bunga ng bayabas. Pero, sinabi ng kanyang hipag na si Dorothy na nagawang tibagin ng babae ang isang punso na nasa tabi ng puno ng bayabas nang dahil lamang sa nakagat siya ng mga langgam. Pinagbabato raw ni Dorothy ang punso at pinaghahampas ng kahoy katuwang pa ang mga kaibigang lalaki pati ang kanyang asawa.

Dalawang linggong naratay si Lilet dahil sa kakatwang sakit ng mabilis na pagtanda. Isinangguni nila ito at ipinagamot sa albularyo pero di rin napagaling. Gusto sana  senyor Rafael na hingin ang tulong ni Oyeng pero pinagbawalan siya ng asawa ni Lilet. Nang hingan ng opinyon ng senyor si Oyeng kung ano ang nangyari sa kanyang anak na si Lilet, sinabi ni Oyeng na na-engkanto ang babae.

Nagalit ang mga engkanto dahil sa sinira ang kanilang kuta. Walang kinalaman ang mga kaibigan niya o magagawa upang mapagaling ang babae. Nararapat umanong sa mga engkanto sa Makiling ihingi nila ng tawad ang ginawa ni Lilet. Sinabi ito ni senyor Rafael sa asawa ni Lilet sampu ng mga may kinalaman sa pagsira sa punso pero si sila nakinig. Hindi umano sila naniniwala sa mga engkanto.

Pagkalipas ng isa pang linggo, kakatwang nabaliw ang 5 sa kaibigan ni Lilet pati ang kanyang asawa. Si Lilet naman ay namatay pagkatapos na uminom ng gatas at magsuka. WAKAS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here