“SENATORIABLE”

0
310

Latest posts by @nagmamatyag (see all)

 

Kalalabas lang ng pinakabagong survey tungkol sa mga posibleng ihalal ng mga Pilipino sa tinatawag na midterm elections sa 2019 (http://www.pulseasia.ph/march-2018-nationwide-survey-on-the-may-2019-senatorial-elections/). Hindi na nakapagtatakang ang mga “senatoriable” ay pawang mga nakapuesto sa ngayon.Pito sa Top 15 ay mga kasalukuyang senador, apat ay mga dating senador, dalawa ay anak ng dati at kasalukuyang presidente, isang maingay na brodkaster, at isang kareretire lang na PNP Chief. Ano ang pangunahing bentahe ng mga pangalan nila at bakit sila ang mga nanguna sa alaala ng mga sinarbey? Bukod sa mga matutunog na apelyidong kakabit na ng pulitika sa bansa, sila rin ang madalas na makita , mabasa, o marinig sa mass media kasama na ang internet. Ang eleksyon sa bansang ito ay labanan ng recall.

 

At dahil ang mga survey ay isa ring kasangkapan ng pagpapalutang ng mga pangalan, lalo pang aangat ang Top 15 dahil paulit-ulit na ibinabalandra ng media ang listahan nila. Malayo pa ang halalan pero may ungos na nang makailang beses ang mga nanguna sa survey. Di rin lingid sa mga mapagmasid sa atin na may “effort” sa mga nangungunang pangalang ito na pumailanlang sila sa mga balita at talakayan dahil yun lang naman ang kailangan ng Pinoy, ang maalala ang kanilang pangalan. Ano pa ba ang pamantayan ng Pinoy sa pagpili ng ihahalal?

 

Marami sa mga botante ang hindi alintana ang mga isyu. Inilista ng Pulse Asia ang mga isyung nasabay sa isinagawang surbey noong Marso. Mula sa kaso laban kay Sereno hanggang sa isyu ng co-ownership ng mga yaman sa West Philippine Sea, tila di ramdam ng mga sinarbey ang kahalagahan ng pagpili ng ihahalal na senador dahil anim sa mga nakaluklok na senador ngayon ang kanila pa ring iboboto kahit inutil ang mga ito sa pagsalag sa nakaupong pangulo.

 

Di rin pansin ng mga botante ang nakalipas.  Pawang mga di alintana ang kasaysayan dahil kahit na nga ilang ulit nang napatunayang sabwat ang anak na babae sa diktaduryang pinairal ng kanyang ama ay iboboto pa rin siya. Maging ang kanyang counterpart sa kasalukuyang diktadurya ay iboboto rin. Mahilig sa anak-anak ng mga nagkapangalan ang mga Pilipino. Never mind kung ang dinadalang pangalan ay madilim ang nakalipas o kasalukuyang ginagawa. Maging ang isang dating senador na nakulong dahil sa plunder ay nasa Top 15 din. Sa Pilipinas , okay lang na magkasama ang magkapatid (dati nga ay mag-ina) sa senado na para bang wala nang paghuhugutan ng pamumuno kundi sa parehong pamilya rin.

 

Kalunos-lunos din na ang isang maingay na brodkaster ay nasama sa Top 15. Masakit sa tenga ang kanyang kayabangan at pang-aalipusta sa mga inireklamo kahit na di naman siya isang hukom o abugado. Ang gusto yata talaga ng karaniwang botante ay yaong nagmumura, nagyayabang, nangbabangga (ng maliliit na tao lang naman). Gusto yata talaga ng botante ang maingay, palaaway, at sanggano ang asta.Di nga lubos na maalam sa kung ano ang batas ay isasabak pa sa mataas na kapulungan. Matindi ang paghatak pababa sa kalidad ng mga taong nagiging senador ngayon.

 

May mga nakita akong pangalang karapat-dapat na mahalal pero sa Top 15, dalawa lang sila. Sa natitirang bahagi ng listahan, lima lang ang may K maging senador para sa akin. Karamihan sa mga pangalan ay pumailanlang sa panahon ng rehimen dahil appointee o kaya ay kadikit kundi man nagpupumilit makadikit. Nakalulungkot ang limitadong opsyon natin. Magbigay man ng iba pang karapat-dapat ihalal, problema uli ang recall. Sino ba ang mga iyan? Ano ang laban nila sa mga pangalang dati nang naririnig o kaya’y madalas marinig? Labanan ng popularidad ang eleksyon. Kaya nga may ungos ang mga nasa telebisyon o pelikula. Kahit sino na lang , basta kilala na ay isinasabak sa pulitika.

 

Walang-wala ang kasalukuyang senado sa mga naunang pangkat ng mga pulitikong ginamit di lang ang kanilang popularidad kundi maging ang kanilang talino at pagmamahal sa bayan at respeto sa Konstitusyon. Kelan pa nagsimulang balahurain ng mga botante ang listahan ng dapat sana’y kapita-pitagang senado? Bakit di natututo ang mga botante at patuloy sa pagluklok ng mga walang silbi at mapagsamantala?

 

Sana sa 2019, maghimala ang mga dios ng kritikal na pag-iisip at konsyensiya at bigyan ng sapat na kakayahan ang mga botante na piliin ang mga ihahalal sa senado. Sana maalala ng bawat isa sa atin na sa panahon ngayon, basta lumutang ang pangalan mo sa araw-araw sa TV, socmed at radio, puede ka nang mag-ambisyong maging senador. Pero at malaking pero! MADALING MAGING SENADOR, MAHIRAP MAGPAKASENADOR. Sa kasalukuyang rehimen, maraming bagsak diyan. #

 

More Commentary

 

More Politics

 

More OFW

 

More @nagmamatyag

All political articles on PhilippineOne are the opinions of the writers and not necessarily the opinions of PhilippineOne management.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here