Sayawang Cha-Cha: Para sa Mamamayan o Para sa Mayayaman?

428
charter change on PhilippineOne.com

Denise Gozun

Aktibong miyembro ng lipunan na may mataas na pangarap para sa bayan. Bilang kabataang umaako sa kanyang responsibilidad bilang mabuting mamamayan, sa pamamagitan ng pagsusulat ay nagnanais itong makatulong sa reporma tungo sa pangkalahatang pag-unlad.

Latest posts by Denise Gozun (see all)

Ang Charter Change o mas kilala bilang Cha-Cha ay isa sa mga pinakamainit na isyung panlipunan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Ito ay ang pagpapalit ng uri ng gobyerno mula sa demokrasya tungo sa federalismo. Isa ang federalisasyon sa mga pinangakong “pagbabago” ni Duterte noong kasagsagan pa lamang ng kanyang kampanya. Ayon sa kanya, ito ay pabor sa interes ng mga mahihirap, kung kaya’t buong tapang niyang ipagmalaking siya ay pro-poor. Ang tanong, tunay nga bang pinoprotektahan ng proposisyong ito ang kapakanan ng mga mamamayan o isa lamang itong pailalim na paraan upang protektahan ang interes ng mga mayayaman?

Ayon sa mga pabor sa Cha-Cha, bibilis ang pag-unlad nating lahat kung ating babaguhin ang uri ng gobyerno; kung ating yayakapin ang federalismo. Bawat rehiyon o lalawigan ay magkakaroon ng otonomiya. Sa pamamagitan ng income equalization fund, magkakaroon din ng pamamahagi ng yaman upang magkaroon ng pantay-pantay na estado sa buhay. Ang dating malaking pagitan sa gitna ng mahihirap at mayayaman ay mawawala kuno. Sa madaling salita, ito RAW ay alinsunod sa sosyalismo— mula sa kanya nang ayon sa kanyang kakayanan, para sa kanya nang ayon sa kanyang pangangailangan.

Ngunit, tunay nga bang makikinabang tayong lahat at giginhawa? Sino ang magdedesisyon pagdating sa pamamahagi ng yaman sa lipunan? Gaano tayo kasiguradong ang mga mamumuno sa atin sa ilalim ng pederalismo ay hindi pansariling interes ang tunay na adhikain? Ating tandaan, kapag napatupad ang Cha-Cha, mananatiling nakaupo si Duterte sa kapangyarihan; at sa aking nakikita matapos ang halos dalawang taong pamumuno, ako ay napupuno ng takot at pangamba imbes na pag-asa para sa hinaharap ng mga mahihirap.

Isa pang problema pagdating sa Cha-Cha ay ang malaking gastusing dala nito. Darami ang mga opisyal na kakailanganin dahil darami ang mga maliliit na yunit ng gobyerno sa bawat rehiyon, lalawigan, at distrito. Ibig sabihin nito, maraming pampublikong opisyal ang babayaran mula sa kaban ng bayan. Gaano tayo kasiguradong magiging epektibo ang ganitong uri ng pamahalaan? Gaano tayo kasiguradong hindi magiging purong politikal na lamang ito kinalaunan? Sa aking palagay, mas lalaganap lamang ang korapsyon ng mga tinaguriang “pinuno”. Hindi ko nilalahat ang ating mga pinuno ngunit ating amining walang malinis na pulitika sa Pilipinas.

Sabi nga nila, ang pag-aaral ng kasaysayan ay mahalaga upang tayo ay matuto sa mga pagkakamali ng nakaraan at makalikha ng isang magandang kinabukasan. Ngunit bakit parang wala pa rin tayong natutunan mula sa pagbagsak at pagkabigo ng Soviet Union?

Paano natin makakamtan ang pangarap natin para sa Inang Bayan kung ang mga namumuno sa atin ay tila ba hinihila lamang tayo pababa? Ang tunay na pagbabago ay hindi mahahanap sa pagreporma ng pamahalaan; ito ay mararating sa pagbabago ng mga kurap at makasariling pinuno.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here