Sana’y Walang Bahid: Educational Assistance Program “Paglaum” ng Nakaraang Cebu Administration, Ipatitigil Na.

Mahigit sa 1,500 na mga estudyante ang maaapektuban sa nakaambang pagpapatigil ng educational assistance program ng Kapitolyo ng Cebu na tinatawag na “Paglaum”. Ito ay proyekto ng nakaraang administrasyon noong 2016 mula sa ideya ni former Vice Governor Agnes Magpale na lumaban rin sa Gobernatorial Race noong nakaraang eleksyon at lumaban sa ngayon ay gobernador ng Cebu na si Governor Gwendolyn Garcia.

Ang “Paglaum” ay naglalayong matulungan ang mga batang nasa pamilya ng mga indigent, yaong mga biktima ng karahasan, mga ulila, solo parents at anak ng mga drug dependents, sa pamamagitan ng financial assistance sa kanilang pag-aaral.

Sa ordinansang ipinasa ni 7th District Provincial Board Member Christopher Baricuatro, nais nitong mapalitan ang Paglaum at tuluyang alisin nang sa gayon ay mapalitan ng bagong educational assistance program na para na lamang sa mga estudyanteng magka-qualify ang kanilang grado.

Nitong mga nakaraang araw ay dumulog sa opisina ng Gobernador ang mga graduating student na nasa ilalim ng Paglaum program na nakikiusap at nagmamakaawa na huwag itong alisin dahil talagang hindi nila kaya ang pag-aaral na ito kung sakali.

Ilan lamang ito sa iba pang mga estudyante na nasa iba’t ibang antas sa Kolehiyo na maaapektuban sa pagpapatupad nito sa susunod na pasukan, school year 2020-2021.

Naiintindihan ko na ang scholarship ay ipinagkakaloob sa mga mag-aaral na may maayos na antas bilang pagpapakita na sila ay karapat dapat sa suportang pinansyal na ito. Ngunit huwag rin naman nating alisin na ang bawat kabataan ay mayroong karapatang makapag-aral anuman ang kalagayan sa buhay.

Mga ma’am and sir, ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Sa ginagawa po ninyong iyan, mas pahihirapan natin ang mga batang ito na nag-aaral naman, ngunit hindi nga lang pinalad na magkaroon ng mataas na marka para makapasa mga scholarship program na mayroong standards na hinihingi.

Ano na lamang ang kalalagyan ng mga batang ito na “Paglaum” na lamang ang inaasahan? Hindi ba’t yung malaman lamang natin na sila ay nag-aaral ay isa nang patunay na kahit sa kabila ng kanilang kahirapan, nagsisikap pa rin silang makapagtapos. Nakakaawa sa parte ng mga estudyanteng ito, at nakakagalit sa parte ng mga mamamayan na alam nating mayroon namang inilaang budget upang masuportahan ang mga estudyanteng hindi pinalad na magkaroon ng maayos na kalagayan.

Kung ganoon lamang, mapalad na siguro kung mahirap ka ngunit matalino o may mataas na antas. Pero paano kung ang isang bata ay nagsisikap naman na mag-aral ngunit talagang hanggang sa ganun lamang na marka ang kaya nila? May scholarship para sa mga matatalino, pero huwag namang alisin ang educational assistance para sa iba pang nangangailangan nito.

Ay, sabi nga pala, pwede naman raw maghanap ng iba pang mga educational assistance na ibibigay ng ibang institusyon, publiko o pribadong mga tao, ngunit hindi na raw ang Kapitolyo. Noted mga ma’am and sir, hindi na nakakapagtaka kung sa mga susunod na panahon mas marami pa ang maligaw ng landas dahil sa kalagayang hindi na talaga nila kayang malampasan at matakasan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here