SALAMAT SA BIYENAN KONG HILAW

Ravenson Biason

SALAMAT SA BIYENAN KONG HILAW

KUWENTO NI: RAVENSON BIASON

Masasabing nasa akin na yata ang lahat. May matatag na trabaho’t  posisyon sa food industry bilang isa sa Board of  Directors, may magarang kotse, bahay, at mga ari-arian. Nang dahil sa salaping tinataglay ko ngayon, mabibili nito ang anumang gustuhin ko.

Katatapos lang ng isinagawa kong transaksiyon sa mga Swisong businessman. Tagumpay dahil napapayag ko silang mamuhunan sa kompanyang pinapasukan ko. Nang dahil sa angkin kong karisma’t katalinuhan ay naging asset ako ng kompanya. Ang aking karunungan at karisma sa pakikihalubilo sa mga tao ang naging hagdan ko upang marating kung nasaan ako ngayon.

Masayang-masaya ako dahil dun at napakagaan ng aking pakiramdam. As usual, pinuri na naman ako ng mga kasamahan ko sa trabaho. Pinalakpakan. At sa bawat palakpak at papuring ginagawa nila sa akin  ay lalong nadaragdagan ang nadarama kong kasiglahan.

Pauwi na ako sa bahay sakay ng minamaneho kong kotse. At habang binabaybay ko ang kalsada ay napadaan ako sa isang puwesto ng gotohan. Araw-araw yun. Lagi ko ring nakikita si Aling Conchita, 50-anyos na abala sa pag-aasikaso ng mga parokyano ng masarap niyang lugaw. Katuwang niya ang isang magandang babae, 25-anyos na natigilan nang huminto ako sa tapat ng puwesto nila. Si Noemi. Na kahit nanlalagkit ang mukha dahil sa pawis at tila dugyot ang ayos ay maganda pa rin sa aking paningin. Gayun dina ng reaksiyon ni Aling Conchita.

“ Nakakaloko ‘yang Ludwig na ‘yan. Nang-aasar ata!” inis na sambit ng ale habang hinahalo ang nilulutong lugaw sa malaking kaldero.

Bakit, Aling Conchita? Di po ba kayo makapaniwala na big time na ngayon si Ludwig? Di nyo akalain na ang isang adik nun ‘e nagkaroon ng mataas na posisyon sa isang kompanya!” pang-aalaska ng isang manong na kostumer.

Natahimik si Aling Conchita. Napayuko naman si Noemi. Muling napatingin nang bumaba ako sa kotse. Bumili ng isang kahang yosi sa katapat na tindahan habang nakaparada sa gilid ang aking tsekot. Naglapitan sa akin ang mga batang anak ng aking mga kababata. As usual, bibigyan ko sila ng barya kahit di naman nanlilimos.Nanghihinghi lang.

Pakunsuwelo o kaya’y pabuya dahil sa utos ko na ginagawa nila.

“  Poroy. Bili mo akong lugaw ha. Haluan kako ng itlog saka tokwa. Dalawang order,”sabi ko sa 6-anyos na bata.

“ Areglado, kuya,” masigla nitong sagot habang inabot ko ang isangdaan piso sa kanya. Sa kanya na ang sukli.

Lingid iyon kina Aling Conchita at Noemi. Nagpapabili ako ng lugaw kay Poroy dahil mahilig na ako dun noon pa. Akala nila, si Poroy talaga ang bumibili. Si Noemi ang nagbalot ng lugaw na pinabili ko. Iniabot kay Poroy. Sulyap-sulyap naman ako ni Noemi habang papasok na sa kotse. Nakahalata ata na ako ang nagpabili ng lugaw.

Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, lagi akong nagpapabili ng lugaw. Si Poroy ang proksi ko. Gusto ko sanang kumain ng lugaw sa puwesto nila. Kasi, baka sabihin ni Aling Conchita na nang-aasar lang ako. O dili kaya’y sabihing naghahanap lang ako ng butas para makapaghiganti sa kanya. Na sabihin kong di masarap ang goto nila.

Ang totoo, wala akong sama ng loob o nararamdamang galit kay Aling Conchita sa kabila ng ginawa niya sa akin. Magkasintahan kami noon ni Noemi. Pinaghiwalay niya kami dahil gumagamit ako noon  ng bawal na gamot. Baka raw madisgrasya ang anak niya kapag nagkataon. Totoong gumagamit ako ng droga. Marahil napilitan akong gumamit nun para takasan ang katotohanang unti-unting sumusugat sa aking pagkatao. Na parang tabak na papatay sa akin.

Nalaman kong kabit lang pala ni papa si mama. Mayroon itong ibang pamilya. Naghiwalay sila. Umibig uli si mama sa isang lalaki. Lalaking walang silbi. Si mama ang nagtratrabaho bilang call center agent samantalang ang bago niyang kinakasama ay nagpapalaki lang ng kaha. Dinaan lang sa gandang lalaki ang mama. Ang sarap ng buhay. Astang hari ang loko.

Palamunin na nga ‘e ginugulpi pa si mama. Pati ako, ginagawang punching bag. Naghihinala na may ibang lalaki raw. Lagi silang nag-aaway. Sigawan, balyahan, murahan, at kung anu-ano pang iskandalong nakakatawag pansin sa mga kapitbahay. Sa hiya ko ay lagi akong wala sa bahay. Laging nasa tambayan. Hindi na rin umuuwi minsan dahil baka makatikim na naman ng left hook saka uppercut sa lalaki ni mama.

Huminto ako sa pag-aaral nung 2nd year college. Nagbisyo na kasi si mama. Na-adik sa madyong at nalulong sa alak.  Tumambay na lang ako. Humuhugot ng kaaliwan, lakas at tatag ng loob sa mga kaibigan kong kasama sa banda. Lalong-lalo na kay Noemi.

At dahil sa gumagamit ng droga ang mga kaibigan ko, pati ako tangay na rin.Naging anestisya ko iyon para makalimutan ang sama ng loob at hinanakit ko sa buhay. Pero, si Noemi ang pinaka-antidote ko. Nagsisilbing anti-venom sa mga frustrations ko sa buhay.

Lalong nagkanda-letse-letse ang buhay ko nang matodas ni mama ang lalaki niya. Pinagsasaksak habang tulog gamit ang itak na hiniram sa kapitbahay naming matadero. Napuno na siguro sa ginagawang pananakit ng lalaki. Tama lang ang ginawa ng nanay ko. Awang-awa ako sa kanya na panay pasa ang katawan. Parang mapa na ng Pilipinas ang katawan niya dahil sa pasa’t maga.

Nakulong si mama sa kasong homicide. Matagal ang bubunuin niya sa piitan. Hindi ko iniwanan si mama.Lagi ko siyang dinadalaw.Ipinagkatiwala niya ako kay lola Ising. Si lola ang gagabay sa akin habang wala siya.

Patuloy ang paggamit ko ng droga. Hanggang sa matuklasan ni Noemi. Inilayo siya ng nanay niya sa akin. Mahal na mahal ako ni Noemi at naiintindihan niya kung bakit ako nagkaganun. Pero, hindi maaatim ng kanyang ina na makipagrelasyon pa sa akin.

“ Anong mapapala ng anak ko sa isang tambay na ay adik pa! Maawa ka kay Noemi. Huwag mong sirain ang pangarap niya sa buhay! Huwag mong gawing walang kabuluhan ang pagmamahal niya sa iyo!” sumbat sa akin ni Aling Conchita nun. Nagtagumpay siyang paghiwalayin kami ni Noemi. Nang malala na ako ay ipina-rehab ako ni lola Ising. Sa loob ay nagmuni-muni ako. Kako, paglabas ko dito ay magbabago na ako.

Nang makalabas ako sa rehabilitation center ay balik-eskuwela ako. Si lola ang nagpa-aral sa akin. Hindi ko sinayang ang perang ginugol sa akin ni lola mula sa ibinentang lupa niya sa probinsiya. Binawi ang panahong at pagkakataong  sinayang ko. Kaya sinasabi ng mga kaibigan ko na isa akong adik na nagpaka-henyo. Nang makatapos sa kursong Business Administration ay mapalad akong nakapasok sa kompanyang pinagtratrabahuan ko ngayon. Pinalad. Sinuwerte.

Tinapos ko ang pagbabalik-tanaw at ninanamnam ang pagkain ng lugaw sa bahay. Kinabukasan, pag-uwi ko ay nadatnan kong maraming nakiki-usyuso sa puwesto nina Aling Conchita. Sinisingil pala siya ng kolektor ng lending. May escort na barangay officials. Naki-usyuso ako. Narinig kong apat na araw na raw siyang walang hulog. Katwiran ng ale, kaysa sa ihulog sa lending ang pera ay iraraos na lang nilang mag-anak. Hiyang -hiya si Noemi. Parang basang sisiw na binabad sa yelo.

“ Kapag hindi ka pa naghulog bukas, pasensiyahan tayo,” singhal ng matabang babae kay Aling Conchita.

Nagingilid ang luha ng ale. Hiyang-hiya sa iskandalo ginawa ng naniningil. Walang kumain  sa gotohan nila pagkatapos nun. Nagpasya akong lumapit.

“ Isang order nga po. May itlog saka tokwa,” sabi ko.

Hindi makapaniwala si Aling Conchita at Noemi. Papaanong ang isang naka-corporate attire at tila artistahin kong umasta ay kakain sa gayung lugar.

“ Hindi naman po ako nagbago. Sa ayos ,oo. Pero di ang pagkatao ko.”

Si Noemi ang naghain ng inorder kong lugaw at ang-abot ng mga pampalasa.

Napansin kong nakatingin sa akin ang mga tao. Nahihiya at natutuwa sa akin.

Lugaw is the best pa rin, po! Hindi ako papayag na hindi ako makakatikim nito sa mga susunod na araw.”

Nginitian ko si Aling Conchita. Pero, tila naiilang sa akin. Pigil naman ang nararamdamang kilig ni Noemi nang nginitian ko. May pitak pa ako sa puso niya. Hindi na nakatiis si Noemi. Nakipag-usap ito sa akin.

Hindi kumibo ang ale habang naghuhugas ito mga baso at pinggan na pinagkainan ng mga kostumer na nauna sa akin. Nang matapos akong kumain at makapagbayad ay umorder ako ng lugaw para kay lola Ising. Nang magbayad ako ay laking gulat ni Noemi sa iniabot ko.

Sampung libong piso to, Ludwig! “E singkuwenta lang lahat ang nakuha mo.”

Kinindatan ko si Noemi at binulungan. Tinanggap niya ang halagang ibinigay ko. Nang umalis ako nagulat si Aling Conchita sa ibinigay kong pera.

Para raw po may panghulog tayo sa lending. Kapag po may problema ay huwag daw po kayong mahihiyang lumapit sa kanya!” sambit ni Noemi sa ina.

Bakit niya ginagawa ito? Hindi naman natin siya kaano-ano. Saka, may atraso ako sa kanya mula nang paghiwalayin ko kayo.”

Wala na po yun sa kanya, nay! Ang totoo, nagpapasalamat pa nga siya sa inyo. Kung di daw dahil sa masasakit na salitang binitawan nyo sa kanya ay baka hindi siya nagbago. Naging motibasyon po ni Ludwig ang mga sinabi nyo kung kaya nagbago siya at nagsumikap. Kung kaya nagtagumpay siya at nakakariwasa ngayon sa buhay.”

Ganun ba?  Bakit? Para ba ipamukha sa akin na kinain ko nun ang mga sinabi ko sa kanya!”

Hindi po. Para po maging karapat-dapat na po siya sa akin. Siguro raw po, di na kayo tututol kung susuyuin niya uli ako. Dahil nagawa na niya ang pamantayan n’yo sa lalaking karapat-dapat na mahalin ko,” nakangiting sabi ni Noemi.

Hindi na tumutol pa si Aling Conchita. Sinong magulang ang tututol sa isang lalaking— bukod sa mahal na ang anak nila ay nakakatiyak pa ng seguridad sa buhay.

Batid na ng ale na ang matinding pag-ibig ko kay Noemi ang nagtulak sa akin para baguhin ang mali sa aking buhay. At bilang lalaking iniibig ng kanyang anak, hindi ako papayag na aapihin at papahiyain ng sinumang tao ang babaeng magiging ina ko balang araw. Siya— at si Noemi ay kasama sa mga pangarap ko at pag-aalayan ng aking tagumpay. WAKAS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here