Sagala sa Pilipinas

    Isa sa pinakaaabangang tradisyon sa Pilipinas ay ang sagala o sagalahan tuwing buwan ng Mayo. Dito ay ipinapakita ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa kadakilaan ng banal na krus at mga babaeng Patron tulad nina Reyna Elena at Emperatriz Elena, mga banal na babae sa bibliya na sina Judith, Esther, Reina Justicia, Divina Pastora at iba pa. Ang pistang ito ay tinatawag nating Santaruzan. Ito ay nagmula sa pagkakatagpo sa banal na krus na siya raw pinagpakuan kay Kristo. Kabilang din sa Santacruzan si Konstantino na nakipaglaban gamit ang sagisag ng krus. Napagwagian niya ang kanyang mga laban at napag-isa ang Emperyo Romano.

    Sa Santacruzan ay inaabangan ang pagparada ng magagandang kababaihan na ineeskortan ng mga naguguwapuhan namang mga kabinataan. Bukod sa mga kadalagahan at kabinataan ng bayan ay nagbibigay kulay din sa parada ang imbitadong mga artista upang maging bahagi nito. Subalit sa paglipas ng panahon, nagkakaroon ng pagbabago ang tradisyong ito tulad na lang sa pagpili ng gaganap bilang Konstantino. Ito ay hindi dapat kaedad ng Reyna Elena kundi mas bata pa. Sa panahon ngayon kadalasan ay magkaedad na ang pinagpaparehang Reyna Elena at Constantino. Gayunpaman, anuman ang maging pagbabago hindi dapat mawala ang kabanalan ng tradisyong ito na sumasalamin sa pagpapahalaga natin sa kadakilaan ng krus at ni Hesukristo.

    Iba naman ang Flores De Mayo. Ito naman ay pagbibigay pugay sa ina ni Hesukristo na si Maria. Ito ay nagsimula noong 1854 nang iproklama na si Maria ay ipinaglihing walang minanang sala ng kanyang inang si Santa Ana. Tuwing buwan ng Mayo, naghahandog ang mga tao ng mga bulaklak at panalangin para kay Maria sa lahat ng mga Simbahang Katoliko. Ito ay bilang pag-alala sa kalinis-linisang kalooban ni Maria at sa pagiging dakilang ina para sa ating lahat. Kaya ang Flores De Mayo ay tinatawag ring Flores De Maria.

     

    SHARE
    Previous articleBawal mag-asawa nang maaga
    Next articleAasenso sa pagma-manage ng negosyo
    Geraldine Monzon; Writer in komiks/pocketbooks/newspaper/indie film My motto in life is; Be stronger than your excuses. If you can't say it, write it.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here