Sa Mata ng Kabataang Aktibista

877

Denise Gozun

Aktibong miyembro ng lipunan na may mataas na pangarap para sa bayan. Bilang kabataang umaako sa kanyang responsibilidad bilang mabuting mamamayan, sa pamamagitan ng pagsusulat ay nagnanais itong makatulong sa reporma tungo sa pangkalahatang pag-unlad.

Latest posts by Denise Gozun (see all)

“Salot sa lipunan!”

“Ingrato! Walang utang na loob!”

“Nagdudulot lang kayo ng perwisyo sa mga motorista, mag-aral na lang kayo nang mabuti!”

Hindi na bago ang mga katagang ito para sa aming mga kabataang aktibista. Sa social media man, sa kalsada, o maging sa aming mga pamamahay, hindi na bago sa amin ang mga ganitong batikos. Sa makatuwid, karamihan sa amin ay tila ba nagmanhid na sa mga ganitong panghuhusga.

Sa kabila ng lahat, kami ay patuloy na lumalaban. Hindi para magdulot ng perwisyo sa mga mamamayan. Hindi para sayangin ang matrikulang ibinabayad ng aming mga magulang o maging ng bayan. Hindi namin dinadala ang diskurso sa kalsada, sa gitna ng init at mabigat na trapiko, para lang sa wala o para lang magkaroon ng dahilang lumiban sa klase. Kung tutuusin, ang mga kilos-protestang aming isinasaayos at isinasagawa ay bahagi ng isang malaki at kolektibong sakripisyo.

Sa pribilehiyong meron kaming mga kabataan ngayon, ang dali na lang mabuhay. Karamihan sa amin ay papasok na lang sa eskwelahan at mag-aaral nang mabuti. Ngunit bakit pinipili pa rin naming maging aktibo sa mga usaping panlipunan? Isa lamang ang dahilan— dahilang hindi ko mawari kung nalimutan na ba ng aming mga nakatatanda o hindi lamang talaga nila maintindihan: ang aming matayog na pangarap para sa bayan.

“Hindi naman kayo apektado sa mga nangyayaring gulo sa Mindanao, bakit pa kayo nakikialam?”

“Hindi naman kayo gumagamit o nagtutulak ng droga, bakit pa kayo nakikialam?”

“Hindi naman kayo biktima ng kawalan ng hustisya o namatayan ng kamag-anak dahil sa EJK, bakit kayo nakikialam?” 

Ilan lamang ang mga ito sa karaniwang ibinabato sa amin ng mga nakatatanda, at d’yan sila nagkakamali. Lahat tayo ay apektado ng mga pangyayaring ito bilang mga Pilipino, bilang mga mamamayang pinamumunuan ng kasalukuyang administrasyon. Kung ipagpalagay man nating hindi nga tayo apektado, hihintayin pa ba nating direktang maapektuhan tayo bago pa kumilos laban sa pang-aabuso ng lideratong dapat ay pinangangalagaan ang ating mga karapatan?

Kung hindi kami kikilos upang makamtan ang aming pinapangarap na progresibong Pilipinas— Pilipinas na nagbibigay ng pantay-pantay na oportunidad para sa pag-unlad ng lahat, sino? At kung hindi, ngayon, kailan?

Hindi natatapos sa apat na silid ng paaralan ang aming pangangarap. Kung tutuusin, dito lamang nagsisimula ang lahat. Sa aming pakikibaka, dala namin hindi lamang ang pansariling kagustuhang magtagumpay. Kami ay lumalaban hindi para sa sarili lamang kung hindi para sa susunod na henerasyon, para sa aming mga magulang na tila ba nakalimot na sa minsan rin nilang pinangarap para sa bayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here