REHABILITASYON NG JONES BRIDGE SA MAYNILA, PINAGMUMULAN NG PAGTATALO AT INTRIGA

Maraming netizen ang nagalak nang simulan ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagsasaayos at muling pagpapaganda ng tinaguriang “Manila’s Queen of all Bridges”, ang Jones Bridge.

Ngunit ang kasayihan at kagalakan ay napalitan ng pagtatalo at intriga dahil sa nakikitang development sa rehabilitasyon ng Jones Bridge. Ang alma ng mga netizen, napakalayo nito sa orihinal na itsura!

Ayon sa ilang netizens, nagmukha raw Disney Land ang makasaysayang Jones Bridge dahil sa “gaudy and tacky” lampposts na inilagay sa tulay.

Inalmahan rin ng ilang heritage advocate ang kulay ng pinturang inilalagay sa Jones Bridge. Ayon sa ilang netizen, nagmukha raw itong color motif ng isang sikat na grocery store.

Nilinaw naman ni Mayor Isko sa Manila Capital Report ang isinasagawang rehabilitasyon ng Jones Bridge.

        Ayon kay Yorme, imposible sa sitwasyon ngayon na ma-replicate ang eksaktong pre-war design ng tulay dahil sa kakulangan sa budget. Nilinaw ni Mayor Isko na ang rehabilitasyon ng tulay ang “semblance” lamang ng Old Manila, at hindi exact replica.

        Ayon pa sa alkalde, ang pondo na ginagamit sa rehabilitasyon ng Jones Bridge ay mula lamang sa donasyon ng isang Chinese businessman.

        Pinawi rin ng Yorme ang pangamba ng ilang heritage advocate na baka hindi maibalik ang mga rebulto ng La Madre Filipinas. Masayang sinabi ng alkalde na ang pagbabalik ng mga rebulto sa pedestal sa panulukan ng tulay ay bahagi ng second phase ng rehabilitasyon ng Jones Bridge.

Ang Jones Bridge ay isang neo-classical bridge na idinesenyo ni Juan Arellano.  Ang tulay ay bahagi ng Burnham Plan na maghahalintulad sana sa Maynila sa mga siyudad sa Europa tulad ng Paris. Sa kasamaang palad, isa ang Jones Bridge sa nawasak noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Muli itong isinaayos ngunit malayo na sa orihinal nitong disenyo.

        Sa ngayon ay sinisikap ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na muling pagandahin ang makasaysayang tulay, bilang bahagi ng plano na muling ibalik ang nawalang ganda ng minsang tinaguriang Paris of Asia.

        Nakatakdang magbukas ang bagong bihis na Jones Bridge sa October 30, 2019.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here