Prostitusyon: Hindi lang katawan, pati pagkatao, binebenta

0
3919
philippines, tondo, sex trade, prostitution, poverty, crime

Latest posts by PhilippineOne Contributor (see all)

ANG kagandahan ay maglalaho pagdating ng araw kaya kailangan nating pahalagahan ang ganda na ibinigay sa atin. Kunsabagay, wala namang taong pangit. Talaga lang kung minsan, may mga babaeng hindi nagagawang alagaan ang kanilang mga sarili. Gayunman, may mga tao naman na mula ulo hanggang paa, alagang-alaga nila ang kanilang sarili. Kuntodo pa nga ang make up at pabango nila. Ibig kasi nilang maging magandang-maganda sa paningin ng kanilang customers.

Hay, nakakalungkot isipin na sadyang may mga taong mas gugustuhin pang ialok ang kanilang sarili sa kung sinong lalaki kaysa maghanap ng matinong trabaho. Kunsabagay, paano ba naman sila makakakita ng okay na trabaho kung hindi naman sila halos nakapag-aral. May ilan nga sa kanila na hindi pa nakapagtapos ng elementarya kaya kung maghahanap sila ng trabaho, siguradong kakarampot lang ang kikitain nila. Samantalang kung maliligo sila nang husto, haharap sa salamin, magmi-make up at magpapabango nang husto, tiyak na marami ang maaakit sa kanila lalo na kung hawig nila sina Yassi at Liza.

Para sa mga babaeng kumakalam ang tiyan, hindi na nila maiisip pa ang tama at mali. Kaya, hindi natin sila dapat na husgahan dahil hindi naman porke mahinhin tayo o nakapag-aral, wala na tayong ginagawang mali. Kung minsan nga, mas masama pa ang ginagawa natin dahil wala tayong ibang iniisip kundi ang ating mga sarili. Halimbawa, nagsisinungaling tayo sa ating mga magulang, tinatraydor natin ang mga taong malalapit sa atin at sinasaktan natin ang mga mahal natin sa bahay. Gayong kung tutuusin ay mayroon tayong mas magandang buhay.

Kaya, huwag tayong huhusga sa mga taong gumagawa ng mali dahil gumagawa rin tayo ng mali. Maaari ngang hindi mo ibinebenta ang sarili mo sa iba’t ibang lalaki na nasa loob ng beerhouse pero lahat naman ng guwapong lalaki ay gusto mong ikama. O, ngayon, ano ang pagkakaiba mo sa prostitute?

Hindi mo dapat isipin na porke nagbebenta sila ng aliw, gustung-gusto na nila ang kanilang ginagawa. Tulad nga ng sinabi ko. Kahirapan ang nagtulak sa kanila para pasukin ang trabaho na iyon.

Heto nga ang ilang sinabi ng mga babae na pumapasok sa pagbebenta ng katawan…

“Eh, ano ngayon kung ganito ang trabaho ko? Dito ako nagkakapera eh, paki mu! Ang intindihin mo ang buhay mo. Pasalamat ka, may talino ka kaya hindi mo na kailangang magpakababa tulad ko,” ito ang pahayag sa akin ni Anita. Isa siyang dancer. 26 years old na siya pero nagsimula siya sa gawaing iyon noong 15 years old pa lang siya. Hinalay siya ng kanyang ama at ibinenta sa isang Mama San. Dahil nga raw wala na namang mawawala sa kanya, minabuti na lang niyang ituloy-tuloy ang kanyang ginagawa, nagkakapera pa siya.

Ang sabi naman ni Princess Erika, 32, na ewan kung iyon ba ang tunay niyang pangalan o screen name lang niya iyon, “Hindi ko iniintindi kung ano ang sinasabi at iniisip ng ibang tao. Ang mahalaga sa akin, mabuhay. Gusto ko rin siyempreng mabigyan ng magandang buhay ang pamilya ko, sukdulang mawala ang dignidad ko. Hah, hindi naman ako mapapakain niyan, eh. Basta ang mahalaga sa akin, iyong makapal ang bulsa. Iyong magagawa kong malamnan ang tiyan ko.”

Mataray man ang pananalita nina Anita at Princess Erika, nakita ko ang lungkot sa kanilang mga mata. Tiyak ko rin na pinipigilan lang nila ang mapaiyak. Siguro, kailangan talaga nilang maging matapang para hindi na nila maisip na mali ang kanilang ginagawa.

Siguro dahil magaan na ang loob sa akin ni Princess Erika, hindi niya napigilang sabihin na nangangarap din siya ng Prince Charming. Na isang araw, may lalaking pupunta sa beerhouse na kanyang pingtatrabahuan at kukunin siya. Sasabihin na naroroon ito para siya ay iligtas. Kaya lang, hindi nangyari ang inaasam nito. Kaya, isang araw ay tinanggap na lang nito na sa mga nobela lang maaaring magkaroon ng tagapagligtas. Para raw sa mga lalaki, ang mga babae ay maihahalintulad lang sa masarap na putahe. Hindi ka lang tatantanan hangga’t hindi nagsasawa sa’yo.

Hindi ko magawang kumontra sa kanyang sinabi dahil isang bahagi ng isipan ko ang nagsasabi na marahil totoo iyon. Ang mga lalaki ay magaling lang sa umpisa ngunit habang tumatagal, nagkakaroon na ng amnesia. Hindi na makuhang panindigan ang ipinangakong pag-ibig. Gayunman, hindi sapat na dahilan iyon para talikuran ang magandang buhay.

Ano nga bang magandang buhay na naghihintay sa amin? Nang tanungin ito sa akin ni Anita, parang dinurog ang puso ko. Paano ba naman kasi, hirap na hirap na raw ito sa sitwasyong kinasusuungan ngunit hindi malaman kung paano magbabagong buhay. Kaya nang sabihin kong huwag siyang mawalan ng pag-asa. Umiling lang siya nang umiling. Matibay kasi ang paniniwala niya na sa tulad nila, matagal nang nawala ang pag-asa.

Shit, ang sakit, para akong sinampal. Ako kasi maliit na problema lang, parang gusto kong sumuko lalo na kapag wala akong salapi sa bulsa. Takot kasi akong magutom. Siguro iyon ang dahilan kaya kulang ang isang araw sa akin sa pagtatrabaho. Nais ko kasing makakuha ako ng maraming pera.

Katok, katok, katok…

Sa mga taong may ginintuang puso diyan, ibig kong makiusap sa inyo na ang mga prostitute ay huwag nating husgahan. Tiyak nga na may ilan diyan na kapag nakakakita ng prosti ay napapangiwi pa. Ipinapakita na nandidiri sila sa mga ganoong uri ng babae. Magpasalamat ka na lang at wala ka sa daang tinatahak nila. Kaya, maiging kung may kakilala kang prostitute makabubuti kung kakausapin mo sila. Kukuwentuhan. Baka sa pamamagitan niyon ay matuto silang mangarap ng mas magandang buhay. Sigurado kasing hindi nila iyon makukuha kung ipagpapatuloy lang nila ang kanilang mga gawain.

Ngunit sana, ang gobyerno at ilang ahensya ay gumawa ng paraan para masolusyunan na ang prostitusyon. Gayunpaman, ang pagri-raid ay hindi sapat para huminto ang mga babae sa ganitong gawain lalo na at mayroon ng Internet. Sa online ay magagawa na rin nilang ibenta ang kanilang mga sarili. At ang dahilan nila kaya gumagawa ng ganoong kalaswaan ay ang kahirapan. Kaya, mas maigi rin talagang dumami na ang trabaho. At sana kahit mababa lang ang pinag-aralan ng isang tao, mabigyan pa rin sila ng pagkakataon na makaahon sa putik na kanilang kinasasadlakan. Mangyayari lang iyon kung makakatanggap sila ng tulong.

Pero, hindi lang pera ang kailangan nila. Makabubuti rin kung magkakaroon sila ng pagkakataon na makakuha ng trabaho.

Written by Maria Angela Gonzales

Maria Angela Gonzales has lived in Tondo since birth but her family provided and gave her all the love she needed to secure a better future. She  dreams of becoming the next JK Rowling but for now fenjoys writing romance novels, horror stories and articles.  

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here