PROBLEMADO SA BOYFRIEND NA MASAMA NA ANG UGALI, BASAGULERO PA

959
Dear Maria: Advice column on PhilippineOne

Dear Maria,

Masama ang ang ugali ng boyfriend ko, ano ang aking gagawin? Masyado siyang basagulero — Danica

 

Danica,

Gulo ang hatid ng boyfriend mo sa’yong buhay kaya ngayon pa lang mag-isip-isip ka na. Hindi porke mahal mo siya, magtitiyaga ka na sa kanya. Ang kailangan mong isipin ay ang kapakanan mo. Huwag mong isipin na porke, basagulero siya ay para na siyang knight in shining arour sa’yong buhay dahil hindi. Mistulan siyang kontrabida para makaramdam ka ng lubos na kasiyahan.

O, hindi ba, kapag umiinit ang ulo niya ay kinakabahan ka, nakakaramdam ka ng takot dahil masama rin ang kanyang ugali? Kungganoon, hindi ka na niya napapasaya. Baka nga nasanay ka na lang na lagi mo siyang kasama o kausap. Maaari ring nakakaramdam ka ng takot sa maaari niyang gawin kapag iniwanan mo siya.

Hah, pwede ba, huwag kang magpatakot sa kanya kung sakaling gusto mo na ring makipaghiwalay sa kanya.

Ang relasyon ay para sa dalawang taong nagmamahalan kaya kung hindi mo na naman siya mahal, sabihin mo ang gusto mo. Huwag kang magpatakot sa kanya. Ngayon kung sa palagay mo ay hindi mo kayang mahiwalay sa kanya dahil mahal na mahal mo siya, sumige ka. Kailangan lang ay handa ka sa kung anong mangyayari dahil alam kong hindi iyon makabubuti para sa’yo.

Pero, mas feel mo ba na mabuhay na laging may kabang nararamdaman? Huwag naman. Kaya ka nga nag-boyfriend para magkaroon ka ng kapanatagan kaya kung pasasakitin lang niya ang ulo at damdamin mo, mag-isip-isip ka na. Saka, bawat babae ay gustong magkaroon ng Prince Charming. ‘Yong magagawa kang ipagtanggol kapag may nambastos sa’yo pero hindi naman iyong laging naghahamon ng away kahit wala namang dahilan para mang-away.

Ang magandang maging boyfriend, eh iyong magagawa mong maipagmalaki sa kahit sino at sa palagay ko, hindi mo magagawa ‘yan sa boyfriend mo. Baka nga, nakakaramdam ka pa ng hiya kapag sinasabi mong siya ang boyfriend mo. Hay naku, kawawa ka naman kung ganoon. Tiyak kasi na marami ang nagtatawa sa’yo. Sabihin mo man na walang pakialam ang mga taong iyon, hindi ka dapat makuntento lang sa relasyon mo sa isang basagulero.

Nag-aaral ba ang boyfriend mo? Kung sasabihin mong hindi siya nag-aaral at wala siyang trabaho, ibig sabihin, ikaw ang gumagastos kapag may date kayo. Kung ganoon nga ang nangyayari, hindi ka ba naiinggit sa mga babaeng halos inilalagay ng kanilang mga boyfriend sa pedestal. Iyong walang ibang maipakita sa madla kundi kilig dahil sa mga nakakakilig na ipinapakita at ipinararamdam ng kanilang boyfriend.

Hay, sana ay habang maaga pa ay matauhan ka na. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay makukontento ka na lang na guwapo ang boyfriend mo at laging nakabuntot o nagti-text sa’yo dahil darating ang araw na magsasawa ka sa pagsunod niya sa’yo at sa kanyang pangungulit. Tumatanda ka na kaya ang dapat mong pamantayan sa pagpili ng karelasyon ay hindi lang nakabase sa pisikal na anyo kundi pati sa ugali at uri ng pagkatao mayroon siya. Maigi rin iyong makukuha niya ang boto ng iyong pamilya at mga kaibigan mo. Sa pamamagitan noon ay makakaramdam ka ng happiness at sa palagay ko, kailanman hindi ka makakaramdam ng tunay na kaligayahan sa piling ng boyfriend mong basagulero at masana ang ugali.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here