Problemado sa boyfriend na gusto na magka-baby dahil ‘di pa ready mag-asawa

1
36
payo, artikulo, pag-ibig, kabiguan, pagmamahal, paghanga, martir, pag-asa,

Dear Maria,

May mga gusto pa akong gawin sa aking buhay kaya lang ang boyfriend ko ay gusto na magka-baby. Niyayaya na niya akong magpakasal. Ayoko naman magsabi sa kanya ng ‘no’ dahil hindi ko naman gustong magkasira kami. Kaya nga lang, hindi pa ko talaga handa na mag-asawa. Naguguluhan ako. Ano ba ang dapat kong gawin? — Donna 

Donna,

Kailangan ay mag-usap kayo ng boyfriend mo. Kung hindi mo gagawin ‘yan, magkakamali ka ng desisyon. Kailangan din kasing alam ng boyfriend mo kung ano ang iniisip at nararamdaman mo. Hindi maaaring magsasabi ka ng ‘oo’ dahil lang sa ‘yon ang gusto niyang marinig. Kilangan ay bukal sa loob mo ang iyong sasabihin para wala kang pagsisihan. Kung alam mong hindi ka pa handang mag-asawa, sabihin mo sa kanya. Eh, marami ka pang gustong gawin sa buhay mo, bakit ipipilit mo ang sarili mo na mag-asawa kundi ka pa handa?  

Kung mahal ka niya, mauunawaan niya ang desisyon mo. Ang dapat nga ay suportahan ka pa niya. Ipapadama niya sa’yo na kahit na magsabi ka man ng ‘yes, I’ll marry you o hindi’, hindi magiging isyu sa kanya.  

Ngunit siyempre, kung gusto na niyang magkaroon ng pamilya, baka maging dahilan nga ‘yan para magkasira kayo. Alam ko na ‘yan ang kinatatakutan mo. Well, okay, ganoon talaga. Siguro nga ay hindi kayo para isa’t isa kung papipiliin ka niya kung siya o ang iyong pangarap. Kapag sinabi niya iyon, let him go. Hindi siya karapat-dapat para sa’yo.  

Paano ko nasabi? Wala kasi siyang mahal kundi ang kanyang sarili. Hindi dapat ganoon. Kailangan ay intindihin ka rin niya.  

Ang pag-aasawa ay hindi parang mainit na kanin na maaari mong iluwa kapag ikaw ay napaso. Paano kung maging mag-asawa kayo, baka naman matali ka na sa bahay ninyo at hindi mo na matupad pa ang iyong pangarap. Naku, sinasabi ko sa’yo, pagsisisihan mo ang bagay na ‘yan.  

Huwag mo hayaang ma-feel mo na wala kang silbi. Kailangan ay magawa mo ang iyong gusto dahil ito ang magbibigay ng confidence sa’yo. Kaya, kung talagang wala pa sa loob mo ang pag-aasawa at marami ka pang gustong gawin sa buhay mo, gawin mo. Mahirap kasi iyong magsisisi ka. Saka, kung talagang kayo, kayo. Kung hindi siya papayag sa gusto mong mangyari, isipin mo na lang na hindi siya ang Prince Charming para sa’yo.

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here