GRABENG pangulo itong si President Duterte, parang walang paggalang kahit sa dating Presidente ng bansa na si P-Noy. Tinawag na niyang ‘buang’, sinabihan pa ng ‘gago’. Bakit ganoon? Talaga bang masyado siyang nagpapadala sa kanyang emosyon? Hindi man lang naisip ng ating Presidente na maraming mata ang nakatingin sa kanya at tengang nakikinig. Mas gusto ba niya talagang pairalin ang emosyon kaysa utak. Matanda na siya kaya dapat, alam na niya ang tama at mali.
Bad Influence! Sa ayaw at gusto ng mga tagahanga ni Pangulong Duterte, ‘yan ang impluwensiya niya sa mga kabataan. Dahil nga sa kanyang walang patumanggang pagsasalita ng masasakit, maraming kabataan ang natututong magmura at manakit sa pamamagitan ng pagsasalita. Oo nga, responsibilidad ng mga magulang na disiplinahin ang kanilang mga anak. Iyon bang tipong parurusahan kapag may nagawang mali kaya lang iba pa rin iyong mayroon silang ‘idol’. Malaki ang impluwensiya noon sa kanila. Kung ganoon, dapat lang na bago magbitaw ng salita ang ating presidente, kailangan muna niyang mag-isip ng kung ilang beses.
Pero, tiyak ko naman na kahit na marami ang nagsasabi kay President Duterte na huwag magpabigla-bigla sa kanyang pagsasalita, hindi naman niya ito pakikinggan. Bakit naman kasi siya mag-aaksaya ng panahon na isipin iyon kung siya ang presidente. Natural lang para sa kanya na sabihin ang naiisip at nararamdaman niya. Iyon kasi ang alam niyang tama.
Ngunit, tama bang ipahiya niya ang dating Pangulo ng Pilipinas? Sabihan ng ‘buang’ at ‘gago’. Mali ba na ikumpara ni ex-President Noynoy Aquino ang pamamahala niya noon sa pamamahala ngayon ni Predident Rodrigo Duterte? Noon kasing panahon ng dating pangulo, walang mga kriminal na pinapatay. Marami nga lang biktima. At iyon ang tiyak na ikinagalit ng Pangulong Duterte.
Sa palagay kasi ni Pangulong Duterte, naging pabaya ang dating Pangulong Noynoy Aquino. Hinayaan lang niya na dumami nang dumami ang mga drug adik at pushers kaya ngayon ay nahihirapan siyang sugpuin ang mga taong gumagamit, nagbebenta at nagpuprotekta ng droga. Dahil nga sa hindi niya nagawa ang ipinangako na susugpuin ni President Duterte ang drugs sa loob ng anim na buwan, ayun nag-iinit ang kanyang ulo kaya walang maaaring magkomento sa kanya.
Hindi rin talaga napigilan ni President Duterte ang kanyang emosyon dahil naniniwala siya na kaya dumami ang drugs sa ating bansa ay dahil mayroong matataas na opisyal ang sangkot sa paglaganap ng droga at iyon nga ang gusto niyang idiin kay ex-President Noynoy Aquino lalo pa’t ang General nilang si Gen. Loot ay naakusahang protektor ng droga.
Ngunit, sapat na ba talaga iyon para magbanta si Pres. Duterte kay P-Noy na, “Sige pumasok ka sa droga P-Noy pag hindi pinutulan kita ng ulo, buang ka!”
Napakatapang talaga ng Pangulong Duterte. Siya ang tipo ng tao na walang kinatatakutan pero sana ay magdahan-dahan din siya sa kanyang pananalita. Intindihin naman niya ang mga kabataan na sa kanya ay humahanga at gumagaya. Huwag naman iyong puro droga na lang ang naiisip na solusyon. May pagkakataon din na kailangang pairalin din ang kagandahang asal lalo pa’t ikaw ay nasa mataas na posisyon.