Pinoy Ako Pero Hindi Ang Mga Magulang Ko

2
147

Kristine Joyce M Belonio

Kristine Belonio is a registered medical laboratory scientist and DOH-trained screening drug test analyst who hopes for a drug-free Philippines. And though she loves to do all the “bloody” work and analyze other bodily fluids, she’s also an aspiring journalist with a thorough know-how on the rudiments of news, feature and editorial writing.

Ang Kuwento ng Isang Batang Ampon

Iniulat ng United Nations’ Children’s Right and Emergency Relief Organization na ang Pilipinas ay may problema sa mga inabandonang kabataan. Sa katunayan, binanggit nito na ang bansa ay may higit sa 1.8 milyong na inabandunang kabataan na madalas na natatagpuan sa mga lansangan sa buong bansa. Halos isang porsyento ng kabuuang populasyon ng bansa ay mga inabandunang bata at ayon sa mga eksperto, ito ay maaaring bunga ng mahirap na burukrasya sa pagaampon sa Pilipinas.

Sa kabutihang palad, ang dahilang ito ay hindi naging hadlang sa isang mag-asawang misyonero na mula sa Estados Unidos na sina Chaz at Terrie Yandall upang magampon ng 20 batang Pilipino. Nagsimula ang kanilang kuwento noong sila ay naging mga misyonero sa Pilipinas noong 1991.

Ang mga Yandall ay nagpasya na manatili sa lungsod ng Bacolod, kung saan itinatag nila ang isang children’s crisis center para mga kabataang nangangailangan. Sinimulan ng mag-asawa ang pagtanggap ng mga bata at pansamantalang aalagaan ang mga ito. Gayunpaman, napag-alaman nila na ang karamihan sa mga bata ay inabandona kaya, binago nila ang pokus ng kanilang ministeryo.

Karamihan sa mga batang Pilipino na nasa ilalim ng kanilang pangangalaga ay nasa “remedial” sa kanilang paglaki dahil sa malnutrisyon. Ang mga bata ay pinag-aaral din  sa pamamagitan ng homeschooling dahil naniniwala ang mga Yandall na ito ay ang “pinakamahusay na paraan upang matugunan” ang pangangailangang pang-edukasyon ng mga bata.

Ngunit sila ay nagpasya na tumigil sa pagtanggap ng maraming bata, sa halip ay itinuon nila ang kanilang pansin sa pagpapalaki ng 20 batang Pilipino na kanilang inaruga, kasama ang kanilang anim na byolohikong anak. Sa kabutihang palad, nagbago ang mga batas sa pag-aampon sa Pilipinas sa mga panahong iyon. Ang mga pagbabago sa batas ay nagbigay pahintulot sa mga dayuhang naninirahan sa loob ng bansa na mag-ampon. Iyon ang dahilan kung bakit sinimulan ng mga Yandall ang legal na proseso ng pag-aampon.

Ilang linggo na ang nakalipas, nagkaroon ako ng pagkakataong makilala ang isa sa mga inampung bata ng mag-asawang Yandall nang inanyayahan ng aking ate ang kanyang mga kasamahan sa trabaho para maghapunan sa aming tahanan. Ipinakilala niya ako kay Jennifer Stacie Yandall, 26-taong-gulang. Ngunit hindi ang kanyang kagalingan sa wikang Ingles ang kumuha ng aking atensyon, sa halip ang kuwento ng kanyang buhay. Kaya hiniling ko sa aking kapatid na kung pwede niya kaming iskedyul ng isang pulong upang makapanayam ko siya.

Noong Biyernes (Oktubre 27), nagkaroon ako ng pagkakataon na makapanayam si Jen nang sinamahan ko ang aking pamangkin nang lumahok siya sa taunang Trick or Treat party sa opisina ng kanyang ina (aking ate). Si Jen ay kasalukuyang nagtatrabaho sa isang kumpanya ng BPO, kasama ang aking kapatid na babae, sa Bacolod City.

Ang Simula

Si Jennifer Stacie Yandall ay legal na inampon sa edad na 16 ngunit siya ay nakatira sa kanyang mga umampong magulang mula ng siya ay tatlong-taong gulang pa lamang. Si Jen at ang kanyang kapatid na babae ay ipinanganak sa Maynila ngunit sila ay lumipat sa Bacolod City sa edad na 3 at 5. Ayon kay Jen, inilagay silang magkapatid sa children’s crisis center ng mga Yandall ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad (DSWD).

Mga Umampong Magulang at Kanyang mga Kapatid

Batay sa kuwento ni Jen, ang kanyang mga adoptive parents (Chaz at Terrie Yandall) ay mga Born Again Christians at mga misyonero na ang layunin ay makakatulong sa mga naghihirap na mga pamilya sa Bacolod City (e.g. Mga walang trabaho na magulang at mga nangangailangan ng lugar para manatili ang kanilang mga anak). Ang kanilang misyon ay tulungan ang mga magulang na pangalagaan ang kanilang mga anak hanggang sa maging matatag ang kanilang pamumuhay at sa kalaunan, ibabalik sa kanila ang mga bata.

Ibinahagi rin ni Jen na nagkaroon ng panahon na may higit sa 100 mga bata ang nasa center kaya ang kanyang mga magulang ay kumuha ng maraming yaya o katulong upang pangalagaan sila. Sa kasamaang palad, wala siyang ideya tungkol sa kung paano itinatag ang sentro dahil hindi ito tinalakay sa kanila ng kanilang mga magulang.

Ang alam lang ni Jen ay kung kailan dumating sa Pilipinas ang kanyang magulang (noong 1991) at itinuring na nila ang center bilang kanilang tahanan at ang ibang mga bata bilang kanilang sariling mga kapatid. Inamin din niya na hindi nila naiintindihan ang buong konsepto o ang uri ng pamilya na mayroon sila hanggang sila ay tumungtong sa hustong gulang at sinabi ng kanilang mga magulang na nais silang ampunin ng mga ito.

Kung ang pagkakaroon ng kapatid ang paguusapan, hindi salat si Jen sa mga ito. Sa katunayan, siya ay may 25 mga kapatid — ito ay kinabibilangan ng kanyang biyolohikal na kapatid na babae, 18 na mga kapatid na pawang mga Pilipino at anim na mga Amerikanong kapatid na siyang mga tunay na anak ng kanilang mga magulang. Halos karamihan sa kanyang mga kapatid ay nasa Estados Unidos habang may iilan na mas pinili ang manatili sa Pilipinas.

Pagdidisiplina at Relasyong Pampamilya

Pagdating sa pagdidisiplina, sinabi ni Jen na dinadaan ng kanilang mga magulang sa usapan ang lahat. Inaamin niya na pinapalo rin sila kapag may pagkakamali ngunit kadalasan sila ay kinakausap ng mga ito.

At kung dati ay malapit cxa sa kanyang pamilya, inilahad ni Jen na ang relasyon niya sa kanyang mga magulang ay medyo kumplikado ngayon. Ngunit siya ay umaasa na darating din ang tamang panahon na maaayos ang kanilang relasyon sa isa’t isa.

Pagiging Iba

Dahil sila ay inampon at may Amerikanong magulang, inaamin ni Jen na nakaranas sila ng panunukso lalo na magkakaiba ang kanilang mga mukha. Ngunit hindi nila ito pinapansin, sa halip ay pinapaliwanag nila ang kanilang sitwasyon sa mga taong nagtatanong.

Tinutukso rin sila dahil mas sanay silang gamitin ang wikang Ingles at hindi sila masyado nakakaintindi ng wikang Filipino o iba pang mga lokal na dyalekto sa bansa lalo na ang Hiligaynon o Ilonggo. Inilahad din niya na alam ng kanyang mga kaibigan na siya ay ampon lamang pero sabi niya, hindi niya raw nararamdaman na siya ay iba sa kanila.

Pananaw sa Adopsyon o Pag-Aampon

Buong buhay ni Jen nasanay na siya sa uri ng pamilya na meron siya at kailanma’y hindi niya ito ipagpapalit. Kahit ampon lamang siya, ipinagmamalaki niya ito. At ayon sa kanya, ang pag-aampon ay isang marangal na gawain kung saan nag-aalaga ka ng mga taong hindi mo kadugo o kaano-ano.

Dagdag pa ni Jen, ang tunay na kahulugan ng pag-aampon ay pagkakaroon ng pamilya na siyang mag-aaruga at magmamahal sa iyo. At ang mensahe ni Jen sa mga pamilyang may balak mag-ampon, siguraduhin na pantay-pantay ang pagtrato, pagtingin at pagmamahal na ibibigay ng mga magulang sa kanilang mga anak.

Sinabi niya rin na kailangan maintindihan ng mga tao na ang tunay na kahulugan ng pag-aampon ay pagkakaroon ng pamilya. May mga panahong mag-aaway o maiinis ka sa mga kapatid o magulang mo pero sa bandang huli, pamilya pa rin kayo na nagmamahalan at handang ipaglaban at protektahan ang isa’t isa.

Samantala, si Jennifer Stacie Yandall ay marahil isa sa mga masuwerteng inabandunang batang Pilipino na binigyan ng pagkakataon na magkaroon ng isang pamilya sa pamamagitan ng pag-aampon. Ngunit marami pang mga kabataang Pilipino ang umaasa na makahanap ng isang pamilya at isang tahanan kung saan nila pagbibilangan at hindi sila maiiwan sa mga lansangan upang buhayin ang kanilang mga sarili.

Hindi man mababago ng pag-ampon ng isang bata ang mundo ngunit para sa mga kabataan, ang kanilang mundo ay tiyak na magbabago. Katulad ng mga Yandall, sa palagay ko oras na para kumilos ang ating pamahalaan at ang mga mamamayang Pilipino para tulungan ang mga inabandunang kabataan at mga naulilang bata na mabigyan ng atensyon, pagmamahal, pangangalaga at pag-asa na talagang karapat-dapat sa kanila.

2 COMMENTS

  1. Hi Kristine! This is such an inspiring article. I hope you have articles like this written in English too. I am a Filipina with a foreigner husband and an adopted daughter, who’s in a rebellious stage after learning she’s an abandoned child. Upon reading this, I think it could help my 18-year-old daughter deal with what’s she’s going through now. Sadly, she doesn’t know or understand any single Tagalog word. Anyways, thank you for this well-written piece! All the best to you and to this wonderful website!

    • Thank you very much for your kind words and for reaching out to us. There are several articles about adoption and abandoned children on the website. But since we follow a Tagalog media format, most articles are written in the Filipino language. PhilippineOne is also a non-profit foundation who is dedicated to help disadvantaged Filipino children. For more info, kindly read this piece – https://philippineone.com/1000-posts-and-just-getting-started/

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here