Pinay ang Pinakamatandang Tao na Nabubuhay sa Mundo

Lubhang nakamamangha ang mga taong umaabot nang 100 taon, lalo pa kung hihigitan pa nila ito ng mas maraming taon. Iyan ang naging kaso ng isang babae mula sa Negros Occidental na nagdiwang ng kanyang ika-122 taon noong Miyerkules, Setyembre 11.

Ang pambihirang babae na ito ay si Francisca Susano na nagdiwang ng kanyang kaarawan sa kanyang tahanan sa Barangay Oringao, Kabankalan City, Negros Occidental. Kasama niya sa masaya at simpleng selebrasyon ang kanyang pamilya at mga kaibigan na bumati sa nakabibilib na babaing ito.

Ayon sa kanyang apo na si Helen Susano Cachero, si Gng. Susano ay isinilang noong Setyembre 11, 1897, at ibig sabihin ay 122 taon na siya. At ang sadyang nakamamangha ay lumagpas na siya ng isang siglo. Hindi birong panahon na ang itinagal niya sa mundo.

Ayon pa rin kay Helen ay sinisimulan na nila ang pagpoproseso para sa opisyal na pagkilala sa kanyang lola bilang pinakamatandang tao na nabubuhay. Ang Guiness Book of World Records ay sinabing si Kane Tanaka mula Fukuoka, Japan, ay opisyal na kinumpirma bilang pinakamatandang tao sa mundo, nabubuhay sa edad na 116 na taon at 66 na araw simula noong Marso 9, 2019.

Kung mapapatunayan at kikilalanin si Gng. Susano bilang pinakamatandang tao ng prestihiyosong Guinness Book os World Records ay pambihirang karangalan ito para kay Gng. Susano, sa kanyang pamilya at sa buong sambayanang Pilipino. 

Ayon sa kanyang mga kamag-anak, si Gng. Susano na may 14 na anak ay isang dating magsasaka, kaya naman siya ay mahilig na kumain ng mga sariwang gulay. Marahil ay isa sa mga sikreto niya, ang pagkain ng maraming gulay, upang manatiling malakas hanggang sa kasalukuyan.

Ayon kay Helen ang kanyang lola ay mahilig maupo, ngumiti at kumanta kapag nasa mood ito, subalit sa mga araw na hindi maganda ang mood nito ay mas nais nitong mahiga na lamang sa kanyang higaan, hindi magsasalita at kung minsan ay nag-iiiyak pa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here