“Pinagtagpo ngunit hindi itinadhana”

0
746

Latest posts by YVIE PATRICE LAPERA (see all)

Naranasan nyo na bang magmahal? Masaktan? Umiyak nang paulit-ulit? Maniwala sa mga salitang hindi naman napanindigan? Mga pangakong napako? Dahil kung oo narito ako upang ilahad ang aking karanasan sa tinatawag nilang pag-ibig. Pag-ibig nga bang maituturing kung ang sakit sakit na? Nagsimula sa “ingat ka papakasalan pa kita” natapos sa “ingat ka papakawalan na kita”. Tanda ko pa kung paano kami nagsimula sa chat na para bang ayaw na naming matulog, sa mga salitang “mahal na kita, char” ang char na nagsisilbing biro lamang para sa aming dalawa, na napunta sa “mahal na kita seryoso na ako”.

Ang mga nakakakilig na usapan naming napunta sa malalamig na salita. Buwan ang itinagal ng aming relasyon. Sabi ng iba “buwan lang pala eh, bakit hindi ka maka move on?” ang sagot ko sa katanungan na iyan ay wala sa tagal ng relasyon yan, kundi nasa pinagsamahan. Sandaling panahon ngunit punong puno ng masasayang ala-ala, mga alaalang ayaw ko nang kalimutan. Mga alaalang akala ko ay madadala namin sa pagtanda nang magkasama. Isa pa sa mga naalala ko ay ang araw na naging kami na. Ako ang nagmistulang mundo niya, mundo na ayaw niyang lisanin, ngunit tila nagbago ang ihip ng hangin. Ang dating mundo ay naging isang maliit na kontinente na lamang. Ang mga pag-uusap na walang sawa ay nagkaroon ng katapusan. Ang mga masasayang kuwentuhan ay nagmistulang hindi na magkakilala tuwing nagkakasalubong. Ngunit ang tanong sa aking sarili ay “saan nga ba ako nagkulang? Saan nga ba ako nagkamali?” para umabot kami sa puntong ito. Sa puntong pawala na, patapos na ayawan na. Sa puntong halos ayaw niya akong makita. Sinabi niya na walang mali sa akin kung hindi nasa kaniya, pero bakit pakiramdam ko nasa akin ang mali?

Dahil ako ang mas nasasaktan, ako ang mas naaapektuhan. Naalala ko pa ang pangako niyang “antayin mo ako babalikan kita” pangako niyang hindi nakuhang panindigan. Inantay ko siya, ang pag aantay ko na napunta sa wala. Mga pag asa kong kusa na lang na nawala. Nakikita ko na siyang masaya, guguluhin ko pa ba? Ipaglalaban ko pa ba kung nagmula na mismo sa kaniya ang salitang tama na? Siguro nga totoo ang kasabihang “pinagtagpo ngunit hindi itinadhana”. Pinagtagpo lamang upang may matutunan, matutunan na maaari mong magamit sa pagbabago. Pinagtagpo lamang upang sumaya ng panandalian. Hindi itinadhana dahil hindi siya ang para saiyo, hindi itinadhana dahil may “mas” pang darating. May mas pang darating upang may mas matutunan. Mga matutunang maaaring magamit papunta sa isang perpektong relasyon. Perpektong relasyon na maaari mong masabi na “ito na iyon, siya na nga”. Relasyong maaari mong maipagmalaki sa lahat, relasyong mapanghahawakan mo hanggang dulo. Relasyong hindi ka maaatim na bitawan.

       Sa sulatin kong ito sana ay may natutunan kayo. Sa sulatin kong ito sana ay may napulot kayong aral, aral na maaari ninyong gamitin sa inyong mga sarili. May tao talagang darating sa buhay natin sa mga panahong wasak tayo na akala natin ay siya na ang muling bubuo saatin, ngunit dumaan lamang siya upang muling turuan tayo. Turuan kung paano maging mas matatag pa upang lumaban sa agos ng buhay. Para sa akin ang pagmamahal ay hindi minamadali bagkus ito ay kusang dumarating sa hindi inaasahang lugar pero sa panahon kung saan perpekto na ang lahat. Laging tandaan na kapag ikaw ay nagmahal, huwag mong ibigay lahat para pag dumating na sa puntong ayawan na meron pang natira para sa iyong sarili meron pang rason para magpatuloy at meron pang rason para lumaban.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here