PASYALAN ANG CASA DON JOSE BAUTISTA

2166

Para sa unang edisyon ng Pasyalang Pinoy ng Philippine One, ating puntahan ang antigong bahay ni Don Jose Bautista sa Malolos City, Bulacan.

        Ang ancestral house na ito ng Familia Bautista, na isa na ngayong museum, ay nakatindig sa Kamistisuhan District ng Malolos City, kung saan din matatagpuan ang iba pang nalalabing antigong bahay na saksi sa mayamang kasaysayan ng siyudad.

*****

ANG CARYATID HOUSE

        Katulad ng mga tipikal na bahay-na-bato-at kahoy na itinayo noong panahon ng mga Espanyol, ang Casa Don Jose Bautista ay may dalawang palapag.

Ang unang palapag ay tinatawag na zaguan. Hindi ito tinitirahan bagkus ito ay inilaan bilang paradahan ng caruaje at carosa na ginagamit sa prusisyon.

Kung may isang natatangi sa Casa Don Jose Bautista, ito ay ang marangyang dekorasyon ng ikalawang palapag. Sa mga malalaki at malalapad na bintana ay makikita ang mga nakadisenyong caryatid na hindi karaniwang makikita sa mga bahay-na-bato-at-kahoy.

Ang caryatid, na karaniwang nasa anyo ng isang babae, ay nagsisilbing architectural support kapalit ng column o pillar.

        Dahil sa espesyal na architectural detail na ito ng Casa Don Jose Bautista, natanyag rin ang bahay sa tawag na Caryatid House.

*******

ANG EBOLUSYON NG CASA BAUTISTA

        Ang orihinal na bahay ay itinayo noong 1855. Muli itong isinaayos at pinalaki noong 1877 at isinunod sa estilong Neoclassical.

        Maraming naging mahahalagang bisita ang Caryatid House, kabilang na rito si Dr. Jose Rizal. Bumisitasi Dr. Jose kay Don Bautista noong Hunyo 1892 upang i-presinta ang planong pagtatatag ng La Liga Filipina. Ang makasaysayang pagbisita ng ating pambansang bayani kay Don Bautista ay makikita sa painting sa caida na nasa ibabaw lamang ng ecalera mayor o main staircase ng bahay.

        Marami pang mga makasaysayang kaganapan sa Casa Baustista. Nagsilbi itong opisina ng Secretaria de Fomento (Ministry of Interior Affairs) noong Malolos Republic. Matapos pumanaw ni Don Bautista, ang bahay ay ginamit bilang munisipyo at escuela preparatoria (primary school). Nagsilbi rin itong barracks noong Japanese occupation.

        Muling ibinalik sa kaniyang dating ganda ang Casa Bautista noong 1970, sa tulong ng tagapagmana ni Don Jose Baustista na si Basilidez “Dez” Bautista—isang set designer, writer, historian, at antique collector.

        Sa kasalukuyan ay nananatiling matikas na nakatindig ang Casa Don Jose Bautista, o mas kilala bilang Caryatid House.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here