Pasado o Palyado? Tingnan ang Resulta kung Gaano nga ba ka-epektibo ang LGU Niyo

Maingay ang bali-balita natin ngayon tungkol sa hirap na nararanasan ng mga commuter pagdating sa mga masasakyang bus, jeep, LRT, MRT sabayan pa ng traffic. Kung titingnan, para bang sinanay na lamang tayo na mga Pilipino sa sitwasyong ‘bahala na’ at “tiis tiis lang” scenario.

Sabayan pa ng mga Local Government Unit na walang ginawa kundi itolerate ang mga mamamayan nitong mapang-abuso. Nagkapatong-patong na, sumakay ka man ng pribado o publikong sasakyan, kahit pa maglakad ka nalang lahat ng ito isang malaking kalbaryo.

Ang sabi nga, pag ang nasa taas palyado asahan na pati ang sistema sa kalsada, pagpapatupad ng batas at ang mga tao ay palyado rin.

Kamakailan ay mayroong inilabas na direktiba ang ating Pangulo Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na linisin at alisin ang mga sagabal sa kalsada ng bawat local government unit para makabawas sa matinding traffic at pagiging pedestrian friendly nito.

Ang lahat ng mga munisipalidad at lungsod sa bansa natin ay binigyan lamang ng 60 days upang malinis ang kani-kanilang nasasakupan, alisin ang mga sagabal sa daanan at ibalik sa mamamayan ang mga lupang sinakop na ilan sa ating kababayan.

Dito naglitawan kung sino sino ba ang mga namumunong tunay na naglilingkod sa sambayanan, at kung sino ang mga namumunong wala nang ibang ginawa kundi magpalamig lamang sa kwarto at magpakasarap sa katungkulang mayroon sila.

Natapos na ang 60-day period ng gobyerno sa kautusang ito at sa isinagawang validation ng DILG, ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, 97 na mayor na pawang mga nasa probinsya, ang sumablay sa pagsunod sa utos ng pangulo.

Dito magkakaalaman kung ano ba ang problema? Ang namumuno na hindi nagseseryoso sa totoong pagsisilbi sa mamamayan niya? Iyan ang mahirap, nasanay na lang tayo na kung sino sino ang binoboto. Dinaan sa kaunting papogi, dinaan sa pagpapabango at mga pangako, pero ni-minsan hindi natin tiningnan ang kanilang pagkatao.

Sa “alis-sagabal” directive ng pangulong ito, malinaw itong magpapakita ng katotohanan sa kalakaran na mayroon ang bawat lungsod. Malalantad ang mga opisyal na tunay na para sa tao. Mailalantad rin ang mga opisyal na walang kwenta at walang pakialam sa mga tao.

Anuman ang rason ng 97 mayors na inilahad ng DILG, malinaw na mayroon lamang dalawang rason. Una, hindi talaga kumilos at binalewala ang utos na ito. Ikalawa, talagang walang bayag ang mga taong ito para sundin ng mamamayan ang utos ng kanilang gobyerno.

Tunay nga, disiplina ang kailangan na ipakita ng mamamayan para maging maayos ang mga proyekto ng pamahalaan. Pero tandaan rin natin na ang pagiging mayor, vice mayor, mga kagawad, kapitan at nasa mga katulad na katungkulan ay sinumpaang tungkulin. Ang effort ay magmumula talaga sa inyo, kahit anuman ang katayuan ng mga nasasakupan mo.

Ito ang katagang aking iiwanan. Ang iyong mga miyembro ay nakikilala sa kung paano ito sinanay ng mga namumuno dito. Kaya gising gising! Kung magulo ang komunidad mo, magmumi-muni ka rin baka nasa iyo ang problema dito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here