Pantay-pantay na Pagrespeto

Latest posts by Joshua A. Daarol (see all)

Sa bawat sulok ng Pilipinas, may makakasalubong tayong mga bading, tomboy, paminta at mga transexual na naging bahagi na ng ating komunidad. Sila ang mga tinatawag na kasapi ng LGBT Community na kadalasan nagiging sentro ng diskriminasyon sa kasalukuyang panahon. Sa katunayan, mayroong mahigit 12, 600, 000 na indibidwal ang kabilang sa nasabing lupon at patuloy lumalaki ang nabanggit na populasyon (Tenorio, 2017). Ang malaking bilang na ito ay kadalasang nakakaranas ng labis na panghahamak sa araw-araw na pakikipagsapalaran na naging sanhi ng kawalan ng tiwala sa sarili.

Sa panahon ngayon, maraming indibidwal na kasapi ng LGBT Community ang naging matagumpay sa iba’t-ibang larangan. Una na rito ay ang isa sa mga pinakasikat na komedyante ng henerasyon na si Vice Ganda. Siya ngayon ang nangunguna sa larangan ng pagpapatawa at marami ng pelikula ang kaniyang pinagbidahan. Labis na tumabo sa takilya ang kanyang kakayahan sa paghahatid ng kasayahan sa mga manonood at tunay niyang nakuha ang kiliti ng masa. Nagpamalas din ng husay si Boy Abunda sa pakikipagpalitan ng mga kontrobersiyal na isyu tungkol sa mga personalidad na kaniyang nakakapanayam. Naging kahanga-hanga si Boy Abunda sa angking galing sa pagsasalita ng wikang Ingles at Filipino. Hindi rin magpapahuli sa larangan ng pag-awit si Charice Pempengco. Sa katunayan, umabot hanggang sa labas ng bansa ang kanyang kasikatan nang minsan siyang matampok sa isang sikat na talent search sa boung mundo na kung tawagin ay X-Factor. Sa larangan ng Politika, si Geraldine Roman naman ang kauna-unahang transexual na naluklok sa posisyon bilang kongresista sa kasaysayan ng Pilipinas. Sa kabila ng kanilang kakaibang kasarian, hindi naging alintana ito upang ikubli ang potensyal na kakayahan bagkos ipinakita nila kung ano ang kaya nilang ibuga para sa ikatatanyag ng bansa.

Subalit, hindi pa rin natin matatakasan ang katotohanan na pangunahing suliranin pa rin ang lumalalang diskriminasyon sa LGBT Community. Mga maaanghang na salita ang kadalasang bubungad sa kanila sa bawat paggising sa umaga. Pisikal na pang-aapi sa bawat eskinitang madadaanan. Pang-aalipusta na pagtuturing ng mapanghamak na publiko sa tuwing may sasabihin na animo’y nakaririndi sa tenga ng iba. Kasama rin ang di’ pantay na opurtunidad sa bawat kasarian lalo na’t higit pa sa mga propesyong may kwalipikasyon. Sa pagsusundalo, pag’ bakla ka! Hindi ka matatanggap. Sa pagiging Sea Man, pag’ bading ka! Kailan mong magpanggap. Ano ba publiko? Masyado kang mapanghamak. Hanggang sa karapatan ng pagapapakasal, ang mungkahi ay di’ rin aprobado. Ganyan ba ang ating kinasadalakan na mundo? Masyado nang abusado. Umabot din sa puntong pati ang kanilang kagustuhan ay tinututulan. Kapag nagcross-dressed ang bakla, tadtad ng lait sa lipunan. Sa tuwing may lipstick ang mga labi, mga masasakit na parirala ang masasabi. Pansin din nila ang kolorete sa mukha, kung ano-anong panghahamak ang lilitaw bigla. Ang mga ganitong sitwasyon ay patuloy nagaganap sa ating kapaligiran at siya namang natatanaw ng mas nakababatang heherasyon kung kaya’t namamana nila at natuto na ring mangliit ng iba. Mula noon hanggang ngayon, ang pagiging kasapi ng LGBT Community ay di’ kailanman naging kasalanan kundi ang pagiging mapagmata ng lipunan. 

Sa pangkalahatan, respeto at pagtanggap ang tanging susi nang sa gayon ay mabuksan ang pagkakataon sa LGBT Community na maipakita ang angking kakayahan. Kung ang publiko ay handang makinig sa mga sasambitin ng mga kasapi nito, magkakaroon ng malawakang pag-unawa’t pagkakaintindihan sa pagitan ng bawat isa. Mapa lalaki, babae, bading, tomboy, paminta o transexual man, lahat tayo ay may pantay- pantay na antas. Walang mababa at wala ring mataas. Ang sang’ komunidad na may pantay na pagrespeto sa isa’t-isa anuman ang kasarian ay animo’y baryong may sandamukal na kapistahan, tanging kasayahan ang mamumutawi sa ating lahat bilang kabuuan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here