PANGAMBA NG ISANG INA SA DENGVAXIA

0
270

Geraldine Monzon

I'm Geraldine Monzon. 37 years old; married with two children. I have written for comics, newspapers, pocketbooks and Indie film. My hobbies are browsing Facebook and Google so that I may learn and explore the world without travelling.

Latest posts by Geraldine Monzon (see all)

Sa sinapupunan pa lang, puno ng pananabik

Ang puso kong naghihintay, sa iyong pagsilip

Sa pagluwal ko sa iyo, ay natuwa ng labis

At hindi na ininda, ang naramdamang sakit.

 

O aking anak, ako ay labis na nagiliw

Nang masilayan ka, luha ko ay nangilid

Sa mga yakap ko, hindi ka mabibitin

Sa mga bisig ko, akin kang kukulungin.

 

Ang iyong paglaki, aking sinubaybayan

Sa lamok at langaw, hindi ka pinadapuan

Sa anumang sakit, ikaw ay iningatan

Ang kalusugan mo, ay sadyang inalagaan.

 

Ang lahat ng bakuna, ay aking kinumpleto

Sa malapit na pagamutan, ikaw ay pinarehistro

Kurot man sa aking puso, ang pag-iyak mo

Tiniis ko na lamang, pagka’t ito’y para sa iyo.

 

Pagpasok mo sa eskwela, ako ay nangamba

Baka ikaw ay maputikan, o madisgrasya

Hindi ko maiwasan, ang mag-alala

Sa bawat oras, na hindi ka kasama.

 

Habang ikaw ay wala, sa aking paningin

Sa butihin nating Diyos, ako ay nanalangin

Na sa tuwina, ikaw ay sagipin

Sa anumang panganib, na posibleng kaharapin.

 

Sa paglipas ng panahon, ang mundo ay nag-iiba

Mga malalang sakit, ay lumaganap na

Ang aba kong puso, ay muling nangamba

Pag-iingat sa iyo, ay dinoble pa.

 

Ubo at sipon, lagnat o trangkaso

Labis labis na, ang pag-aalala ko

Ano pa kaya, ang mararamdaman ko

Kung ikaw ay matulad, sa mga napapanood ko.

 

Mga batang tinamaan, ng matinding sakit

Mayaman man o mahirap, kanser ay kumakapit

Lalo na nang kumalat, ang dengue na malupit

Na walang sinisino, kahit pa ang malinis.

 

Bilang isang ina, ako ay nangamba

Sakit ay dumapo, kahit pa sa artista

At ang aking lubos, na ipinag-aalala

Ang sakit na ito, ay walang medisina.

 

Mga pesteng lamok, na namiminsala

Mula raw sa lugar, na hindi kaaya-aya

Sa mabahong amoy, sila ay natutuwa

Sa nakaimbak na tubig, sila ay nanahan na.

 

Para sa iyo anak, aking inumpisahan

Masusing paglilinis, ng ating kapaligiran

Upang mga lamok, ay wala ng pamugaran

Loob man o labas, ng ating kabahayan.

 

Lahat na yata ng pamahid, sa iyo ay ipinagamit

Maiwasan lamang, ikaw ay magkasakit

Ang makagat ng lamok, na may dalang panganib

Ayokong sa iyo, at sa iba ay sumapit.

 

Hanggang isang araw, aking nabalitaan

Isang tuklas na bakuna, ang ipinangalandakan

Malaking pera ang inilaan, ng ating pamunuan

Upang ang bakuna, atin daw mapakinabangan.

 

Ang aking tinutukoy, ang bakunang pinangalanan

Tinawag na dengvaxia, sa dengue raw ay panlaban

Dating sekretarya, ng pangkalusugan

Ipinaliwanag pa sa atin, taglay nitong kakayahan.

 

Dahil sa balitang, aking natunghayan

Ang nangangamba kong puso, ay biglang nabuhayan

Walang ibang laman, ang aking isipan

Kundi ang kaligtasan, ng anak ko at ng karamihan.

 

Ang pagbabakuna, ay kanilang inumpisahan

Sa mga paaralan, ng malalayong lalawigan

Dito man sa siyudad, ay kanilang ipinalaganap

Sa pampublikong paaralan, ang programa’y ipinatupad.

 

Sa wakas ang mga magulang, pansamantalang nakampante

Hanggang sa ang balita, ay pumutok sa kalye

Sa dyaryo ay nabasa, sa telebisyon ay inere

Dengvaxia daw ay di ligtas, ako’y biglang natorete!

 

Ilang batang naturukan, sintomas ay kinakitaan

Pare-parehong karanasan, mula nang mabakunahan

Lagnat, sakit ng tiyan, pamamaga ng kalamnan

Ano pa ba ang kinahinatnan, kundi kamatayan!

 

Puso ko ay nagdugo, sa lahat ng natunghayan

Ang aking anak, ay isa sa nabakunahan

Ano pa ang magagawa, kundi ang humingi ng awa

Sa Diyos na nagtakda, sa lahat ng tadhana.

 

Sino nga ba sa kanila, ang dapat sisihin?

Sa lahat ng kapabayaan, hindi man aminin

Sa bakunang di dapat, sa mga bata ay ginamit

Pag-asa o disgrasya, ano nga ba ang kapalit?

 

Paliwanag dito, paliwanag doon

Sino nga ba sa kanila, ang may maling aksyon?

Ang nakaraan ba, na meron daw intensyon

O ang kasalukuyang, administrasyon?

 

Sa mga taong lumagda, konsensya ninyo’y nasaan

Kasunduan na salat, at walang kasiguraduhan

Pera lang ba talaga, ang pinag-uusapan

Hindi ang kaligtasan, ng mamamayan.

 

Paano na ang mga bata, walang malay na biktima

Ang mga walang awa, ayaw pang maniwala

Suspetsa at pagdududa, ang itinugon nila

Sa buhay at pag-asa , na sa iba ay kinuha.

 

Ramdam ko ang sakit, na ngayon ay nadarama

Mga magulang na nagnanais, katarungan ay makuha

Pagkawala ng anak, walang katumbas na sakuna

Hindi kayang sukatin, damdamin ay mabigat na.

 

Ang mga magulang naman, na nag-aabang pa

Sa kahihinatnan, ng nabakunahang anak nila

Ano nga ba ang mapapala, sa bakunang walang kwenta

Kaligtasan ba o kamatayan din, ang kahahantungan nila?

 

Wala na akong magagawa, kundi ang umasa

Na ikaw anak ko, ay makakaligtas pa

Sa Diyos tayo ay tumawag, at humingi ng awa

Gawin natin ang lahat, upang tayo ay ipagpala.

 

Sa mga magulang, o kamag-anak man

Hindi tayo masisisi, sa hinangad na kaligtasan

Pagka’t inakalang, ito ay kasagutan

Sa sakit na ating, nais maiwasan.

 

Ngayon ay ating sikapin, na huwag umasa

Mga kapwa ko magulang, huwag mawalan ng pag-asa

Huwag agad maniwala, anuman ang sabihin nila

Hindi na dapat maulit pa, ang naganap na.

 

O mahal na anak ko, ipagpaumanhin mo

Ang nangyari sa iyo, ay hindi ko ginusto

Sa kabila ng lahat, ako ay nangangako

Na hindi na mauulit, mali ay iwawasto.

 

Ang panganib na dala, ng bakunang dengvaxia

Ating lalabanan, saan man magpunta

Ang iyong kalusugan, ay palalakasin pa

Ihahain ko sa iyo, pagkaing masustansya.

 

O aming ama, sa iyo ay inilalapit

Isang pang pagkakataon, huwag sanang ipagkait

Nais pang ipadama, ang yakap na mainit

Sa mga mahal naming anak, na bunga ng pag-ibig.

 

 

MARIPOSA

 

 

 

SHARE
Previous articleOnline Horoscope Mayo 5 2018
Next articleTanong mo Sagot ko May 5
I'm Geraldine Monzon. 37 years old; married with two children. I have written for comics, newspapers, pocketbooks and Indie film. My hobbies are browsing Facebook and Google so that I may learn and explore the world without travelling.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here