Panaginip na nagsasabing hindi kayang mawala sa buhay ang boyfriend

Tunghayan naman natin ngayon ang panaginip ni Angela tungkol sa mga magulang niya, mga kapatid niya, at isang babae na ka-chat ng boyfriend niya. Umiiyak daw siya ng umiiyak dahil hindi niya na makita ang kanyang boyfriend.  

Dear Maestro,

Ako po si Angela. Kasalukuyan naniniraham sa U.A.E. bilang OFW. Nakita ko po ang site ninyo at nabasa ang mga payo nyo sa mga nagtatanong ng kahulugan ng mga panaginip. Nagka-interest po ako at nagandahan sa mga payo ninyo, kaya naisipan ko rin pong makipagugnayan sa inyo upang itanong ang kahulugan ng aking mga panaginip.

Ganito po kasi yon. Noong December 2017 sa panaginip ko nasa Pilipinas  ako at nandoon ang mga kapatid ko, umuwi rin sila. Nakita ko ang aking parents o at nakita ko  doon ang boyfriend ko. Although hindi raw kami okey, gusto ko siyang ipakilala sa parents ko. Para kasing sa panaginip ko ay ikakasal na yata kami sa Pilipinas. Ang kaso, nang tatawagin ko na siya, bigla siyang lumayo sa akin.

Tapos, habang nakaupo ako. May  nakita akong babae na balingkinitan ang katawan at blonde ang buhok. Tinanong ko siya kung nakita niya ang boyfriend ko? Ang sagot niya ay “oo” at sabi pa niya, “hindi lang daw niya nakita ang boyfriend ko kundi kakilala pa niya.” Kaya tinanong ko kung paano niya nakilala ang boyfriend ko. Sabi noong babae na ito, “Ka-chat daw niya ang boyfriend ko at nanliligaw daw sa kanya at balak daw siyang halikan ng boyfriend ko pero umayaw daw siya.”

Pagkatapos noon, hinanap ko ang boyfriend ko pero hindi ko na siya makita. Masakit na masakit daw ang loob ko. Umiiyak daw ako ng umiiyak . Ano po kaya ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?

KASAGUTAN:

Pangkaraniwan nang pangyayari sa aktuwal nating karanasan na kapag nami-miss natin ang ating mga mahal sa buhay, lalo na ang ating mga magulang, kapatid, anak, asawa o kung sino mang sobrang malapit sa ating damdamin, at nagkataong malayo tayo sa isat-isa, kusa at talaga namang lumalabas sila sa ating panaginip, na nagpapahiwatig lamang ng dalawang bagay, una mahal na mahal natin sila kaya sila lumabas sa ating mga panaginip at pangalawa, gusto natin silang makita, mayakap at minsan pa ay makapiling at makasama.

Ang mga lugar na kadalasan namang napapanaginipan natin na minsang napuntahan na natin ay halos ganu’n din ang kahulugan. Napanaginipan mong “umuwi ka na sa Pilipinas at nagkita-kita kayo ng iyong mga kapatid at mga magulang:, dahil tulad ng nasabi na ang totoo nito, “uwing-uwi na talaga ang malalim mong sarili o pagkataon kaya naman ng ikaw ay natulog ipinahayag sayo ng iyong unconscious self na sa pamamagitan ng panaginip, ang kanyang malalim na hangaring makauwi na sa sinilangan niyang bayan upang makasama niya ang kanyang mga mahal sa buhay.”

Ang ikawalang tagpo naman sa iyong panaginip na nagpapakita “kung paano gusto mong ipakilala ang boyfriend mo sa mga magulang mo, ngunit lumayo ang boyfriend mo at bukod sa lumayo ang boyfriend mo ay may lumutang pang ibang babae sa iyong panaginip na ka-chat ng boyfriend mo ayon sa nasabing babae”  ay naghahayag  ng mga sumusunod:

Una, gusto mong ipakilala ang boyfriend mo sa mga magulang mo sa iyong panaginip, na nangangahulugang “mahal na mahal mo siya at siya na ang gusto mong mapangasawa.”

Pangalawa, imbis na lumapit ang boyfriend mo sa mga magulang mo sa iyong panaginip ay lumayo siya, ito ay nangangahulugang “sa kasalukuyan pinag-aalinlanganan mo pa rin ang katapatan ng boyfriend mo sa pagmamahal sayo” kaya naman imbis na “palapit sa mga magulang mo ay papalayo pa ang boyfriend mo.”

Subalit alam mo ba, Angela, na kung mahuhusto lamang ang pagtitiwala mo sa boyfriend mo, “kapag nanaginip kang muli, ang boyfriend mo na ang kusang lalapit at magmamano sa mga magulang mo.”

Kaya ang payo, dapat ngayon pa lang baguhin mo ang attitude mo sa’yong sarili, kung saan, sa Bagong Taong ito dapat lamang na “lubusin mo ang pagmamahal at pagtitiwala mo sa iyong boyfriend upang wag ka ng managinip ng kung anu-anong mga negatibong sitwasyon.”

 Pangatlo, nang lumayo ang boyfriend mo at hinanap mo siya, imbis na ang boyfriend mo ang iyong nakita ay isang babaing blonde ang buhok at balingkinitan ang pangangatawan, ito ay tanda na sa “kasalukuyang tinutubuan ka ng insecurities sa iyong sarili, malamang na unti-unti ka ng tumatanda o hindi ka na gaanong nagagandahan sayong sarili.”  Kaya naman ang “babaing balingkinitan ang pangangatawan at blonde ang buhok sa iyong panaginip ay sadyang paalala sa iyong sarili ng isa mo pang sarili, na dapat lang sa kasalukuyan, ituloy mo ang pagpapaganda at pagpapasexy o ang pag-aalaga sa iyong ganda at kalusugan upang tuluyan ng mawala ang iyong insecurities.” At kapag nawala na ang iyong insecurities, tuluyan ng mawawala sa panaginip mo “ang babaing blonde ang buhok at balingkitan ang pangangatawan”.

Pang-apat ang tagpo kung saan,  sinabi ng babae sa iyong panaginip na:  “Ka-chat daw niya ang boyfriend ko at nanliligaw sa kanya at balak siyang halikan ng boyfriend ko pero umayaw daw siya.” Ay tanda na sa kasalukuyan ay nakukulangan ka sa pagmamahal at romansa ng iyong boyfriend kaya lalo kang tinutubuan ng insecurities o pag-aalinlangan.

Kung ganyan nga ang katotohanan, ang payo ay dapat na maging malambing ka pa ng husto sa boyfriend mo, dahil ang mga lalaki naman mentras nilalambing  ay bumibigay din naman sila. Ang ibig kong sabihin, “bigyan mo ng sapat na atensyon, sexual at pangdamdamin man ang iyong boyfriend upang tuluyan na mawala sa panaginip mo ang babaing nakikipag-chat at nais halikan ng boyfriend mo.”

At panglima, “hinanap ko ang boyfriend ko pero hindi ko na siya makita. Masakit na masakit ang loob ko. Umiiyak ako nang umiiyak.” Ito ay tanda na sa kasalukuyan, ipinapaalala sa’yo ng iyong unconscious self na hindi mo nga talaga kayang mawala sa piling mo ang iyong boyfriend dahil sa sandaling nangyari yon, talaga namang hindi mo kayang tanggapin at maiiyak ka sa sobrang kalungkutang idudulot ng iyong paglalayo.

Sa madaling salita, isa lang ang buod at katuturan ng iyong panaginip, Angela. Ipinakita ang nasabing mga sitwasyon ng inyong unconscious self upang paalalahanan kang sa Bagong Taong ito ng 2018, lalo mo pang mahalin ang boyfriend mo at lalo nyo pang pagyamanin at pagibayuhin ng husto ang inyong relasyon. Sa ganyang paraan lamang sa muli mong paghiga, mahihimbing ka ng makakatulog, at makasisiguradong sa muli mong pagising hindi na mawala ang boyfriend mo, lagi mo na siyang makakapiling at patuloy na kayong magmamahal hanggang sa tuluyan na kayong magpakasal at magsasama habang buhay.