Pamahiin; WALIS

Paano ka magwalis? Lahat tayo ay nagwawalis araw-araw. Kung hindi natin ito gagawin malamang ay maiipon ang dumi sa ating sahig. Pero kung hindi mo pa alam, meron kang dapat sundin sa kung paano dapat magwalis upang hindi maalis ang suwerte ayon sa pamahiin.

Narito ang mga pamahiing nakakabit sa iyong walis.

1.Kung ikaw ay magwawalis huwag mong ugaliin na ang direksyon mo ay palabas ng pintuan. Ayon sa matatanda, sa ganitong paraan ay itinataboy mo lamang ang grasya at suwerte. Dapat ang iyong pagwawalis ay sisimulan mo sa harap ng pintuan papasok sa loob ,saka mo ito dadakutin ng dustpan at ilalagay sa basurahan. Iyan ang turo sa akin ng lola ko upang ang blessings daw ay hindi maitaboy palabas ng bahay.

2.Sa South America naman, may karagdagan silang pag-iingat pagdating sa pagwawalis. Bago sila magwalis sa labas, naglalagay muna sila sa isang timba ng mainit-init pa o maligamgam na tubig tapos ay sasamahan nila ito ng dahon ng basil. Bago gamitin ang walis ay isasawsaw muna nila ito sa timba na may binabad na basil at saka ito ipangwawalis. Ito raw ay makapagbibigay ng suwerte sa kanilang tahanan. Sinasabi rin na mas malaking suwerte ang ibibigay nito kung ito ay gagawin nila ng siyam na magkakasunod na araw.

3. Ang iba naman ay naniniwala na suwerte rin ang katumbas kung ang walis ay itutubog naman sa cinnamon water.

4.Ang mga Chinese naman ay may paniniwala na hindi magandang magwalis pagkatapos magpalit ng taon. Kaya sila ay pinalilipas muna ang unang dalawang araw matapos ang Chinese New Year. Naniniwala kasi sila na kapag nagwalis kaagad ay para mo na ring itinataboy ang mga suwerte na maaari mong makuha sa loob ng buong taon.

5.Ayon naman sa matatanda, iwasan mo na mawalisan ang paa ng isang taong single dahil hindi na ito makapag-aasawa o makakaranas ng kasal. Pero hindi naman agad dapat mawalan ng pag-asa ang single na ito na nawalisan mo ang paa dahil maari pang ma-break ang spell kung agad niyang maduduraan ang walis.

6.Isa pang paniniwala sa walis, kapag ang isang single na babae ay umapak sa walis na nakabagsak sa sahig, siya ay mabubuntis nang hindi kasal.

7.Kung hindi mo naman gusto na bumalik pa ang iyong bisita, sa oras na siya ay umalis, agad kang magwalis at hindi na siya ulit babalik para bumisita.

8.Kung lilipat ka naman ng bahay, iwanan mo na ang luma mong walis dahil ang bagong walis para sa bagong bahay ang siyang may hatid na suwerte.