Pamahiin Tambay: Mamalasin ka talaga

Walang mangyayari sa’yong buhay kapag nakaupo ka lang sa isang sulok at naghihintay ng pagpasok ng grasya. Napakaimposible naman kasing mangyari iyon. Kahit nga ang nagmamay-ari ng isang napakalaking kumpanya ay hindi tumatambay lang. Siyempre, kahit mayaman na siya ay gusto pa rin niyang magkaroon ng limpak-limpak na pera. Hindi lang para sa kanyang sarili kundi pati na rin sa kanyang pamilya.

Maging ang mga tambay din naman ay mayroong pamilya. Magulang, kapatid o anak. Kaya lang, wala talaga sa bokabularyo nila ang magtrabaho. Siguro, pakiramdam nila ay may tao o mga tao namang nagmamahal sa kanila kaya kahit hindi sila magbanat ng buto ay mayroon silang makakain.

Ngunit, kung ikaw talaga ang tipo ng tao na mahilig tumambay, huwag ka naman tatambay lang sa labas ng bahay ng isang buntis. Kung may plano ka talagang dalawin siya, pumasok ka na agad sa kanyang bahay. Kung hindi mo kasi gagawin iyon, mabibigyan mo siya ng kamalasan. Sinasabi kasi sa pamahiin na kapag ang bisita ng buntis ay tumambay pa sa labas ng kanyang bahay sa halip na dumiretsong pumasok ay mahihirapan pa siyang manganak.

Siguro naman kahit na iresponsableng tambay ka ay mayroon ka pa ring puso kaya huwag mo naman gustuhin na may isang buntis na maghihirap ng dahil sa’yo. Kung siya pa ay malapit sa’yo, tiyak din na hindi mo siya gugustuhing mapahamak. Alam mo naman siguro na kapag nanganganak ang isang babae ay laging nasa hukay ang isa niyang paa. Kaya, huwag mo gugustuhing manganib ang kanyang buhay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here