Pamahiin Pusa: Pagpatay sa pusa, may kaakibat na kamalasan

0
8067

Latest posts by PhilippineOne Contributor (see all)

NGIYAW, ngiyaw, ngiyaw. Kapag nakakakita tayo ng pusa, ang agad na pumapasok sa ating isipan ay mayroon siyang siyam na buhay. Ngunit, hindi naman ibig sabihin noon, lagi niyang maliligtasan ang kanyang kamatayan. Maaari ngang makaligtas siya kapag tumalon siya sa bubong o kahit mahulog siya buhay sa bubong dahil nga sa may kakayahan siyang balu-baluktutin ang kanyang katawan kaya may tendensiya na maaari pa rin siyang mahulog ng nakatayo.

Pero, kailangan mo ring malaman na hindi porke sinabing mayroong siyam na buhay ang pusa ay susubukan mo na ang pusa. May mga taong ipinanganak yatang walang puso dahil kahit na umiiyak na ang pusa, hindi pa rin niya tinatantanan ang pagpapahirap dito. Mayroon pa ngang sinasadyang patayin ang pusa. Tapos ang ikakatwiran, kaya daw niya pinatay ang pusa ay dahil malas daw ang pusang itim.

Pwes, kailangan n’yo ring malaman na ang pagpatay sa pusa ay ilang taon ding mamalasin. Maaaring umabot ng siyam na taon ang kamalasang mangyayari sa’yo. Bigla ko tuloy naalala ang kapatid ko noon, nakapatay siya ng pusa. Itim naman daw kaya malas. Hindi ko man alaga ang pusang iyon, ang sakit ng loob ko dahil may buhay siya at hindi dapat pinapatay ng ganoon lang. Anuman ang kanyang kulay.

Pero, siguro dahil talagang anumang gawaing masama ay hindi maaaring palampasin kaya matapos ang insidente na iyon ay nagkasapin-sapin ang kamalasang nangyari sa kanyang buhay. Kabilang na rito ang hindi niya natupad ang pangarap niyang maging NBI Agent tapos hindi na siya nakakita pa ng trabaho sa loob ng siyam na taon.

Maaari ngang para sa iba, ang pamahiin ay bunga lamang ng malikot na isipan ng tao kaya nga lang, may mga pagkakataon naman na nagkakatotoo ang kamalasan na ito kaya’t bakit mo pa hahamunin ang kapalaran. Hindi naman siguro mahirap kung ikaw ay magkakaroon ng malambot na puso sa anumang uri ng nilalang tulad ng pusa. Maganda man ito o pangit, maputi man o maitim, mayroon pa rin siyang buhay na dapat lamang na ating pangalagaan.

Sana naman sa pagbasa mong ito sa pamahiing ito ay matuto kang magpahalaga sa kanilang buhay. Hindi porke iyong nakikita mo silang nagkalat sa daan ay sasagasaan mo sila o pagtitripan. Dahil baka mamaya lahat ng kasamaang ginagawa mo sa nilalang na ito ay bumalik sa’yo. Mahirap takasan ang salitang karma, sige ka.

More Pamahiin articles 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here