Pamahiin Pautang: Gastos ang kapalit

May mga taong kaya nagpapautang ay dahil nais niya talagang matulungan ang kanyang kapamilya, kaibigan at kung sino pang taong nangangailangan pero mayroon din namang nagpapautang lang dahil gusto niyang kumita. Para mangyari iyon, ang uutangin mong pera sa kanya ay tutubuan niya.

Kung talagang kailangang-kailangan mo ng pera, wala kang pagpipilian kundi sunggaban ang inaalok na tulong sa’yo, kahit pa sabihin mong may tubo na sampu hanggang beinte porsiyento. Iyon nga lang, kapag kumagat ka sa ganoong sistema, mas mararamdaman mong maghihirap ka. Paano ba naman kasi, bukod sa nautang mo, kailangan mo pang mabayaran ang mga tubo na pinag usapan ninyo.

Kung ikaw ang nagpapautang, siguradong tuwang-tuwa ka kapag ang napautang mo ay magaling magbayad at sobrang nangangailangan. Ibig kasing sabihin noon, kahit malaki ang patubo mo ay papatusin niya. Malaki ring advantage kung mayroon naman siyang trabaho o may pinagkukunan siya ng pambayad. Ngunit, talaga nga bang naka-jackpot ka? Sa tingin mo ba talaga ay yayaman ka kung ganyang klase ang negosyo mo.

Marahil sa simula ay matutuwa ka dahil nararamdaman mong kumikita ka pero, ang kasiyahan na nararamdaman mo ay may katapusan. Swak na swak kasi sa mga nagpapautang na ito ang katagang ‘karma’. Kung may mga taong naghirap dahil sa’yo, darating din ang oras na mararanasan mo ang maghirap bilang kabayaran sa pagpapahirap na ginawa mo sa’yong kapwa.

Kaya, kung ganito ang iyong negosyo, mas maiging tigilan mo na dahil kahit i-compute mo ngayon ang mga kinita mo, darating ang oras na mawawala rin ang lahat ng kinita mo kapag dumating na ang araw ng paniningil sa’yo. Maaari kasing ikaw ay sobrang malasin kapag ikaw o ang kapamilya mo ang nagkasakit.

O, magpapautang ka pa ba?

SHARE
Previous articleOnline Horoscope by Maestro Honorio Ong January 27, 2020
Next articleLalaking Nanganganak Sa Panaginip

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here