Pamahiin; PANANAHI

Marami sa atin ang mahilig manahi. Isa ito sa maipagmamalaki nating mga Pilipino. May mga kalahi tayo na namamayagpag ngaun sa iba’t-ibang bansa dahil sa kanilang talento sa pananahi at pagdidisenyo ng mga damit. Kaya naman marami rin ang nagnanais matuto nito at maging magaling sa larangang ito. Subalit dapat mo ring malaman na ang pananahi ay may pinaniniwalaan ding mga pamahiin. Ang ilan sa mga paniniwalang ito ay ang mga sumusunod.

1.Kung ikaw ay kasalukuyang nananahi at ang iyong mga sinulid ay bigla na lang nagkabuhol buhol at naging masalimuot, ang ibig sabihin ay may mga taong nag-uusap tungkol sa’yo.

2.Kapag nag-umpisa ka na sa pananahi, siguraduhin mo na ito ay matatapos dahil pag nasimulan mo na at hindi mo naman tinapos, hindi ka makakaharap sa dambana or hindi ka maikakasal.

3.Kung ikaw naman ay nakabali ng gunting o blade habang ikaw ay nananahi, ito ay senyales ng kamalasan na paparating. Maaaring isa sa iyong mga kaibigan o kamag-anak ang iyong makakaalitan.

4.Kapag ikaw ay mananahi, huwag mo itong sisimulan sa araw ng Biyernes, maliban na lang kung matatapos mo rin ito sa araw na iyon. Dahil kung hindi ay may katumbas itong kamalasan sa pananalapi.

5.Huwag kang magreregalo ng gunting kahit pa hilingin ito sa’yo. Kapag ito ay iniregalo mo, mailalagay mo sa kapahamakan  o panganib ang pinagregaluhan mo nito.

6.Masamang pangitain din ang pagtatahi ng damit habang ito ay nakasuot sa iyong dadamitan.Isang kamalasan na maaari ring humantong sa kamatayan ang ibig nitong sabihin. Pwede mo rin namang makontra ang kamalasang ito kung ang tinatahian mo ay hahawak ng sinulid sa pamamagitan ng kanyang bibig.

7.Kung gusto mo namang suwertehin sa pagpasok ng taon, dapat kang manahi ng punda sa pagpapalit ng taon at dudulutan ka nito ng suwerte.

8. Huwag kang mananahi sa gabi dahil bukod sa lalabo ang iyong paningin ay maaari ka pang matusok ng karayom. Ito ay dahil sa mulat na ang mga engkantong mapaglaro pagpatak ng dilim at maaari ka nilang paglaruan habang ikaw ay abala sa iyong ginagawa.

9.Kapag nakabagsak ka naman ng gunting habang ikaw ay nananahi, ibig sabihin ay hindi tapat sa’yo ang iyong karelasyon at may ginagawa siyang alingasngas sa mga oras na ‘yon.

10.Kapag nagkamali ka ng sinulid na ginamit sa iyong pananahi, ibig sabihin ay may taong nagkakalat ng kasinungalingan tungkol sa’yo.