Pamahiin; PAGPAG

9939

Ano nga ba ang tinatawag na pagpag? Ang isang ibig sabihin nito ay ang mga pagkain na ipinapagpag upang makaing muli tulad ng mga tira-tira sa mga kainan. Bukod dito ay may iba pa itong ibig sabihin. Sa pamahiin, ang pagpag ay hindi mo dapat makalimutan kung ikaw ay pupunta sa isang lamay o burol. Pinaniniwalaan na kapag ang isang namatay na tao ay ibinurol, habang ang kanyang katawang lupa ay pinaglalamayan, maraming masasamang espiritu ang nasa paligid. May iba’t-ibang uri ng espiritu at engkanto na nag-aabang upang makuha ang kanyang katawan bago ito maibaon sa lupa at meron din namang mga espiritu na nag-aabang upang masaniban ito o kaya naman ay makalikha ng gulo sa sinumang nasa lamay. Hindi lang natin sila nakikita subalit ang mga panganib na dala nila ay palaging nakaamba sa atin.

Kabilin-bilinan ng mga matatanda, kung ikaw ay nagbabalak na pumunta sa isang burol, huwag na huwag mong kakalimutan na magpagpag. Hindi ito literal na papagpagan mo ang iyong sarili o ang iyong damit bago ka umuwi, kundi kailangan mo munang magpunta sa ibang lugar bago ka dumiretso sa inyong bahay pagkagaling mo sa isang lamay. Ito ay upang makasiguro ka na hindi ka masusundan ng sinumang espiritu na naroon sa lamay na iyon papunta sa iyong bahay. Maaaring isa roon ang espiritu mismo ng namatay. Kung ang taong namatay na siyang nakaburol ay hindi pa handa sa kanyang kamatayan at hindi pa niya ito matanggap,siya ay hindi matatahimik. Ang kaluluwa niya ay maghahanap ng masisisi o mapagbubuntunan. Kaya’t kung ikaw ay didiretso sa inyong tahanan mula sa kanyang burol ay maaari ka niyang masundan at guluhin. Ang kanyang hindi natapos na misyon sa paniniwala niya ay nanaisin niyang tapusin gamit ang pagkakataong ibinigay mo sa kanya para makapasok sa inyong tahanan. Kung ang iyong kaluluwa ay walang sapat na lakas para labanan siya at ikaw ay may mahinang pananalig sa Diyos, madali ka niyang magagapi at ito ay maaaring humantong sa pagsanib niya sa iyong katawan o kaya naman ay humantong sa sarili mong kamatayan.

Upang maiwasan ang ganitong senaryo, subukan na lang natin sundin ang bilin ng mga matatanda. May katotohanan man ito o wala ay wala namang mawawala sa atin.Kaysa naman ipakipagsapalaran natin ang ating buhay sa pamahiing kaya naman nating sundin. ffffffffffffff