Pamahiin; PAGKAIN

0
164

Mahilig ka bang mag-aksaya ng pagkain? Hindi mo dapat ito ginagawa dahil masama ito. Ang mga pagkain ay banal dahil ito ay biyaya ng Diyos. Hindi dapat inaabuso at hindi rin dapat inaaksaya. Kung kumakain ka ng mga pagkaing walang sustansya, okay lang naman basta’t hindi sobra na makaaapekto na sa’yong kalusugan. Kung masusustansyang pagkain naman ang bet mo, mas lalong okay dahil ibig sabihin lang nito na inaalagaan mong mabuti ang iyong katawan na pahiram lamang sa’yo ng Diyos. Tulad ng ating katawan na sinasabing sagrado, ang pagkain na pumapasok dito ay itinuturing din na sagrado dahil dito nakasalalay ang ating kalusugan at ikalalakas pa ng ating pangangatawan. Kaya naman dapat mo itong respetuhin.

Halimbawa, kung ikaw ay kakain na sa bahay o kaya ay sa isang handaan, dapat ang kukunin mo lang na pagkain ay yung kaya mong ubusin. Hindi yung itatambak mo lahat sa pinggan mo tapos ay ititira mo lang naman. Ayon sa pamahiin, kapag nagtira ka ng pagkain sa iyong plato ay para mo na ring inanyayahan ang isang espiritu na saluhan ka o kainin ang iyong tira. Kapag natiyempuhan ka ng masamang espiritu ay maaari ka na niyang guluhin sa susunod mong pagkain, pwedeng pasakitin niya ang tiyan mo o alisin ang gana mo sa pagkain. Kapag naman nahulog ang iyong kinakain at hindi pa naman ito nadumihan, ipagpag mo lang at ibalik sa iyong pinggan. Kung marumi na at basa o maputik ang kinahulugan, ilagay mo ito sa tamang lalagyan at huwag hayaan lang basta sa kinahulugan. Ito ay pagbibigay respeto sa iyong pagkain.

Masama rin ang mag-iwan ng pinagkainan sa mesa lalo na kung gabi na. Iniinvite mo ang devil na maupo sa inyong hapag kainan. Lalo na kung ikaw ay may tira sa iyong pinggan. Mas makakabuti kung mimismisan mo na ito, huhugasan at itataob sa tamang lalagyan. Kung ikaw naman ay kumakain at hindi mo na talagang kayang ubusin ang laman ng iyong pinggan, bago ka tumayo sa hapag kainan, ibulong mo sa hangin na ang pagkain na iyong natira ay para lamang sa mabuting espiritu.

Masama rin ang paglaruan ang pagkain dahil ito ay magtatampo. Ito ang madalas sabihin dati ng lola ko kapag nakikita niya ang maliliit kong mga pinsan na pinaglalaruan ang pagkain. Huwag daw itong gawin dahil magtatampo ang pagkain at ang biyayang ito ay babawiin ng Diyos.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here