Pamahiin; Karoling

Hindi kumpleto ang pagkabata mo kung hindi mo naranasan ang mangaroling. Isa itong masayang pag-awit ng pamasko kasama ang iyong grupo sa mga bahay na matatapatan nyo. Bawat isa ay may bitbit na pangtugtog tulad ng pinagsama-samang tansan sa nakabilog na alambre, lata ng gatas na ginawang tambol at kahit pa simpleng patpat na nakakalikha ng tunog. Nakakatuwang balikan ang bawat eksena sa pangangaroling noong araw. Ngayon ay ginagamitan na ng iba’-ibang makabagong instrumento ang pangangaroling at kung minsan ay may bitbit pa silang speaker. Hindi na rin basta kanta lang kundi nagsasayaw na rin ang bata man o matanda na bahagi ng pangangaroling. Pero hindi lahat ng nangangaroling ay umuuwing masaya dahil kung minsan ay wala o maliit lang ang nakukuha nilang halaga. Ang ibang bata nga ay kendi lang.

Para maging successful ang pangangaroling, may pinaniniwalaan ang pamahiin kaugnay nito. Kung balak mong mangarolin bago sumapit ang pasko, dapat maaga pa lang ay ihanda mo na ang iyong gagamiting instrumento. Kung ito man ay isang gitara, kailangan labingdalawang araw bago mo ito gamitin sa pangangaroling ay pinatutunog mo na ito. Ibig sabihin sa loob ng labing dalawang araw bago ang  pangangaroling mo ay araw-araw mo na itong patutunugin nang sa gayon ang tunog nito ay makaakit ng suwerte kapag ginamit mo na. Kapag tinapatan nyo na ang isang bahay, siguraduhin na naookupa nyo ang gitna ng harap ng pintuan. Dapat habang kayo ay kumakanta, walang puwang sa gitna upang hindi makasingit ang malas at maganda ang inyong matanggap. Maaari mo ring gawin ang mga ginagawa ng mga nag-aapply sa trabaho para sila ay matanggap, naglalagay sila ng barya sa kanilang sapatos na kadalasan ay piso. Pwede kang magsapatos sa pangangaroling at maglagay ng barya upang kayo ay makarami.

Hindi masama kung susundin natin ang mga pamahiing ito at ituturo natin sa ating mga anak na nagnanais ding mangaroling. Subalit huwag natin kakalimutan ang tunay na diwa nito na bigyang pugay ang nalalapit na kaarawan ni Hesukristo sa pamamagitan ng pag-awit na naging bahagi na rin ng tradisyon nating mga Pilipino tuwing sasapit ang kapaskuhan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here