PAMAHIIN; IBON

Ang mga ibon ay napakagandang tingnan. Kung ikaw ay isang tao na nagnanais maging malaya at papipiliin ka kung anong hayop ang gusto mong maging, siguradong ang isasagot mo ay isang ibon. Sa tuwing lilipad kasi ang ibon sa lawak ng kapaligiran, kagubatan at mga parang ay para mo na ring nararamdaman ang gaan ng kanilang pakiramdam. Subalit ang mga ibong tulad nila ay hindi rin nakakaligtas sa mga pamahiing pinaniniwalaan ng sangkatauhan. At ang mga sumusunod ay ilan lamang sa dami ng pamahiing kasama nilang lumilipad-lipad sa kalawakan.

1.Kapag daw naiputan ka ng ibon sa iyong ulo, ito ay nangangahulugan ng suwerte. Malaki ang posibilidad na ito ay may kinalaman sa isang magandang oportunidad na paparating.

2.Kung ang isang itim na ibon ay nakagawa ng pugad sa iyong bahay nang hindi mo namalayan, ito ay senyales ng isang suwerteng hindi mo inaasahan.

3.Kung ikaw ay isang mangingisda at pumatay ka ng ibon habang ikaw ay naglalayag, asahan mo na ang iyong pagkaligaw sa susunod mong paglalayag sa karagatan.

4.Kapag nakakita ka ng ibon na dumapo sa inyong bintana, ang ibig sabihin ay may matatanggap ka na isang mahalagang mensahe mula sa malayo.

5.Kung ikaw ay nag-aalaga ng mga ibon at may makita ka na isa na tila hindi mapakali, ito ay nangangahulugan na may isang kamag-anak kang nasa panganib.

6.Kung ikaw ay nasa harap ng salamin at nakakita ka ng ibon sa salamin, ang ibig sabihin nito ikaw ay susuwertehin sa lugar na pupuntahan mo sa araw na iyon.

7.Kung ikaw ay may sakit at nakakita ka ng ibon sa bintana, ang ibon na iyon ay may kaluluwa ng isang taong malapit sa’yo na pumanaw na at ikaw ay kanyang binabantayan.

8.Kung ikaw ay naglalakad sa isang madilim na kalye at biglang may ibon na lumapag sa iyong harapan, ito ay nangangahulugan ng isang babala na dapat kang mag-ingat sa iyong pupuntahan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here