Pamahiin Hayop: Pagmasdan mo silang mabuti

Tunghayan ang Pamahiin Hayop.

Animal lover ka man o hindi, huwag mo silang pagmalupitan dahil may buhay silang dapat na pangalagaan. Hindi man sila nakapagsasalita, mayroon din naman silang pakiramdam kaya’t masasaktan sila kapag sila ay pinagalitan mo at sinaktan.

Mahal na mahal ko ang alaga kong si Zacky kaya naman sobra kahit nakagawa siya ng kasalanan, agad ko siyang napapatawad. Paano ba naman kasi hindi malulusaw ang galit mo kapag tiningnan ka na niya. Para kasing nangungusap ang kanyang mga mata na huwag ka na magalit sa kanya. Kaya naman, sa tuwing may makikita akong hayop na walang awang sinasaktan, parang dinudurog ang puso ko. Hindi ko kasi maiwasang isipin na may masamang taong gagawa ng ganoon sa pinakamamahal kong alaga.

Aba, hindi ko iyon mapapayagan!

Naku, bago pa lumayo nang lumayo ang sasabihin ko, kailangan ko na munang huminto. Makabubuti kasi kung tatalakayin ko na lamang muna ang iba’t ibang pamahiin na may kaugnayan sa hayop kaya naririto ang Pamahiin Hayop.

AHAS. Susuwertehin ka raw sa sugal kapag may nakasalubong kang ahas habang papunta ka sa’yong pagsusugalan. Ang tanong nga lang, paano ka pa makakarating sa sugalan kapag tinuklaw ka ng ahas? Maaari kayang ang ibig sabihin noon, susuwertehin ka dahil hindi mo magagasta ang dala mong pera kaya mayroon kang pampagamot o kaya naman may magagasta sa burol at pampalibing mo.

ASO. Kung kumakahol ang iyong alaga, maaaring may ‘nilalang’ siyang nakikita. May kakayahan kasi ang kanilang mga mata na makakita ng mga kaluluwang gala o kaya naman, mga elemento. Kaya, kapag ang iyong alaga ay umalulong, siguradong kikilabutan ka. Kailangan mo ring malaman na kapag ang aso ay umalulong, may mamamatay.

BIIK. Kung bumili ka nito, kailangan mo muna itong ilibot sa’yong bahay ng pitong beses at hindi raw ito maliligaw kapag nakakawala sa kural.

BUTIKI. Kung ang ahas ay suwerte, malas naman daw kapag nakasalubong ka ng butiki sa pagpunta mo sa sugalan. Siguro, dahil hindi ka naman magpapaawat kung butiki lang ang makikita mo sa’yong daraanan kaya maaari ka talagang matalo. Ang isa pang pamahiin tungkol sa butiki, kapag daw nagkakaingay ito sa gabi, ibig sabihin ay magkakaroon ka ng bisita.

DAGA.  Huwag na huwag kang magsasabi ng masasamang salita sa daga dahil gagantihan ka niya. Hahanapin pa iya ang bagay na importante sa’yo at ngangatngatin niya. Kung nagagalit ka man sa kanya, ang dapat mong pantukoy sa kanya ay ‘mabait’.

GAGAMBA. Kapag sa gabi ka raw nakakita ng gagamba, ikaw ay susuwertehin. Kapag sa araw naman ikaw ay mamalasin. Kung ang gagamba naman daw ay nalaglag sa kanyang sapot at hindi nakabalik, magkakaroon ng trahedya ang pamilya. Kung nagawa naman nitong makabalik sa sapot, magiging maligaya ang pamilya.

GAMU-GAMO. Ito ang tanda na malapit nang umulan kaya kung ayaw mong magkaroon ng gamu-gamo sa bahay ninyo, patayin mo ang ilaw. Kalimitan kasi sila ay lumilipad-lipad sa may ilaw.

MANOK. Titigil daw ang opag-ulan kapag may manok na naglakad sa may ulanan.

PALAKA. Uulan na raw kapag narinig mong sila ay nagkakaingay.

PUSA. Kapag nakita mong naghihilamos ng mukha ang pusa, mayroong darating na bisita.

O, huwag mong iisnabin ang Pamahiin Hayop.

More Dreams

More Horoscopes

More Palmistry

More Astrology/Pahula

More Pamahiin

More Kapangyarihan

More Chinese Horoscope

More Sikreto

2 COMMENTS

  1. Kapag nalaglag ka sa ulo ng butiki?swerte ba o malas?

  2. Butiki po laging nag iingay tuwing gabi…ano po ba dapat kong gawin tinubuan napo ako nang takot sa tuwing nag iingay sya

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here