PAMAHIIN: Good Luck and Bad Luck sa Negosyo

Mahilig ka bang magnegosyo? Kung meron kang negosyo at naniniwala ka sa mga pamahiin, kailangan mong malaman ang ilan sa mga pamahiin na naiuugnay dito.

1.Kung ikaw ay pipirma ng isang kontrata para sa isang bubuksang negosyo at papasok ka sa isang magandang opisina, kailangan na una mong ihakbang ang iyong kanang paa. Maganda raw ang senyales na ihahatid nito.

2. Kung ikaw naman ay babae at makikipag meet ka sa isang kliyente para makakuha ng deal, dapat kang magsuot ng high heels. Siguradong makakapagsara ka ng isang magandang deal dahil sa iyong high heels.

3. Mas maganda rin kung darating ka sa meeting ng kalahating oras bago ang pinag-usapan dahil lilikha ito ng isang positibong awra. Kung male-late ka naman ay negatibo ang ihahatid sa’yo nito.

4. Sa pagbubukas naman ng tindahan o karinderya , kailangan din na mas maaga sa oras na itinakda mo upang maghatid ng suwerte ang umaga. Dahil kung tanghali ka na magbubukas ay malas na ang masasalubong mo.

5. Kung magpaplano ka pa lang ng negosyo at balak mo pa lang makipagmeeting sa mga taong gusto mong makasama dito, huwag kang magbabaon ng mani o kakain ng mani sa araw na iyon lalo na habang kayo ay nag-uusap tungkol sa sisimulan ninyong negosyo. Mapupurnada ito.

6. Hindi magandang magsimula ng negosyo tuwing araw ng lunes. Kung ano raw ang mangyayari sa negosyo mo sa araw na ito ay iyon na ang mangyayari sa buong linggo, kaya kapag minalas ka sa unang araw na ito ay buong linggo kang mamalasin.

7. Masama ang magpautang sa gabi. Hindi na ito maibabalik sa’yo. Kung hindi naman ito maiiwasan ay kailangan mong bulungan ang pera o bagay na bibitawan mo na kailangan nitong bumalik sa lalong madaling panahon.

8. Ang unang benta sa iyong negosyo ay kailangan mong ihaplos sa iba mo pang paninda upang ang suwerteng dala nito ay maihawa sa iba mo pang paninda.

9. Kailangan mong maging positibo sa lahat ng pagkakataon kahit pa sa kabila ng hindi masyadong magandang takbo ng iyong negosyo upang ang mailap na suwerte ay mahuli mo.

10. Ang mga lucky charms ay may hatid na suwerte kaya kailangan mo itong ikalat sa bawat sulok ng iyong business area. Kung online naman ang business mo maari mong dikitan ng lucky charm stickers ang mga panindang ipopost mo.

Ang lahat ng ito ay mga pamahiin na iniuugnay sa business. Nasa sa’yo ang desisyon kung nais mo itong sundin o balewalain.