Pamahiin; DUYAN

Halos lahat naman yata ng mga bata ay nakapagduyan o naranasan na maiduyan. Masarap ito sa pakiramdam. Nakakapagpakalma at nakakapagpanatag ng kalooban. Kaya naman naaalala ko nung maliit pa’ko ay gustong-gusto ko na sumasakay sa duyan at talaga namang nakikipag-away pa’ko para dito. Pero alam nyo ba na sa kabila ng masarap na pagduyan ay may mga pamahiing kasama sa bawat pag-ugoy nito? Alamin natin ang mga pamahiing pinaniniwalaan na may kinalaman sa DUYAN.

1.Masama raw ang mag-ugoy ng duyan kung wala namang nakasakay dito dahil ito ay sasakyan ng masamang espiritu. Kapag ito ay nasakyan na ng evil spirit at ito ay sinakyan mo rin, maaari ka niyang masaniban o maaari ka niyang paglaruan sa iyong pagduduyan. Pwede ka niyang iugoy ng malakas hanggang sa ikaw ay mahulog. Lalo na kung ang sasakay ay isang batang walang muwang.

2.Kung ikaw ay magkakabit ng duyan, dapat ang uuguyan nito nang paharap ay nakaharap sa silangan at hindi sa kanluran. Kung ito ay sa silangan nakaharap, makakaakit ka ng suwerte samantalang kung ito ay nasa nakaharap sa kanluran ito ay magbabadya ng kamalasan na maaari mong sapitin.

3.Kapag hindi gagamitin, dapat ang duyan ay isasabit muna nang nakatiklop. Kailangan ito ay hindi maaaring maupuan ng mga evil spirits. Lalo na kung ang buong pamilya ay aalis at walang maiiwan sa bahay.

4.Huwag mong iiwanan ang sanggol sa duyan nang hindi mo siya naaabot ng tingin. Sa oras na siya ay iwanan mo, may ibang nilalang na hindi mo nakikita ang siyang mag-uugoy sa kanya. Ang nilalang na ito ay maaaring mabuti o masama. Kung mabuti, makikita mo siya na palaging nakangiti na tila may naglalaro sa kanya. At kung masama naman ay maririnig mo ang maya’t maya niyang pag-iyak dahil natatakot siya sa nilalang na ito.

5.Kung ikaw naman ay magduduyan sa duyan na nakatali sa mga kahoy o nasa gitna ng mapunong lugar, magtabi-tabi ka muna dahil baka ikaw ay makatama. Kung basta ka na lang sasakay sa duyan at mag-uugoy nang malakas, maaari kang makatama ng isang hindi nakikitang nilalang. Kung siya ay masamang nilalang, agad mong makakamit ang kanyang parusa. Pasasakitin niya ang iyong binto o ihuhulog ka niya sa duyan. Kung siya naman ay nilalang na mabuti, mararamdaman mo ang pagpigil niya sa duyan mo tanda nang pagpapaalala niya sa’yo na dapat kang mag-ingat sa pagduduyan.

6.Huwag kang matutulog sa duyan kung madilim na at nag-iisa ka dahil baka mapaglaruan ka ng mga nilalang sa dilim at maramdaman mo na lang na ikaw ay nauugoy nang wala namang nag-uugoy sa’yo.

SHARE
Previous articleHYPNOTISM 101
Next articlePAHULA 194

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here