Pamahiin Burol: Mga dapat tandaan pag may nakaburol

6
22679

Latest posts by PhilippineOne Contributor (see all)

HINDI natin alam kung kailan tayo magpapaalam sa mundong ito kaya habang naririto kayo makabubuting gawin na natin kung ano ang makapagpapasaya sa atin dahil hindi na natin ito magagawang tikman o maranasan kapag nag-expired na ang kontrata natin sa mundong ito. Ngunit, huwag mo rin siyempre kalimutang gumawa ng kabutihan habang humihinga ka pa. Kung minsan, ang pagiging mabuting tao mo ay nakabase sa bilang ng tao na nagpunta sa lamay mo.

Speaking of lamay, alam mo ba ang mga pamahiin sa burol?

Alam kong nasa year 2018 na tayo ngayon at karamihan sa atin ay hindi na naniniwala sa pamahiin pero kung kaakibat naman nito ay buhay at kamalasan, makabubuti sigurong huwag mong iisnabin ang Pamahiin Burol. Tandaan mo, masarap mabuhay sa mundong ito kaya dapat lamang na huwag tayong gagawa ng paraan para tayo ay malasin o maagang makaharap si Kamatayan. Kaya, huwag mong isnabin ang topic natin ngayon bagkus kailangan mo itong tandaan kapag may nakaburol.

*Para sa pamilya ng namatay*

Una, huwag magwawalis hangga’t hindi pa naililibing ang patay. Para mo raw kasing itinataboy na ang espirito ng patay at isinasama mo pa ang kanyang kanyang mga kapamilya o kamag-anak. Siguro naman ay hindi mo naman gugustuhin pang may sumunod sa namatay, hindi ba? Kaya, kung makikiramay ka, huwag ka naman magkalat dahil hindi maaaring magwalis hanggang hindi pa naililibing ang patay.

Pangalawa, bawal maligo at magsuklay ang pamilya ng patay. Tiyak daw kasing sasama ang pakiramdam mo kapag naligo ka sa mismong pinagbuburulan ng patay. Kaya, kung sa bahay ninyo nakaburol ang patay, makabubuting sa ibang bahay ka makipaligo. Huwag ka ring magsusuklay sa burol mismo dahil bukod sa masama na, kabastusan pa kapag ginawa mo iyon lalo pa’t nandoon ka sa harap ng patay.

Pangatlo, bawal tuluan ng luha ang kabaong. Hindi raw kasi matatahimik ang namatay. Siguro naman ay hindi mo gugustuhin mangyari iyon, hindi ba? Sige ka, baka dalaw-dalawin ka niya. Kung masyado siyang mag-aalala sa’yo, baka isama ka na rin niya.

Pang-apat, kailangang may sariling upuan ang asawa ng namatay. Ito iyong kalimitang nakikita nating silya na nasa harap ng kabaong. Doon umuupo ang asawa ng namatay at hindi iyon maaaring upuan ninuman. Kung sakaling may uupo roon na may asawa, maaari rin daw mamatay ang kanyang asawa. Kaya, maghanap na lamang ng ibang bakanteng upuan.

Panglima, huwag daw pagpatung-patungin ang plato dahil magkakasunud-sunod din ang mamamatay. Kaya nga kalimitan sa burol, paperplate na lang ang ginagamit para swak agad sa basurahan.

Pang-anim, bawal matulog ang lahat ng nasa lamay. Kailangan ay may isang gising. Kung hindi, malaki ang posibilidad na kunin ng aswang ang patay at palitan ng puno ng saging. Hindi mo naman daw makikita ang pagkakaiba dahil ang makikita mo ay ang mukha pa rin ng namayapa pero hindi na iyon ang pinaglalamayan mo. Siyempre, ang dapat mong ilibing ay ang tunay mong kapamilya.

Pang pito, takpan ng itim na tela ang mga salamin. Maaari raw kasing magpakita ang namatay.

 

*Para sa mga bisita*

Una, huwag mag-uuwi ng pagkain. Kahit na sabihin mo pang masarap ang kanilang pagkain, huwag na huwag kang mag-uuwi dahil mamalasin ka. Ang pagkaing ‘yan kasi ay pag-aari ng patay kaya kung kukunin mo, iisipin niyang ninakaw mo kaya susundan ka niya.

Pangalawa, bawal sumilip sa kabaong ang buntis sa kabaong. Maaari raw kasing mahirapan siyang manganak o di kaya naman ay mamatay ang sanggol sa kanyang sinapupunan.

Pangatlo, huwag sisilip kung mayroon kang sakit gaya ng ubo, sipon o lagnat. Kung may sugat ka rin, hindi ka maaaring magpunta sa patay dahil maaari raw kasing lumala ‘yan. Natandaan ko tuloy na noong nagpunta si Daddy ng may ubo sa patay, lumala ang kanyang pag-ubo. Pero, nu’ng sunugin ang ilang piraso ng bulaklak at ipalanghap sa kanya ay dagling nawala ang kanyang pag-ubo ng matindi.

Pang-apat, huwag kang magpapasalamat sa namatayan. Malas daw iyon. Maaaring sumama ang loob ng namatayan o kaya naman ang espirito ng namatay dahil iisipin niya na ikinatuwa mo ang nangyari sa kanya. Dahil doon, maaari kang malasin.

Pang-lima, magpagpag. Huwag na huwag kang dideretso sa bahay kapag galing ka sa lamay dahil susundan ka roon ng kaluluwa. Dapat ay magpunta ka muna sa ibang lugar para hindi ka sundan ng malas.

O, sana ay maging gabay ito sa’yo, ha. Bahala ka na kung maniniwala ka o hindi pero kung iisnabin mo ang paalala na ito, nanaisin mo bang malasin?

More Dreams

More Horoscopes

More Palmistry

More Astrology/Pahula

More Pamahiin

More Kapangyarihan

6 COMMENTS

  1. Anong bulaklak ang kailangan langhapin para madaling mawala ang ubo? sumilip kasi ako sa patay na may ubo thanks.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here