Pamahiin; Babala Ng Mga Kuliglig

Ang kuliglig ay hindi mapanganib na insekto. Ito ay nabibilang sa Gryllidae family. May cylindrical bodies, bilog na ulo at mahabang antena. Bagamat ito ay walang dinadalang panganib sa tao, kapag ang kuliglig ay pumasok sa ating bahay, maaari nitong kainin ang tela gaya ng cotton, linen, silk, wool and fur. Pero hindi naman malaking damage ang magagawa nito. Subalit hindi natin maitatanggi na ang ingay ng kuliglig ay masakit sa tenga lalo na kung ikaw ay nakatira sa probinsya na mapuno ang paligid. Maririnig mong nangingibabaw ang nakakainis na ingay na nililikha ng kuliglig. Pero kung kinalakihan mo na ito at bigla kang napatira sa Maynila na wala ka ng naririnig na huni ng kuliglig ay siguradong hahanap hanapin mo rin ang ingay nito.

Sa pamahiin, ang kuliglig ay ipinapalagay ng mga sinaunang matatanda na isang mensahero. Mansahero ng kalikasan at paparating na panganib. Sa ganitong paniniwala ay sadyang matalas ang pakiramdam at pandinig ng mga matatanda. Natatandaan ko pa ang lola ko, alisto siya sa huni ng kuliglig, ang sabi niya, kapag ito ay malakas at walang patid, nangangahulugan ito na may malakas na bagyong paparating. Kaya agad naghahanda ang lola ko ng mga kakailanganin namin para maging safe sa bagyo. Kapag naman ang huni nito ay mababa ang tono, ibig sabihin daw ay magiging maaraw kinabukasan. Kung ang huni naman ng kuliglig ay paudlot-udlot na hindi pangkaraniwan, may isang tao na daw na darating at magbibigay ng problema sa’yo. Kapag ganito ang dinig ng lola ko sa huni ng kuliglig, binibilinan agad niya ako na kapag may taong naghanap sa kanya ay sabihin kong wala siya dahil naniniwala siya na ang taong ito ang tinutukoy ng kuliglig na magbibigay sa kanya ng problema.

Ilan lamang ito sa mga babalang hatid ng kuliglig na pinapaniwalaan ng mga matatanda. Nasa sa’yo na kung ikaw din ay maniniwala o hahayaan na lamang ang pamahiing ito sa paniniwala ng mga matatanda.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here