Tunghayan sa Palmistry 191 ang request ni Rosemarie Valenton.
Dear Sir Govinda Jeremaya,
Ako po si Rosemarie Valenton, 60, gusto ko na pong umuwi. Nag-aalala po ako sa future dahil wala namang income pag–umuwi ako. Ang panganay ko ay may asawa na at bunso kong binata ay walang trabaho.
Rosemarie.
Sa’yo Rosemarie,
Kitang-kita na maganda ang mismong palad mo, malambot at may matataas na mounts. Na ang ibig sabihin, hindi ka maghihirap. At dahil hindi ka naman maghihirap wala kang dapat na katakutan sa hinaharap.
Kitang –kita rin ang naggagandahang mga guhit sa palad mo na ang kahulugan, ikaw ay yayaman at yayaman pa hanggang sa huling sandali ng iyong buhay.
Narito ang ilang bagay na magandang iyongpag-isipan:
1) Ang maling pagmamahal sa anak ay isang pagkunsinti sa kanilang katamaran at kawalan ng pangarap. Maaaring madidinig na sila may pangarap din pero ang pangarap na hindi naman tinutukan ay pangarap lang na sa salita lang.
2) Hindi maganda sa tao na hindi niya kinikilala na may Diyos na nakakaalam ng lahat. Kaya ang pagpapalagay na ang isang tao ay maghihirap at wala ng kabuhay-buhay kapag hindi na niya tinulungan ay masasabing umaasta siya na siya ay parang diyos din.
3) Kaya, mas magandang ipaubaya mo sa kanilang mga kapalaran ang kanilang buhay. Mali kapag inisip mo na wala na silang kapalaran kapag hindi muna sila natulungan.
4) Maaaring hindi mo tanggapin na ikaw pa ang malalaking hadlang kaya ayaw nilang magseryoso sa kanilang mga pangarap. Lagi mo kasi silang tinutulungan.
5) May sariling tuhod ang bawat tao , hindi niya kailangan ang tuhod ninuman para lang siya makatayo . Kaya, hayaan mong gamitin ng mga anak mo ang tuhod nila para sila ay matayo sa kanilang sarili.
6) Hayaan mong tulungan nila ang kanilang sarili.
- 7) Dahil ang salitang “tulong” ay tulong lang. Kumbaga, hindi ang tutulong ang mamumuhunan ng malaki. Dapat, ang tutulungan ang papasan at ikaw ay tutulong lang o aalalay.
8) Nakaalalay ka man sa mga anak mo, hindi dapat na ikaw ang pumasan sa kanilang mundo.
9) Gawin mo!Sundin mo! At magugulat ka dahil kapag pinasan na nila ang kanilang sariling mundo, baka nga mas mayaman pa sila kaysa sa’yo.
10) Muli, ipaubaya mo sa kanila ang kanilang kapalaran. Kung inaakala mo na walang mangyayari sa kanila, ‘yon nga ang magaganap kapag wala ka na sa buhay nila.
- 11) Matutuwa sa’yo si God dahil binibigyan mo ng pagkakataong iguhit ng mga anak mo ang kanilang sarili buhay . Na kung saan ay sila mismo ang gagawa ng paraan para ang kanilang kasalukuyan ay maaayos nila at magkaroon sila ng magandang kinabukasan.
Good Luck and God Bless.
Salamat sa Palmistry 191.