Pagpupugay Para sa “‘Night, Mother” ng PETA Theater Center

1
91
Pagpupugay Para sa “‘Night, Mother” ng PETA Theater Center

Denise Gozun

Aktibong miyembro ng lipunan na may mataas na pangarap para sa bayan. Bilang kabataang umaako sa kanyang responsibilidad bilang mabuting mamamayan, sa pamamagitan ng pagsusulat ay nagnanais itong makatulong sa reporma tungo sa pangkalahatang pag-unlad.

Latest posts by Denise Gozun (see all)

Kamakailan lamang ay aking nasaksihan ang dalawang batikang aktres na sina Eugene Domingo at Sherry Lara sa kanilang mga natatanging pagganap sa dulang pinamagatang, “‘Night, Mother”, handog ng PETA Theater Center. Ang materyal na ito ay isang orihinal ni Marsha Norman, na kanyang isinulat noong dekada ‘80. Hindi nakapagtatakang nagkamit ito ng maraming pagkilala sa larangan ng tanghalan noong mga panahong ‘yon, at aking mas naunawaan ngayon kung bakit.

Ang dula ay patungkol sa mag-inang Jessie at Thelma. Isang gabi ay kalmadong ipinaalam ni Jessie sa kanyang ina ang balak niyang magpakamatay sa gabi ring iyon upang tuldukan na ang lahat ng sakit at kalungkutang kanyang matagal nang pinagdaraanan. Sa loob ng isang oras at bente-kuwatro minutong produksyon ay matutunghayan ang kalbaryo ni nanay Thelma, ‘di mawari ang dahilan kung bakit ayaw nang lumaban ng kanyang anak at higit sa lahat, kung paano ito pipigilan sa kanyang binabalak.

Likas na maselan ang tema ng dula ngunit hindi maikakailang isinasalamin nito ang kasalukuyang problema natin pagdating sa usaping mental health at suicide. Kung susuriin nating mabuti ang “‘Night, Mother”, ating mapagtatanto na multi-faceted ang kabuuang isyu.

Sa pamamagitan ng dula, masasabi nating maraming bagay ang nag-aambag at bumubuo sa mental illness gaya ng depresyong naranasan ni Jessie. Higit pa ito sa pinakamadali at pinakateknikal na pagpapaliwanag ng medisina, at hindi lamang ito dahil sa isang masamang pangyayari. Ang mga bagay gaya ng pagpapalaki ng magulang, kinagisnang pamilya, at mga relasyon at pakikitungo sa ibang tao ay iilan lamang sa mga bagay na kailangang pagtuunang pansin pagdating sa ating diskurso. Kung ating babalikan ang dula, ang mga bagay na ito ang nagtulak kay Jessie sa kawalan ng pag-asa sa buhay, sa kawalan ng kagustuhang mabuhay.

Isa sa mga dahilan kung bakit marami sa atin ang umaabot sa ganoong punto ay ang kakulangan ng kaalaman at kakulangan ng suporta. Ngayon higit kailanman, dapat ay mas lalo nating buksan at lawakan ang ating pangunawa. Ang mga taong nakararanas ng ganitong sakit ay hindi mga abnormal, baliw, sira ulo, o naiiba. Ang mga taong nagnanais magpakamatay ay hindi kulang sa atensyon kung kaya’t nagpapapansin lang. Kailangan nating tanggaping may siyensiya sa likod nito at hindi lamang gawa-gawa.

Paano nga ba natin matutulungan ang mga Jessie sa buhay natin?

Una sa lahat, kailangan natin silang pakinggang mabuti. Hayaan natin silang damdamin kung anuman ang kanilang nararamdaman at hayaan natin silang ibahagi ito sa atin. ‘Wag nating huhusgahan o ipagpawalang bahala ang kanilang mga pinagdaraanan. Maaring para sa atin ay mababaw lamang ang kanilang mga sugat ngunit para sa kanila ay malalalim pala ang mga ito. Higit sa lahat, ‘wag na ‘wag nating iparamdam sa kanilang sila ay nag-iisa. Kadalasan, sa kawalan ng pag-asa, ang kailangan lang nating lahat ay malamang may kasama tayo sa pagtahak ng kadiliman… hanggang sa matagpuang muli ang liwanag… at ang ating mga sarili.

-Denise Guzon-

1 COMMENT

  1. Sobrang nakakaiyak… buti na lang may debriefing session pagkatapos ng play. Ang galing ni direk Melvin and syempre pati sina Uge and ma’am Sherry.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here