Paglaganap at Popularidad ng ‘Fake News’: Paano Nga Ba Nagsimula?

0
402

Kristine Joyce M Belonio

Kristine Belonio is a registered medical laboratory scientist and DOH-trained screening drug test analyst who hopes for a drug-free Philippines. And though she loves to do all the “bloody” work and analyze other bodily fluids, she’s also an aspiring journalist with a thorough know-how on the rudiments of news, feature and editorial writing.

Sa halos limang taon na karanasan ko bilang manunulat at editor sa mga online news websites na nakabase sa Estados Unidos, ang salitang “fake news” (o pekeng balita sa wikang Filipino) ay hindi na bago. Ngunit ang salitang ito ay malimit na ginagamit dahil mahirap ang magparatang na ang isang pahayagan o website ay naglalathala ng mga pekeng balita, hanggang noong kasagsagan ng 2016 Presidential Elections sa Estados Unidos.

Sa aking personal na karanasan, tila’y pangkaraniwan na ang mga artikulong “hoax” lamang o di kaya’y satirikal na pagbabalita. May iilan ding pawang mga tsismis o haka-haka lamang, lalo na sa mga balita tungkol sa mga artista. At karamihan sa mga ito ay mabilis na kumakalat sa online media, gaya na lamang sa paglaganap ng mga “fake news” sa buong mundo.

Kahit na ang salitang “fake news” ay hindi na bago, ito ay hindi popular na ginagamit. Marahil ang iilan ay nagtataka kung paano, kailan at saan nagsimula ito at bakit ang salitang ito ay biglang sumikat.

Ano nga ba ang ‘Fake News’?

Ang “fake news” ay itinuturing na isang uri ng dilaw na pamamahayag  (“yellow journalism”) o propaganda na binubuo ng mga mali o mapanlinlang na mga impormasyon na kumakalat sa pamamagitan ng tradisyonal na paglathala o pagsahimpapawid (pagbrodkast) ng news media o online social media. Ito ay isang neolohismo na tumutukoy sa peke o gawa-gawang balita na walang basehan ngunit inilalathala bilang totoo o tunay.

Ang mga pekeng balita na isinulat at inilathala ay kadalasang naglalayong kumita ng malaking halaga o magkaroon ng pampulitikang benepisyo sa pamamagitan ng sensasyonal, eksaherada at malinaw na maling pamagat ng mga balita na nakaaagaw-pansin o ang tinatawag na “clickbait headlines” sa Ingles. Dahil marami ang nakakabasa sa mga pekeng balita, pinapahina nito ang mga mahahalagang media coverage at nagpapahirap sa mga mamamahayag na masakop ang mga makakabuluhang kwento ng balita.

Uri ng ‘Fake News’

Ayon kay Claire Wardle ng First Draft News, ang “fake news” ay mayroong pitong uri — pangungutya o parodya (satire or parody), maling koneksyon (false connection), nakakalinlang na nilalaman ng balita (misleading content), maling nilalaman (false content), huwad na nilalaman (imposter content), dinayang nilalaman (manipulated content) at kathang-isip na nilalaman (fabricated content).

Batay sa paglalarawan ni Wardle, ang satire o parodya ay tumutukoy sa mga balitang walang layunin na maminsala ngunit may potensyal na manlinlang o manloko, habang ang maling koneksyon ay tumutuloy sa mga balita na ang titulo o ang mga nakikitang pamagat ay hindi tumutugma sa mga nilalaman. Ang nakakalinlang na nilalaman, sa kabilang dako, ay tumutukoy sa mapalinlang na paggamit ng impormasyon upang ibalangkas ang isang isyu o indibidwal.

Ang maling nilalaman naman ay tumutukoy sa mga balita na may tunay na nilalaman ngunit ito ay ibinabahagi sa hindi tamang konteksto ng impormasyon, habang ang huwad na nilalaman ay tumutukoy sa uri ng pekeng balita kung saan ang mga huwad na pinagmulan o source ay nagpapanggap bilang mga tunay na pinagmulan ng kuwento. Ang dinayang nilalaman ay tumutukoy naman sa pagmanipula ng mga tunay na impormasyon o larawan upang manlinlang at ang kathang-isip na nilalaman ay 100 porsiyentong bagong impormasyon na walang katotohanan at isinulat para manlinlang o manloko at maminsala.

Ang Simula ng ‘Fake News’

Ang pagbaluktot sa katotohanan para sa pampulitikang pakinabang ay tiyak na hindi na kapani-panibago. Sa katunayan, ito ay isang propaganda, at ang talaan ng mga gamit o paggamit nito ay bahagi na ng kasaysayan ng mundo.

Dahil sa “mass communication,” ang propaganda ay lalong lumago at ang mapang-akit na kapangyarihang nito ay lalong lumakas sa panahon ng mga kaguluhan ng ika-20 siglo sa pamamagitan ng mga serye ng ideolohiyang pakikibaka. At dahil sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya, ang propagandang ito ay ginamit nang walang humpay sa lahat ng panig ng kabuuang espektro ng media.

Ayon sa The Telegraph, ang ganitong uri ng propaganda ay pinopondohan at kinokontrol ng mga gobyerno. Ngunit, ang hayagang pagkiling na dala nito ay lumulubog habang ang mga ideolohiyang pakikibaka ay naging di-gaanong malinaw. Dagdag pa riyan, dahil ang mga populasyon ay naging sanay sa paggamit ng pangmasang komunikasyon, mas madali nilang makita ito.

Ang Pagsibol ng Ekonomiya ng ‘Fake News’

Ang ekonomiya ng pekeng pagbabalita o “fake news” ay lalong lumago at lumaganap dahil sa madaling pag-access ng “online advertisement revenue,” paglaki ng pampulitikang polariseysyon, at ang kantanyagan ng social media, lalo na ang Facebook News Feed. Ang mga “fake news” ring ito ay naging ugat ng kumpetisyon para sa mga lehitimong pahayagan at balita.

Pagdating sa pagbuo at pagpapalaganap ng mga ito, nasasangkot ang mga magkalaban o magkasalungat na mga gobyerno o partido, lalo na sa panahon ng halalan. Sa katunayan, ang kaugnayan at kahalagahan ng mga pekeng balita ay lalong dumami sa “post-truth politics.” Bilang tugon sa paglaganap ng mga “fake news,” ang mga mananaliksik ay nagsiyasat para bumuo ng sikolohikal na panlunas upang tulungan ang mga tao na tumuklas ng mga pekeng balita.

Dahil sa paglawak ng makabagong teknolohiya, ang pangangailangan para sa mga “page views” at rating ay lalong tumaas. Para sa mga media outlets, ang kakayahang maakit ang mga magbabasa sa kanilang mga website ay isang pangangailangan upang ikalugod ng mga advertisers na nagbabayad para sa mga patalastas sa kanilang mga website. Kung ang paglathala ng isang kuwento na may maling nilalaman ay makagawa ng isang malaking pamagat at makaakit ng mga magbabasa, ang paggawa ng mga ito ay may halaga upang pakinabangan ang mga advertiser at ratings.

2016 US Presidential Elections

Kung ating siyasatin nang mabuti, ang salitang “fake news” ay lumabas sa mga talakayan ng media at sa mainstream nang paratangan ni Donald Trump ang CNN at The New York Times na naglalathala ng mga pekeng balita habang nagtatalumpati sa kanyang kauna-unahang press conference bilang pangulo ng Estados Unidos. Simula noon, naging popular na ang paggamit sa salitang “fake news” at palaging tinatawag ni Trump ang pansin ng mga pangunahing media outlet para sa pagiging peke ng kanilang mga binabalita sa pamamagitan ng kanyang Twitter account.

Ang paglaganap ng “fake news” noong 2016, gayunpaman, ay may malaking pagkakaiba sa mga propagandang lumabas noong ika-20 siglo. Sa katunayan, karamihan sa mga pekeng balita na nailalathala ay tungkol sa isang pangunahing pangyayari o kaganapan lamang at ito ay ang halalan noong 2016 sa Pilipinas at Estados Unidos. Sinamantala ng maraming grupo ang mga interaksyon sa social media at algorithm tungkol sa kaganapang ito sa pamamagitan ng pagbuo o pagsulat ng mga hayperbolikong artikulo.

Kung may kaibahan, ang “fake news” at propagandang pampulitika ay may pagkakatulad rin. Dahil sila ay parehong paraan ng pagbaluktot ng katotohanan para sa emosyonal na panghihikayat upang humimok ng pagkilos.

Paglaganap ng ‘Fake News’ sa Pilipinas

Dahil sa paglaganap ng “fake news” sa Pilipinas at sa mainit na argumento tungkol sa isang blog, ang mga senador ay nagpatawag ng pagpupulong at imbestigasyon ukol dito. Ang debateng ito ay may kaugnayan sa Senate Resolution 516, kung saan hinihimok nito ang pamahalaan na itigil ang EJK o extra-judicial killings, lalo na sa mga menor de edad.

Ngunit, isang blog ang inilathala na tumuturing sa pitong senador na hindi nakapirma sa nasabing resolusyon bilang mga “Malacañang Dogs.” Kabilang sa mga senador na pinangalanan sa blog ay sina Senador Koko Pimentel, Manny Pacquiao, Tito Sotto, Richard Gordon, Gringo Honasan, Miguel Zubiri at Cynthia Villar.

Sa pangunguna ng tagapangulo ng Senate Committee on Public Information and Mass Media na si Senadora Grace Poe, siniyasat ng komite ang paglaganap ng mga maling impormasyon noong Okt. 3, laso na sa social media at paano matigil ito. Ayon sa CNN Philippines, iginiit ni Poe ang pangangailangan na suriin ang mga batas na napasa na, gaya ng batas sa libelo o paninirang-puri.

Sa pagdinig ng senado, sina Senador Antonio Trillanes IV at Francis “Kiko” Pangilinan ay nagpasa ng tatlong resolusyon para imbestigahan ang mga pekeng balita. Habang si Senador Joel Villanueva ay nagpasa ng panukalang batas na magpaparusa sa malisiyosong pamamahagi ng mga mali o pekeng balita.

Kultura ng Kasinungalingan

Sa panahon ng pagdinig sa senado tungkol sa “fake news,” hindi maikubli ni Senador Poe ang kanyang pagkabahala sa paglaganap ng mga mapanlinlang na balita at pekeng impormasyon, na kung hindi siyasatin ay maglilinang ng kultura ng pagsisinungaling. Dagdag pa ni Poe, ang “fake news” ay ang “e-version” ng budol-budol, kung saan marami ang nabibiktima at maaaring pagmulan ng kaguluhan.

“Kung ang pekeng balita ay hindi hinahamon, ito ay lilikha ng ‘lynch mobs’ sa ilang mga tao na nagiging mga hukbo ng mga assassin ng character na maaaring magpalaganap ng isang meme upang sirain ang isang ideya, isang tao o isang institusyon,” sabi ni Poe, na binanggit ng Philippine Star. “Kung ang mga tagapamahala ay pinahihintulutan na makalaya sa kanilang mga kasinungalingan, pinalalakas nila ang mga opisyal ng pamahalaan na magsinungaling upang makatakas sa pananagutan, durugin ang hindi pagsang-ayon at gumawa ng mga iligal na kilos nang walang pahintulot.”

Panukalang Batas Laban sa ‘Fake News’ Hindi Ipapasa?

Kahit na maraming mambabatas ang sumasang-ayon sa pagkontrol sa paglaganap ng mga pekeng balita, iniulat ng ABS-CBS News na hindi masigasig ang senado at si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpasa ng panukalang batas laban sa mga “fake news.” Ayon sa pangulo, ang paggawa ng isang batas upang magtakda ng isang pamantayan ay hindi niya pahihintulutan dahil ito ay “censorship.”

Dagdag pa ni Duterte, mas maigi raw na magpanukala ang mga mambabatas at senador ng batas na nagpapataas ng multa o kapurusahan para sa slander at libelong kaso. Ang mga komento ng presidente ay sinang-ayunan rin ni Poe.

Sinabi rin ng pangulo na wala din tayong magagawa kung ang intensyon ng pagkakalat ng balita ay manlinlang lamang dahil tayo ay isang demokratikong bansa. Habang iginiit ni Poe na hindi layuin ng pagdinig ukol sa pekeng balita na sugpuin ang kalayaan ng mga mamamayang Pilipino sa pagsasalita o pagpapahayag, batay sa ulat ng Inquirer.

Limitasyon sa Kalayaan sa Pagsasalita at Pagpapahayag

Sa kabila ng maiinit na debate kaugnay sa paglaganap ng mga pekeng balita, binigyang-diin ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III na mahirap ang magpanukala ng batas laban sa “fake news” dahil mahirap tukuyin ang tunay na ibig sabihin ng salitang ito. Ngunit para kay Senador Bam Aquino, ang kalayaan sa pagsasalita at pagpapahayag ay hindi ganap o lubos at ito ay may mga limitasyon at mga parametro.

Sabi pa ni Aquino, karapat-dapat na parusahan ang mga opisyal ng gobyerno na nagpapakalat ng mga pekeng balita. Dagdag pa niya, kailangan ng Pilipinas ang isang malinaw na patakaran sa mga alintuntunin ng pakikipag-ugnayan sa online platforms.

Ang paglaganap ng “fake newsonline ay nagdulot ng maraming kaguluhan at di-pagkakaunawaan sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ayon sa kahilim ng Kagawaran ng Komunikasyon na si Martin Andanar, mahalaga ang “public education” upang matigil ang paglaganap ng mga pekeng balita. Ngunit kung ikaw ang tatanungin, ano nga ba ang pinakamainam na solusyon para ditto?

“The views and opinions of the writer/s do not necessarily express the views and opinions of the site, organization, the management or the editor.” 

SOURCES:

http://www.telegraph.co.uk/technology/0/fake-news-origins-grew-2016/

https://en.wikipedia.org/wiki/Fake_news

http://cnnphilippines.com/news/2017/10/04/Senate-spread-of-fake-news.html

http://www.philstar.com/headlines/2017/10/04/1745463/fake-news-cultivates-culture-lying

http://newsinfo.inquirer.net/935973/duterte-senate-not-keen-on-fake-news-law

SHARE
Previous articleSA PAGBABA NG RATINGS NI PANGULONG DUTERTE, ANONG SEY NINYO?
Next articleANG MGA SURPRISING BENEFITS NG LAVENDER OIL

Kristine Belonio is a registered medical laboratory scientist and DOH-trained screening drug test analyst who hopes for a drug-free Philippines. And though she loves to do all the “bloody” work and analyze other bodily fluids, she’s also an aspiring journalist with a thorough know-how on the rudiments of news, feature and editorial writing.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here